Fr. Joe Dizon, 65

November 5, 2013

Fr. Joe Dizon, sa protesta kontra pork barrel sa Luneta noong Setyembre 13. (Macky Macaspac)

Fr. Joe Dizon, sa protesta kontra pork barrel sa Luneta noong Setyembre 13. (Macky Macaspac)

Pumanaw na ang isa sa mga tinitingalang lider ng kilusan para sa progresibong pagbabago sa bansa, si Fr. Jose “Joe” Dizon, 65, dahil sa mga kumplikasyong mula sa sakit na diabetes.

Inanunsiyo ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), sa social media ang pagpanaw ni Dizon alas-11:15 ng gabi ng Nobyembre 4.

Fr. Dizon sa Luneta, noong Set. 13. (Pher Pasion)

Fr. Dizon sa Luneta, noong Set. 13. (Pher Pasion)

Ipinagluksa ng iba’t ibang progresibong personahe at organisasyon ang pagpanaw ni Dizon, na unang nakilala sa madla bilang matapang na lider-relihiyoso na lumaban sa diktadurang Marcos. Matapos mapabagsak ang diktadura, nagpatuloy siya sa pagiging aktibo sa progresibong kilusan — mula sa pagtatanggol sa karapatan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng Workers Assistance Center (WAC) sa Cavite, hanggang sa pangangampanya kontra sa giyera sa Iraq, pandaraya sa eleksiyon at, nitong huli, paglaban sa pork barrel system.

Pinangunahan niya ang Basic Christian Community Organizing noong panahon ng diktadurang Marcos.

Katuwang na tagapagtatag si Dizon ng WAC, na nagsilbing isang socio-pastoral program ng Most Holy Rosary Parish sa Rosario, Cavite. Kinilala sa buong mundo ang naturang institusyon bilang maningning na halimbawa ng pagbibigay-suporta sa mga manggagawa sa Cavite Export Processing Zone (CEPZ).

Dahil dito, ginawaran si Dizon at ang WAC ng Tji Hak-Soon Justice and Peace Award sa South Korea, noong 2008.

Kabilang sa nilahukan niyang mga organisasyon ang Nationalist Alliance, Bayan, Plunder Watch, Kairos Philippines, Solidarity Philippines, Clergy Discernment Group, Kontra-Daya, at Ecumenical Institute for Labor Education and Research.

Nitong Pebrero ngayong taon, kinilala ng mga grupong pangkababaihan sa pangunguna ng Gabriela si Dizon bilang isang “V-Man”, o lalaking personahe na katuwang sa pagtataguyod ng karapatan ng kababaihan at paglaban sa karahasan sa kababaihan at mga bata. Kaalinsabay ito ng kampanyang One Billion Rising.

Paggawad kay Fr. Dizon ng katawagang "V-Man" sa ilalim ng kampanyang One Billion Rising. Kasama sa larawan sina Angel Aquino at Nikki Luna. (Arkibong Bayan)

Paggawad kay Fr. Dizon ng katawagang “V-Man” sa ilalim ng kampanyang One Billion Rising. Kasama sa larawan sina Angel Aquino at Nikki Luna. (Arkibong Bayan)

Nitong Setyembre, naging aktibo si Dizon sa pagbubuo ng Abolish Pork Barrel Movement, at pag-oorganisa ng malalaking kilos-protesta kontra sa pork barrel system noong protestang #ForwardMarch (Setyembre 13) at Never PorkGet (Setyembre 21) sa Luneta Park at Mendiola.

Noong nakaraang buwan, Oktubre, ipinagdiwang ni Dizon ang ika-40 anibersaryo ng pagiging pari niya.

Para sa marami, kinatawan ni Dizon ang mahabang tradisyon sa Kristiyanismo ng aktibong paglahok sa paglaban ng inaaping mga mamamayan. Kabilang siya sa strand sa loob ng Simbahang Katoliko na nagtulak ng progresibong pagbabago sa loob nito at sa lipunang Pilipino.

“Pasasalamat sa dakilang mga ambag sa pagsusulong ng karapatan at kagalingan ng mga inaapi’t pinagsasamantalahan. Mananatili ang ala-ala (niya) sa puso at isip ng mga manggagawa at buong sambayanang Pilipino,” pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU), sa Facebook account nito, ilang minuto matapos nabalita ang pagpanaw ng akbitistang pari.

Sa Nob. 6, alas-7 ng gabi, nakatakdang magsagawa ng luksang-parangal kay Fr. Dizon sa San Roque Cathedral, Caloocan City. Matapos nito, ililipat ang kanyang labi sa Casas Hall, Bishops Residence sa Imus, Cavite.