Dalawang ‘Napolist’, cover-up sa pork barrel scam?
Hinamon ng iba’t ibang grupo ang Department of Justice (DOJ) na ilabas na ang listahan ni Janet Lim-Napoles ng mga sangkot sa pork barrel scam, dahil anila’y posibleng may pinagtatakpan ang DOJ. Pahayag ni Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan, intensiyon daw ng administrasyong Aquino na protektahan mula sa imbestigasyon at pagpaparusa ang lahat ng […]


Hinamon ng iba’t ibang grupo ang Department of Justice (DOJ) na ilabas na ang listahan ni Janet Lim-Napoles ng mga sangkot sa pork barrel scam, dahil anila’y posibleng may pinagtatakpan ang DOJ.
Pahayag ni Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan, intensiyon daw ng administrasyong Aquino na protektahan mula sa imbestigasyon at pagpaparusa ang lahat ng nasasangkot, partikular ang mga kaalyado ng Pangulo.
“Sinasabi na ngayon ng Malakanyang na may iba pang listahan na may nakakadudang nilalaman. Ito’y masalimuot na iskema para lituhin ang publiko at protektahan ang mga nakinabang sa pork scam,” sabi ni Reyes.
Inamin kamakailan ni Pangulong Aquino na hawak niya ang dalawang listahan na galing kay Napoles, pero duda daw siya sa nilalaman nito.
Sabi ng Bayan, halos kapareho ng Hello Garci scandal na may lumitaw na dalawang tape ang listahan ni Napoles. “Matapos pagdudahan ni Aquino ang listahan, nagpalabas agad ng subpoena ang Senate Blue Ribbon Committee para sa listahan na nasa DOJ,” ani Reyes.

Ayon naman kay Rep. Fernando Hicap ng Anakpawis, karapatan ng publiko na malaman ang detalye ng nilalaman ng listahan. Inakusahan niya si Pangulong Aquino ng obstruction of justice dahil sa hindi nito pag-utos sa DOJ na isapubliko ang listahan, samantalang hinahayaan naman na magsalita si Rehabiliation Czar Panfilo Lacson hinggil sa listahan.
Inilabas na ni Lacson ang listahan na hawak niya na diumano’y galing din kay Napoles. Laman ng listahan ang 11 na senador at 53 na mga dati at kasalukuyang kongresista.
“Si Pangulong Aquino ang nakikinabang sa hindi paglalabas ng listahan na ito ni Gng. Napoles. Nakakaligtas ang Pangulo habang pare-parehong nadidiin ang kanyang mga kalaban at kaalyado,” sabi ni Hicap.
Malakas din ang hinala ni Gabriela Rep. Luz Ilagan na mayroong nagaganap na cover-up. “Parang pinapa-ikot at pinaglalaruan lang ng DOJ, Senado at Malakanyang ang publiko. Bakit nila sasabihing may listahan sila pero ayaw naman nilang ilabas ang nilalaman?” sabi ni Ilagan.
Lumalabas daw na wala talagang intensiyong ilabas ang nilalaman ng listahan at parusahan ang mga nakinabang sa pork barrel scam.
Para naman sa Kilusang Mayo Uno (KMU) itinatago ng administarsyong Aquino ang listahan para linisin at gamitin laban sa mga katunggali nito sa pulitika, laluna para sa nalalapit na eleksiyon sa 2016.
“Mapanganib na makontrol ng adminsitarsyong Aquino ang Napolist. Maaari nitong alisin ang posibilidad ng pagkakasangkot ni Aquino kay Napoles. Maaari din nitong patahimikin ang mga kritiko niya at i-blackmail ang mga karibal at iba pang opisyal ng gobyerno para masunod ang kanyang mga dikta,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.