Magsasaka

Magsasaka sa Hacienda Dolores pinaslang


Isa na namang magsasaka ng Hacienda Doleres ang pinaslang. Tinambangan ng di-nakikilang salarin ang mag-asawang Nemelao Barcia, 54, at Maria Barcia, 54, noong Mayo 2 sa Purok 3, Brgy. Manibaug Paralaya, Porac, Pampanga. Galing umano ang mag-asawa sa Angeles City nang maganap ang insidente. Idineklarang dead on arrival sa ospital si Barcia na isang kagawad […]

Armed security personnel guards the entrance of Hacienda Dolores (Pokus-GL/Contributed Photo)
Armed security personnel guards the entrance of Hacienda Dolores (Pokus-GL/Contributed Photo)
Armadong mga guwardiya sa tarangkahan ng Hacienda Dolores. Pokus-GL/Contributed Photo

Isa na namang magsasaka ng Hacienda Doleres ang pinaslang. Tinambangan ng di-nakikilang salarin ang mag-asawang Nemelao Barcia, 54, at Maria Barcia, 54, noong Mayo 2 sa Purok 3, Brgy. Manibaug Paralaya, Porac, Pampanga. Galing umano ang mag-asawa sa Angeles City nang maganap ang insidente.

Idineklarang dead on arrival sa ospital si Barcia na isang kagawad ng Doleres at lider ng Aniban ng Nagkakaisang Mamamayan sa Hacienda Dolores (Aniban), samantalang nasa kritikal na kalagayan naman ang kanyang asawang si Maria.

Isinisi ni Rafael Mariano, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), ang pagpatay sa administrasyong Aquino. Aniya, ang may kaugnayan ang karahasan sa mga magsasaka ng Hacienda Dolores sa sigalot sa lupa.

“Pangalawa na si Barcia na biktima ng pamamaslang na may kaugnayan sa lupa sa Hacienda Dolores. Desperadong hakbang ito ng mga higante ng real estate para takutin ang mga magsasaka na lumalaban para sa kanilang karapatan sa lupa,” ani Mariano.

Pangdarahas

Noong Enero 12, pinagbabaril ng di rin kilalang armadong tao sina Arman Padino at mag-amang sina Noel at Reynold Tumali. Namatay si Padino habang ginagamot sa ospital samantalang sugatan ang mag-amang Tumali.

Dagdag pa ng KMP, bukod sa karahasan at pamamaslang, patuloy na nakakulong mula pa noong Abril si Antonio Tolentino na kapitan sa barangay ng Dolores. Sinampahan siya ng mga kompanya ng real estate ng “gawa-gawang kasong” kidnapping at carnapping.

Ayon sa grupo, noong 2005 ay nagpalabas ang Department of Agrarian Reform ng exemption at conversion order sa halos 2,000 ektaryang lupain ng Hacienda Dolores para hindi saklawin ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) pagkat hindi raw ito agrikultural.

Sinabi pa ng grupo na nakipagkuntsabahan daw ang DAR sa Leonardo-Lachenal Holdings, Inc. (LLHI) at FL Property Management Corp. (FLPMC) na pinaniniwalaang mga kompanyang dummy ng Ayala Land, Inc.

“Ang bogus na CARP ang pinakasalarin sa pagpatay sa mga magsasaka ng Hacienda Dolores,” sabi ni Mariano.

Sinabi pa niya na sapat na batayan ang pagpatay at karahasan sa mga magsasaka para hindi na pahabain ang CARP. Ipinanukala ni ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat sa Kamara na bigyan na naman ng isang taong panibagong ekstensiyon ito.

“Sa halip na maniobrahin para mabigyan ng ekstensiyon ang Carp at pahabain naman ang paghihirap ng mga magsasaka, hinahamon namin ang Congressional Oversight Committee on Agrarian Reform na agarang imbestagahan ang lumalalang karahasan at mga pagpatay sa Hacienda Dolores,” ani Mariano.

Hinamon din ni Mariano ang Kongreso na imbestigahan ang mga Ayala at mga debeloper sa Hacienda Dolores. “Dapat nilang hulihin at parusahan ang mga salarin,” sabi ni Mariano.

Pag-agaw

Sa kabuuang halos 2,000 ektarya ng Hacienda Dolores, inaangkin daw ng Ayala land ang 1,125 para sa kumbersiyon at gawing Alviera, isang lugar na sentro ng komersiyo, negosyo at industrial park, university zones, recreational areas at residential neighborhoods. Kasama ng Ayala ang Leonio Land sa kumbersiyon ng mga lupain sa Hacienda Dolores.

Samantala, dalawang magsasaka sa Kabankalan City, Negros Occidental ang sugatan nang paulanan sila ng bala ng pinaniniwalaang mga kasapi ng RPA-ABB na diumao’y inarkila ni Pablito Sola Jr. habang sila’y nagtatanim.

Sugatan sina Rey Bustamante, 20, na may tama sa mukha, at si Albert Francisco, na tinamaan naman sa kamay. Mga miyembro sila ng Paghilusa sang Mangunguma kag Mamumugon sa uma sa Barangay Camansi (Pamaca), lokal na tsapter ng KMP.

Ayon sa KMP, nagtatanim ang mga magsasaka noong Mayo 3 nang pagbabarilin sila. Nakita pa raw ng mga magsasaka ang mag-amang Pablito “Jean” Sola Jr. at John Paul Sola na nasa isang pick-up na sasakyan kasama ang mga armadong grupo, 200 metro ang layo mula sa mga magsasaka.

Sumailalim ang 133 ektaryang lupain Hacienda Sta. Isabel sa Brgy. Camansi, Kabankalan City, sa acquisition at distribution simula pa noong taong 2000. Pero tutol naman sa programa ang mga tagapagmana ng pamilyang Sola.