Reaksiyong bayan sa #SONA2014: Aquino, ‘in denial’ na kriminal

July 29, 2014

Isang malaking mural ni Pangulong Aquino na may posas, isinabit sa Commonwealth Ave ng mga nagprotesta sa SONA. Karla Ujano

Isang malaking mural ni Pangulong Aquino na may posas, isinabit sa Commonwealth Ave ng mga nagprotesta sa State of the Nation Address. Karla Ujano

“In denial” si Pang. Benigno Aquino III sa sarili niyang mga krimen. Sa halip, ginamit niya ang kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA) para isalba ang Disbursement Acceleration Program (DAP) at bigyan ng mensahe ang Kongreso na patayin ang nakahaing impeachment complaint laban sa kanya.

Ito ang pagtatasa sa SONA ng iba’t ibang sektoral na organisasyon sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Kinutya ng grupo ang umano’y “pagpapaawa” ni Aquino sa pamamagitan ng muling paggamit sa pangalan ng kanyang mga magulang, habang inaatake naman ang kanyang mga kritiko.

“Nakakasawa na itong paggamit niya sa pangalan ng kanyang mga magulang para iwasan ang kritisimo,” ani Renato Reyes Jr, pangkalahatang kalihim ng Bayan. “Sa halip na harapin ang pananagutan (sa DAP), muli niyang inakusahan ang kanyang mga kritiko ng makitid daw na political agenda,” aniya.

Ngunit si Aquino lamang umano ang may makitid na interes, kaya’t nag-ulat siya ng pawang mga “kasinungalingan” tungkol sa kalagayan ng bansa. “Insulto ito sa milyun-milyong Pilipino na nagdurusa sa lumalalang kahirapan at kawalang trabaho,” sabi ni Reyes.

Sabi naman ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno, “Gaya ng dati, nagsinungaling na naman si Aquino na umuunlad ang ating bansa…Para siyang presidente ng ibang bansa, o ng ibang planeta.”

Tangka na ilegalisa ang DAP

Bagaman hindi binanggit ang DAP sa isang oras at kalahating talumpati, pinuna ng mga progresibo ang tangka ng pangulo na depensahan at ipagpatuloy ang programa na balon umano ng malawakang korupsiyon.

Pinuna ni Kabataan Rep. Terry Ridon, ang paghikayat sa Kongreso ni Aquino na magpasa ng supplemental budget para sa mga proyektong pinondohan ng DAP, gayundin ang isang joint resolution na magbabago sa depinisyon ng savings.

Aniya, mga hakbang ito para subukang ilegalisa ang DAP, na idineklara na unconstitutional ng Korte Suprema. “Pero hindi kayang amyendahan ng isa lamang joint resolution ng Kongreso ang nakasaad sa Saligang Batas…Panloloko ito sa bayan,” ani Ridon, isa sa walong mambabatas na nag-walkout sa SONA ni Aquino.

Nagbabala si Ridon ng mas matindi pang krisis kung ipapasa ang nasabing joint resolution ng Kongreso, na kalakhan sa mga miyembro ay nakinabang din sa bilyun-bilyong pisong DAP

Ayon naman kay Teddy Casiño, dating kongresista ng Bayan Muna, layon ng joint resolution na ibigay kay Aquino ang kapangyarihan na galawin o amyendahan ang badyet o General Appropriations Act (GAA). “Para na ring kinapon ng Kongreso ang kanyang sarili. Bibigyan nito ng free hand ang pangulo na ideklarang savings ang anumang bagay na nasa GAA…Delikado ito, lalo na sa usapin ng check and balance,” aniya.

Empleyado ng gobyerno, ‘naiiyak’ din

Pagpapanagot kay Aquino sa ilegal na paggamit ng pondong bayan, patuloy na ipinanawagan sa press conference kinabukasan ng SONA. Ilang-Ilang Quijano

Pagpapanagot kay Aquino sa ilegal na paggamit ng pondong bayan, patuloy na ipinanawagan sa press conference kinabukasan ng SONA. Ilang-Ilang Quijano

Samantala, isa-isang pinabulaanan ng iba’t ibang sektor ang umano’y mga “kasinungalingan” ni Aquino noong SONA.

“Hindi namin naramdaman ang pag-angat ng kabuhayan. Nananatili kaming namumulot ng basura at nangangalakal para lamang may makain ang aming pamilya,” sabi ni Bea Arellano, tagapagsalita ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

Ipinapakita umano ng mga estadistika na 56 milyong Pilipino ang nabubuhay lamang sa P100 kada araw—malayo sa ipinagmamalaki ni Aquino na bumaba ang antas ng kahirapan sa 24.9 porsiyento, mula 27.9 porsiyento.

Sinabi pa ni Arellano na ang mga proyektong imprastruktura na pinondohan ng DAP ay hindi pinakikinabangan ng maralita, kundi “nagdudulot lamang ng demolisyon at pagpapatapon sa amin sa malalayong relokasyon.”

Kinuwestiyon ng Kadamay kung saan napunta ang P11 Bilyong DAP para sa pabahay, na hindi umano nila napakinabangan.

Samantala, “naiiyak” din ang mga empleyado ng gobyerno, ayon kay Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage. Ngunit hindi dahil naaawa, kundi dahil nagagalit sila sa pangulo.

“Malaking bahagi ng DAP—P98 Bilyon ng P178-B—ang kinuha mula sa aming mga benepisyo at alawans,” sabi ni Gaite.

Inihalimbawa niya ang umano’y P201 Milyong halaga ng benepisyo na makukuha sana ng 4,000 empleyado ng Metro Manila Development Authority, ngunit biglang idineklarang savings ng ahensiya at napunta sa DAP.

Binatikos naman ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, ang dagdag pa na pondo para sa Conditional Cash Transfer (CCT), na umano’y “balon ng korupsiyon” at hindi nakatulong sa pag-ampat ng kahirapan.

“Sa kabila ng programang CCT simula 2011, hanggang ngayon nasa 30 porsiyento pa rin ng kababaihang Pilipino ang mahirap. Halos walang pinagbago, dahil wala naman nilikhang trabaho ang administrasyong Aquino,” sabi ng lider-kababaihan.

Hindi rin umano natupad ni Aquino ang pangako noong nakaraang SONA na rice self-sufficiency sa 2014. Sa halip, pinag-initan ng pangulo sa kanyang talumpati ang mga smuggler at hoarder ng bigas, habang ipinagmalaki ang pagdating ng imported na bigas.

“Eh ang importasyon nga ng bigas na matagal na niyang polisiya ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas at pagdami ng mga rice smuggler at hoarder. Hindi rin naman sila pinaparusahan,” ani Salvador.

‘Sino ang kontra-magsasaka?’

Sabi ni Aquino sa kanyang SONA, “Ang totoo po, hindi naman ako ang kinokontra ng mga ito (kritiko), kundi ang taumbayang nakikinabang sa tuwid na daan. Kontra sila sa magsasaka sa Iloilo, na mahigit limampung taong nangarap ng maayos na irigasyon, at ngayon ay nakikita nang ginagawa ang Jalaur Multi-purpose River Project.”

Ngunit para sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), walang ibang kontra-magsasaka, kundi ang pangulo mismo.

Ipinunto ng grupo na ang P450 Milyong Jalaur Dam na pinondohan ng DAP ay pet project ito ng kaalyado ni Aquino na si Sen. Franklin Drilon, at binigyan ng pondo kahit hindi pa napipirmahan ang kontrata sa debeloper.

“Nasa 17,000 katutubong magsasaka ang mapapalayas dahil sa konstruksiyon ng dam na ito. Sino ngayon ang kontra-magsasaka?” pahayag ni Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP.

Ito rin ang sinabi ni Piya Malayao, tagapagsalita ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayang Pilipino o KAMP, na pinuna ang paggamit ni Aquino ng katutubo sa gimmick sa kanyang SONA habang isinusulong ng administrasyon ang mga proyektong kontra-katutubo.

“Sinabi niyang open for business ang Pilipinas, samantalang hindi pa nga niya natutugunan ang batayang pangangailangan ng mga katutubo gaya ng pag-aaral. Ang totoo, may halos 100 eskwelahan ng mga Lumad ang napasara dahil sa militarisasyon sa Mindanao,” aniya.

Para kay Reyes, hindi na kailangan pang lumayo sa sariling bakuran si Aquino para makita ang katotohanan ng paghihirap at kawalan ng pagbabago. “Tingnan na lang niya ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita para malaman na walang nagbago,” aniya.

Panoorin ang bidyo ng isang magsasaka sa Hacienda Luisita na sumama sa protesta sa SONA:

Kabilang din sa pinuna ng mga grupo ang pagbibida ni Aquino na pagtulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda. “Inulit lang niya ang mga ulat ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) na pinabulaanan na mismo ng mga biktima ng bagyo. Kahit nga ang kaalyado niyang si Sen. Alan Cayetano, inamin ang napakabagal na rehabilitasyon sa Eastern Visayas,” sabi ni Salvador.

Mas matinding mga protesta

Iginiit ng iba’t ibang organisasyon ang kanilang paninindigan na dapat nang “patalsikin” sa puwesto si Pangulong Aquino.

Inihayag din nilang patuloy na isusulong ang impeachment complaint sa pagbubukas ng Kongreso, at nanawagan ng suporta ng mga mamamayan.

“Magkakaroon ng mas matinding mga protesta sa darating na buwan,” ani Reyes.

Inanunsiyo ng grupo na sa Agosto 23, sa anibersaryo ng Million People March, ilulunsad sa Cebu ang People’s Initiative laban sa pork barrel at magkakaroon ng malawakang pagkilos ang mga mamamayan.