Kapirasong Kritika

Walang Alam sa Edsa


Maraming tanong ang inuudyok sa mambabasa ng artikulong “Edsa I lessons lost on new generations” ng isang Linda B. Bolido na lumabas sa Philippine Daily Inquirer kasabay ng paggunita sa ika-28 anibersaryo ng pag-aalsang Edsa. Magandang pagtuunan ng pansin ang artikulo dahil sa tuwi na lang may gugunitain ang bansa na yugto ng kasaysayan, laging […]

Maraming tanong ang inuudyok sa mambabasa ng artikulong “Edsa I lessons lost on new generations” ng isang Linda B. Bolido na lumabas sa Philippine Daily Inquirer kasabay ng paggunita sa ika-28 anibersaryo ng pag-aalsang Edsa. Magandang pagtuunan ng pansin ang artikulo dahil sa tuwi na lang may gugunitain ang bansa na yugto ng kasaysayan, laging may lalabas na balita sa midya na nagsasabing marami sa ating mga kababayan ngayon ang hindi nakakaalala-nakakaalam-nakakaunawa. Sa likod ng ganitong mga balita, mayroon kayang operasyong pang- ideolohiya?

Una, laging sinesentruhan at sinisisi ng ganitong mga balita ang pagtuturo sa mga paaralan. Sa puntong ito, wala silang sinasabing bago; alam ng marami na kapos kung hindi man bulok ang edukasyon sa bansa. Madali ring gawin ang ganitong balita, lalo na’t wala namang pagtukoy sa pananagutan ng mga patakaran ng gobyerno, kasama na ang pagkaltas nito ng subsidyo sa edukasyon, o sa mga opisyales ng gobyerno na responsable sa kadahupan ng edukasyon. Lagi pa itong may pang-aliw: ang hindi-nawawalang nakakatawang mangmang na pahayag ng mga taong ibinabalita.

Ikalawa, sa ganitong mga balita, para bang pailing-iling ang midya na bumubulong ng “Tsk, tsk” patungkol sa edukasyon. Sinisisi ng isang ideolohikal na aparato ng estado, sa gasgas na prase ng pilosopong si Louis Althusser, ang isa pa. Sa ibang pagkakataon, maririnig ang mga taong-midya na nagdidiin sa kapangyarihan at halaga ng kanilang institusyon. Pero bihira ang balita tungkol sa seryosong pagsusuri ng midya sa sarili tungkol pagtuturo nito sa mga mamamayan hinggil sa mahahalagang yugto ng kasaysayan ng bansa. Mga paaralan lang ang dapat sisihin; ang midya, ang linis-linis.

Ikatlo, bilang paunang pagsusuri, mahirap asahan ang midya ngayon na ituro ang Edsa 1, lalo na ang mga aral nito, sa mga mamamayan. Tuluy-tuloy ang tabloidisasyon ng midya: hindi hamak na mas gusto nito ang tawag-pansing kontrobersya kaysa sa nakakapagpaisip na mga aral ng kasaysayan. Hindi ba’t nataon ang ika-28 anibersaryo ng Edsa 1 sa balita tungkol daw sa misteryosong sakit sa balat sa Pangasinan? Higit pa diyan, sipsip ang midya sa gobyerno ni Noynoy Aquino, dahilan para pigilan nito ang paglago ng radikal na potensyal ng Edsa sa kamalayan at kilos ng mga mamamayan.

Ikaapat, idinidiin nito ang umano’y kamangmangan ng mga mamamayan, na naglalagay ng maraming markang pantanong sa kanilang mga posibleng hakbangin. Kapag sinasabi ng mga mamamayan na “pag-aalsang Edsa,” nauunawaan ba nila? Dapat ba silang paniwalaan? Kung hindi nila nauunawaan, maglulunsad pa kaya sila niyan? Ganoon din ang mga tanong sa rebolusyon ni Andres Bonifacio. Ibinabalik tayo sa reserbasyon ni Jose Rizal sa Katipunan: kulang pa umano ang edukasyon ng mga Pilipino. Napagtitibay ang paghahari ng iilan sa umano’y nakakaraming mangmang.

Ikalima, tinatawag ng ganitong mga “makatotohanang” ulat ang kabaligtaran nitong labis na ideyal, mula sa “isang ideolohiya ng Estado na nagpapalagay ng imposibleng sitwasyon kung saan natitiyak ng subject ang ‘buong’ katotohanan bago tumungo sa pag-aksyon sa katotohanang ito.” Mga salita ito ni Caroline S. Hau, progresibong iskolar, na nag-obserba ring “ang ‘kumpletong’ kaalamang ito… ay madalas unawain… na landas tungo sa isang kalayaang kinakatangian ng lubos na pag-igpaw sa mga historikal at materyal na kalagayan ng kaalaman at pagkilos [Necessary Fictions, 2000].”

Sa halip na maging bahagi ng nagpapatuloy na diwa ng Edsa, ang ganitong pag-uulat samakatwid ay bahagi ng paglikha ng mga naghahari ng “Edsa Fatigue” o “Kapaguran sa Edsa.” Ipinapatimo nito sa mga interesado at nakikisangkot sa pulitika na mahirap kung hindi man imposible ang pagbabago: Mangmang sa pulitika ang masa at ang maituturong dahilan ay mahirap baguhin. Napakababa ng kaalaman ng masa, at napakalayo nito sa imposibleng ideyal ng kumpletong kaalaman. Tama ang mga aktibista sa pag-unawa sa ganitong mga balita: hamon sa pagsusuri at pag-oorganisa.

28 Pebrero 2014