Abad, pinaaalis sa puwesto ng mga kawani sa kalusugan
Simbolikong ikinandado ng mga kawani sa kalusugan ang gate ng Department of Budget and Management (DBM) para iprotesta ang likha ni DBM Sec. Florencio Abad na Disbursement Acceleration Program (DAP) o ang presidential pork barrel na idineklarang ilegal ng Korte Suprema. Pinagbibitiw nila si Abad at pinaiimbestigahan ang mga may pakana ng DAP. “Ang DAP […]
Simbolikong ikinandado ng mga kawani sa kalusugan ang gate ng Department of Budget and Management (DBM) para iprotesta ang likha ni DBM Sec. Florencio Abad na Disbursement Acceleration Program (DAP) o ang presidential pork barrel na idineklarang ilegal ng Korte Suprema.
Pinagbibitiw nila si Abad at pinaiimbestigahan ang mga may pakana ng DAP.
“Ang DAP ba ang sagot ni (Pangulong) Aquino sa sinasabi nitong mas mabuting pamamahala at transparency? Siya at si Abad ay nagsabwatan para baguhin ang depinisyon ng savings sa pondong publiko tulad ng badyet sa kalusugan para dalhin ang bilyung-bilyong pera para sa mga proyektong si Aquino lamang ang nakakapagdikta,” ayon kay Eleanor Jara, doktor at co-convener ng Rx Abolish Pork Barrel System Movement, alyansa ng mga kawaning pangkalusugan at mga estudyante ng mga kursong pangkalusugan.
Anila, imbes na buhusan ng pondo ang mga nabubulok na na mga ospital para sa mga kawani, serbisyo, pasilidad, inprastraktura, at gamot, napunta lamang ang mga pondo nito sa ilegal na DAP.
Gayundin, ginamit lang para pansuhol sa mga senador noong panahon ng impeachment ni dating Supreme Court Justice Renato Corona, ayon sa grupo.
Malaki na rin sana ang maitutulong ng pondo mula sa DAP at maging sa Priority Development Assistance Fund o pork barrel kung direkta itong inilaan sa serbisyong pangkalusugan imbes na papasukin ang mga pribadong sektor na pagkakakitaan lamang ang mga mamamayang maysakit, sinabi pa nila.
Hindi din tinatanggap ng grupo ang sinasabi ng Malakanyang na ginamit ang DAP sa “good faith” at hindi nito mapagtatakpan ang pagsasabwatan nina Aquino at Abad sa pondo ng bayan.
“Ang kanilang ginawa ay pagtataksil sa tiwala ng sambayanan,” ayon kay Jara.
Susuportahan umano nila ang reklamong impeachment laban sa Pangulo, gayundin ang anumang legal na aksiyon laban kay Abad.