Main Story Pambansang Isyu

‘Kontra-Pilipinong’ Cha-Cha


Niraratsada ng administrasyong Aquino ang mga pagbabago sa 1987 Konstitusyon. Noong Lunes, ipinasa ng House Committee on Constitutional Amendments ang mga panukala para tanggalin ang natitirang mga probisyon sa Konstitusyon na nagpoprotekta sa ekonomiya ng bansa. Nagkaroon ng sunud-sunod na mga pagdinig hinggil sa Charter Change noong nakaraang mga linggo, sa pamumuno ng mga kaalyado […]

Ka Tonying Flores ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas: Sa halip na tunay na reporma sa lupa, pagbebenta pa sa lupain ng bansa ang inaatupag ng Kongreso, sa uri ng Charter Change. <strong>KR Guda</strong>
Ka Tonying Flores ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas: Sa halip na tunay na reporma sa lupa, pagbebenta pa sa lupain ng bansa ang inaatupag ng Kongreso, sa uri ng Charter Change. KR Guda

Niraratsada ng administrasyong Aquino ang mga pagbabago sa 1987 Konstitusyon. Noong Lunes, ipinasa ng House Committee on Constitutional Amendments ang mga panukala para tanggalin ang natitirang mga probisyon sa Konstitusyon na nagpoprotekta sa ekonomiya ng bansa.

Nagkaroon ng sunud-sunod na mga pagdinig hinggil sa Charter Change noong nakaraang mga linggo, sa pamumuno ng mga kaalyado ni Pangulong Aquino sa Kongreso. Ngunit sa halip na ang boses ng mga mamamayan ang pinakinggan, binigyang-halaga ang makapangyarihang lobby ng dayuhang mga negosyanteng nagtutulak ng Cha-Cha.

Lobby money?

Pinagdududahan tuloy ng makabayang mga mambabatas ang kanilang mga kasamahan na posibleng tumanggap umano ng limpak-limpak na lobby money mula sa dayuhang mga negosyante para maipasa ang Cha-Cha. “Ipinapakita ng pagratsada sa Cha-Cha ang kapangyarihan ng mga lobbyist na ito. Hindi ako magtataka kung milyun-milyong piso ang naging kapalit ng pagpasa sa panukala,” ani Kabataan Rep. Terry Ridon.

Sa House Resolution No. 1 ni House Speaker Feliciano Belmonte, maaari nang magpasa ang Kongreso ng mga batas na pumapayag sa hanggang 100 porsiyentong dayuhang pag-aari ng mga lupa, pampublikong yutilidad, institusyon sa edukasyon, mass media, at iba pa.

Sa ilalim ng 1987 Konstitusyon, ipinagbabawal ang dayuhang pag-aari sa mga sensitibong sektor na ito, habang limitado naman sa 60 porsiyento ang dayuhang pag-aari sa mga korporasyon.

Dinagdagan ng HR No. 1 ng mga salitang “unless otherwise provided by law” ang mga proteksiyonistang probisyon sa Article XII (National Patrimony and Economy), Article XIV (Education, Science and Technology, Arts, Culture, and Sports), at Article XVI (General Provisions) ng Konstitusyon. Ito ay para umano maging “mas pleksible” ito sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.

Ngunit ayon  kay Gabriela Rep. Emmi de Jesus, miyembro ng Makabayan bloc na tutol sa Cha-Cha, palalalain nito ang mga problema sa ekonomiya na dulot ng kontrol ng dayuhan sa batayang mga industriya at serbisyo. “Kung aalisin pa ng Kongreso ang natitirang economic provisions na naglalaan sa bansa ng kontrol sa ating yaman, tuluyan nang mawawala ang ating patrimonya. Tayong mga Pilipino ay mauwi sa pagiging alipin na lamang sa dikta ng dayuhang kapitalista,” aniya.

Sa mga pagdinig sa Cha-Cha, tinunggali ng makabayang mga mambabatas ang sinasabi ng administrasyong Aquino na lilikha ng maraming trabaho ang pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan.

Iprinisenta nila ang datos mula sa Ibon Foundation na nagpapakitang hindi lumlikha ng sapat ng trabaho ang pagtaas ng foreign direct investments (FDI). Ayon sa Ibon, mula 1981 hanggang 2013, tumaas nang may 15 beses ang FDI sa ating bansa. Ngunit sa parehong panahon, dumoble rin ang unemployment rate o bilang ng mga walang trabaho sa bansa.

“Hindi nagreresulta ang mataas na FDI ng malakas na lokal na ekonomiya na kayang lumikha ng trabaho at kapital sa isang sustenableng paraan. Hindi umunlad ang ekonomiya ng bansa dahil biased ang ating mga polisiya sa mga dayuhang mamumuhunan, kaysa sa pangmatagalang kaunlaran ng bansa,” pahayag ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation.

Ipinunto naman ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na pinoproteksiyunan ng mauunlad na bansa ang kanilang ekonomiya. Kabilang dito ang Thailand na may 51 porsiyentong domestikong pag-aari sa mga pampublikong yutilidad gaya ng kuryente; Australia na may 65 porsiyentong domestikong pag-aari sa telekomunikasyon; at Brazil na may 49 porsiyentong domestikong pag-aari sa mga lupain.

Pag-aari ng lupa ng mga dayuhang kompanya (gaya ng Australia-New Zealand na kompanyang mina sa Nueva Vizcaya sa litratong ito), posible na kapag natupad ang Charter Change. PW File Photo
Pag-aari ng lupa ng mga dayuhang kompanya (gaya ng Australia-New Zealand na kompanyang mina sa Nueva Vizcaya sa litratong ito), posible na kapag natupad ang Charter Change. PW File Photo

Pagbabagong nais ng mga negosyo

Sa presentasyon sa Kongreso ni Peter Wallace, tagapangulo ng Australian-New Zealand Chamber of Commerce Philippines, nasa 89 porsiyento ng mga lokal at dayuhang business chambers ang pabor sa Cha-Cha.

Bukod sa mga nakasaad nang artikulo sa HR No. 1, kabilang pa umano sa mga nais nilang buwagin o baguhin sa Konstitusyon ay ang mga sumusunod: promotion of security of tenure (Sec. 3, Article XIII); promotion of industrialization based on sound agricultural development and agrarian reform (Sec. 1, Article XII), at promotion of Filipino as a national language (Sec. 6, Article XIV).

Sa presentasyon ni Wallace, sinabi niyang kailangan na mas idebelop ang malalaking plantasyon ang taniman ng high-value crops, kaysa sa smallholder agriculture o agrikultura ng maliliit na magsasaka.

Sinabi rin ni Wallace na ang security of tenure ng mga manggagawa ay magdudulot ng mediocrity sa paggawa, at hindi nakakapanghikayat ng pag-eempleyo.

Gayundin, itinutulak ni Wallace ang paggamit at pagturo ng wikang Ingles, sa halip na ang pambansang wika na Filipino.

Tinawag naman ang mga panukalang ito ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na kontra-Pilipino. “Karamihan sa mga Pilipino ay mga magsasaka na walang sariling lupa at nais ng tunay na reporma sa lupa,” ani Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP. Magdudulot umano ang Cha-Cha ng mas matinding pangangamkam ng lupa mula sa mga magsasaka.

Diin naman ni Mariano, mas kailangan ng mga Pilipino ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, para makinabang ang mayorya sa pag-unlad ng ekonomiya.

Sinabi ni de Jesus na lalong maghihirap ang sambayanan sa mas mataas na bayarin na dulot ng pagsasapribado ng batayang mga serbisyo.

Ngayon pa lamang, aniya, nasa 45 porsiyento na ang pag-aari ng Indonesian tycoon na si Anthoni Salim sa Manila Electric Corporation (Meralco), na humihirit muli ng taas-singil sa kuryente. Gayundin, aniya, inaakit ng gobyerno ang mga lokal at dayuhang mamumuhunan sa 72 pampublikong ospital na isasapribado at lalong ilalayo sa kakayanan ng mahihirap.

Ayon naman kay Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, magreresulta ang Cha-Cha sa lalong pandarambong ng mga likas-yaman ng bansa, at walang ititira ang mga dayuhang kompanya para sa kaunlaran ng Pilipinas sa hinaharap.

“Sa totoo lang, dapat pa nga suportahan ng gobyerno ang mga lokal na industriya, agrikultura, at negosyo dahil hindi natin kayang makipagkumpetensiya sa kompanyang transnasyunal na may subsidyo mula sa kani-kanilang gobyerno….Kailangan palakasin, sa halip na tanggalin, ang mga probisyon ng Konstitusyon na naglilimita sa dayuhang pag-aari sa lupain, midya, at natural na rekurso,” ani Colmenares.

Cha-cha at Obama

Gabriela Rep. Luz Ilagan, sa piket ng mga magsasaka sa Kamara: Itanggi man ng pangulo, malinaw na may basbas ng Palasyo ang Charter Change. <strong>KR Guda</strong>
Gabriela Rep. Luz Ilagan, sa piket ng mga magsasaka sa Kamara: Itanggi man ng pangulo, malinaw na may basbas ng Palasyo ang Charter Change. KR Guda

Sinasabi ni Pangulong Aquino na hindi na umano kailangan ng Cha-Cha, dahil ang kanyang mga polisiya sa ekonomiya ay nakatuon na sa pang-aakit ng dayuhang mga mamumuhunan. Pero pinuna ng mga grupong tutol sa Cha-Cha na hindi rin naman pinipigilan ng pangulo ang pagratsada ng Cha-Cha ng kanyang mga kaalyado.

Naniniwala ang Bagong Alyansang Makabayan na palihim na sinusuportahan ni Aquino ang Cha-Cha, lalo pa at may napipintong pagbisita sa bansa si US Pres. Barack Obama sa Abril.

“Ang pagtanggal sa proteksiyunistang mga probisyon sa Konstitusyon ay isa sa mga rekisito para makasali ang Pilipinas sa Trans Pacific Partnership Agreement ng US, na layong ibayong buksan ang ekonomiya ng mga bansa sa buong mundo,” sabi ni Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Nangako ang makabayang mga mambabatas, grupo at indibidwal na lalabanan ang Cha-Cha sa plenaryo sa Kamara hanggang sa kalsada, para maigiit ang boses ng sambayanan na umano’y lalong maghihirap at matatapakan ang soberanya sa muling pagratsada ng Cha-Cha. Ilang administrasyon na rin ang nagtatangkang ilusot ito sa pambubuyo ng mga dayuhang negosyo at pansariling interes ng mga nakaupo sa poder, subalit nabigo.