Migranteng Pinay bilang Nars, Nanny, Nanay
(Bahagi ng Testimonya ng Aktor sa Dulang Testimonyal) Matapos maglakbay sa Canada, Germany at U.K. mula 2009-12, itinanghal sa Pilipinas ang Nanay, isang Dulang Testimonyal noong Nobyembre 2013 sa direksiyon ni Alex Ferguson at produksiyon ng Urban Crawl sa pakikipagtulungan sa Philippine Educational Theater Association (PETA). Sa panulat ni Geraldine Pratt katuwang si Caleb Johnston, […]
(Bahagi ng Testimonya ng Aktor sa Dulang Testimonyal)
Matapos maglakbay sa Canada, Germany at U.K. mula 2009-12, itinanghal sa Pilipinas ang Nanay, isang Dulang Testimonyal noong Nobyembre 2013 sa direksiyon ni Alex Ferguson at produksiyon ng Urban Crawl sa pakikipagtulungan sa Philippine Educational Theater Association (PETA).
Sa panulat ni Geraldine Pratt katuwang si Caleb Johnston, kapwa mga Canadian at propesor sa Heograpiya, ang dula ay batay sa 15 taong pananaliksik kasama ang Philippine Women Centre of British Columbia (PWC), isang organisasyong nagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng mga migranteng manggagawa sa Canada. Ang mga panayam ay inipon, isinatala, isinalin at isinalang sa workshop pangdulaan sa layong buksan ang usapan hinggil sa 22 taong Live-in Caregiver Program (LCP) ng Canada at sa katambal nitong 30 taong Labor Export Policy (LEP) ng Pilipinas.
“I’m not only a nanny. I’m also a Nanay.”
– Mhay, migranteng Pinay sa Canada
Ito ang naging salalayan ng pamagat ng dula ayon kay Pratt. Pamilyar sa lokal na Canadian ang mga Pinay bilang nanny kung di man bilang ‘parent helper‘ o kaya ay ‘domestic helper’. Sa dila ng isang Canadian, maaaring pagpalitin ang nanny-Nanay. Sa dila ng mga Kastilang nag-anak ng maraming Maria at sumisa sa maraming babaeng dukha, ang ‘nanay!’ ay mistulang pagbalewala o pagtanggi. Mula naman sa ‘son of a bitch’ ng Ingles/Amerika, siya ay putang ina. Para sa Pilipino, ang ‘Nanay’ ay Ilaw ng Tahanan, Inay, Inang, Inahan, Ina, Nanang, Manang, Mama, Mamay, Manay, Mom, Mommy, Mami, Ermat, Madir, Mamu, Eba, Maganda, shupermom, Darna: mga katawagang ‘mahal’.
Ang pagsambit kung gayon ng isang migranteng Pinay sa dalawang papel na nanny-Nanay kaugnay ng pag-alaga at pagkalinga ng pamilya ay may tonong paggiit sa kanyang katauhan at karapatan. Mayroon din itong pagkilala sa kanyang Inang Bayan.
Sa ganitong konteksto nasasaklaw ng pamagat na ‘Nanay’ ang parikalang katotohanan ng pagwalay ng mga migrante sa sarili nilang mga anak upang maging Nanay/Ikalawang Nanay ng di nila kaanak sa ibang bansa. Isa rin itong pagrehistro sa malay ng mga empleyadong Canadian sa tipo ng sapilitang sakripisyo ng maraming Pinay upang matugunan ang domestikong pangangailangan ng bansa.
Binanggit nina Pratt at Johnston ang tatlong layunin upang itanghal ang ‘Nanay’ sa Pilipinas. Una, “pagpatampok ng hustisya sa isang transnasyunal na pampublikong diyalogo kung saan nadudulog ang panig ng di karaniwang naririnig” gaya ng mga migrante. Ikalima ang Canada sa listahan ng migrant-receiver at tinitingala ang LCP nito bilang modelong polisiya ng US, Germany, Russia at Saudi. Ikalawa, pagtulay sa mga migrante at ang kanilang kaanak sapagkat ang tunay na kalagayan kaugnay ng pasakit at kahirapang nararanasan sa ibang bansa ay karaniwang “kinukubli ng migrante sa kanilang pamilya” sa personal na mga kadahilanan gaya ng pag-iwas ng pag-aalala ng kanilang anak at kamag-anak o kaya ay para maiwasan ang deportasyon. Ikatlo, pagkatok sa pamahalaan ng Pilipinas para sa pakikipagtalastasan hinggil sa problema ng mga migrante sa ilalim ng LEP na karaniwang tinatanggi ng mga tauhan ng gobyerno, sinisisi mismo sa mga migrante o kaya naman ay pinagpalagay na mayroon na itong kasagutan. Sa Scene 9, binaggit ng karakter na Philippine Foreign Affairs Rep:
But it is not the policy to send domestic workers abroad. It is a personal choice to leave the country.
Sa ganitong pananaw rin nakaangkla ang komentaryo ng embahada ng Pilipinas sa Germany na nakapanuod sa palabas nito sa Berlin HAU noong 2009. Sa tingin ng mga mananaliksik-manunulat, ang kanilang reaksyon ay problematiko. Sa pagsusuri naman ng Migrante International, isang alyansa ng mga migranteng Pilipino, ang pananaw na ito ay sistematiko sang-ayon sa estratehiya ng neo-liberal na pag-unlad kung saan ang mahirap na bansa ay nakakawing sa krisis ng mayamang bansa.
Sa pag-uwi ng ‘Nanay’, nais iparating sa manunood ang hinaing ng mga migranteng Pinay at ang kawalang-hustisya sa ilalim ng tambalang LEP-LCP. Ang talab nito ay maaaring mahinuha agad sa Talkback sa dulo ng dula, sa survey at sa iaanak na kolaborasyon , pakikiisa at ugnayan.
How far would you look for childcare? How far would you travel to earn enough to care of your own family?
-Publicity, ‘Nanay’
Mahigit 6,000 milyang layo. Mahigit anim na buwang walang araw sa pagkompleto ng 24 buwang rekisitos ng LCP upang magkaroon ng landed immigrant status. Sa esensiya, “pagtitiis” ng Nanay ng dalawang taon o higit pa gaya ni Joanne na lesensiyadong nars, iniwan ang dalawang anak sa Pinas upang magtrabaho bilang kasambahay at yaya ng matanda at mga bata sa Canada.
Tampok sa dula ang mga kuwento nina Ligaya, Michelle, Jovy at Joanne: mga boses ng pamilyar na kababaihan sa pamilyar na kwento sa pamilyar na mata at ngiti ngunit sa komplikado at dayuhang mundo. Sa mabilisang silip, si Ligaya (Marichu Belarmino) ang Nanay na sadyang may simpleng pangarap sa mga anak; si Michelle (Anj Heruela) ang anak na nawalay sa ina at binabaka ang identidad/pangarap nang ma-reunite sa kanya; si Jovy ang “maswerte” sa LCP at si Joanne ang “minalas” (Joanna Lerio). Hindi naitanghal ang eksena ni Jovy sapagkat hindi natuloy ang artista.
Samantala, natunghayan din ang kuwento ng mag-asawang Canadian na nangailangan ng katuwang sa bahay (Patrick Keating at Hazel Venzon), ng isang ahente na si Carl Hunter na pinagkakakitaan ang mga migranteng walang mga visa/landed status (Ferguson), at ang Rep/Agent mula sa pamahalaan ng Canada at ng Pilipinas (Keating at Lex Marcos).
Sa dula, hinikayat ang mga manunood sa isang paglalakbay sa loob ng kombensyunal na gusaling pangteatro ngunit sa mga espasyo nitong di-karaniwang ginagamit sa pagtatanghal (“unconventional”): sa Lobby, Library, Kitchen, Dressing Room, Studio Room at Rooftop.
Ang kaliwang lobby ng PETA sa mababang palapag ang nagsilbing portal ng manunood para sa iba’t ibang eksenang instalasyon ng mga monologo at diyalogo. Habang nag-antay ng iba pang manunood, maaari silang makinig sa oryentasyon ng LCP sa isang screen o kaya ay sa isang audio-recording ng migrante. Mula dito, nahati ang manunood sa dalawang grupo ng tig-15 sa tulong ng Guide. Ang isa ay tinahak ang ruta ng mga employado (Employer Route) habang ang isa ay tinahak ang ruta ng mga migrante (Domestic Worker Route). Sa bawat instalasyon ay tumitigil ang mga manunuod upang pakinggan o kaya ay tulungan ang kanyang kapwa-manlalakbay / karakter. Verbatim ang mga monologo at diyalogo kaya’t pangunahing wika nito ay Ingles ngunit may pagsalin ang ilang ekspresyon at may improbisasyon/malikhaing interpretasyon ang direktor at mga aktor.
Masasabing mabigat at palasak ang dating ng testimonyang tumatalakay sa “pagiging biktima at bulnerable” ng mga migrante: mga mistulang lumang kuwento ng kaapihan sang-ayon sa palagay ng ibang manunood. Ngunit ang dating na ito ay isa sa mga niresolba ng Talkback na mismong ang kuwentong ito ay buhay na buhay pa rin. Sa masiglang partisipasyon ng manunood sa Talkback, masasabing naabot ng dula ang layon nitong maging daan para mapag-usapan ang mga komplikasyon ng migrasyon at tuloy mamulat ang manunood.
Isang kinaharap na kontradiksyon ng mga karakter na migranteng manggagawa ay ang hamon ng pagbasag sa konseptong para sa mga Pilipino, ang Canada ay “langit” at para sa mga Canadian, ang Pilipino (nanny) ay “hulog ng langit” gaya ng sinasabi ng Nanniesfromheaven.com at Myprice4u.ca.
Tinatayang sa humugit 35 milyong mamamayan sa Canada, 800,000 ay Filipino o may dugong Filipino. Tinatayang 49 porsyento ng mga Filipinong residente ay dumaan sa LCP mula 1993-2009 o humigit 43,907 sa kanila ay LCP ang pangunahing pasaporte, direkta man o hindi, upang makapasok sa bansa at tuluyan nang manirahan. One third sa kanilang bilang ang may iniwang anak sa Pilipinas (TIEDE).
Sa datos ring ito ay lumabas na nangunguna ang Pilipinas bilang tagatustus sa pangangailangan ng caregiver sa Canada. Sa huling tala ng Embahada ng Canada sa Pilipinas, nakapag-isyu ito noong 2012 ng permanent resident visa para sa 33,000 Filipino, humigit 8,000 temporary foreign worker visa at humigit 31,000 temporary resident/visitor visa. Malakas ang hatak ng LCP dahil sa pakete nitong pagkaroon ng permanenteng “tahanan” sa Canada kasama ng pamilya.
Bilang pag-aaral-pagtatanghal sa kalagayan ng mga migranteng manggagawa partikular ang mga kasambahay at taga-alaga ng matanda, may kapansanan at bata, tampok sa dula ang relasyon ng migranteng Pilipino sa kanilang empleyadong Canadian maging ang mga katanungan sa LCP at ang katapat nito sa Pilipinas na LEP. Sa mga salaysay ay mahinuha ang epekto ng dalawang polisiya sa larangan ng ekonomiya at kultura ng dalawang bansa.
Maaaring maipa ang usaping migrasyon sa relasyon ng tagabigay-tagatanggap kung saan ang Canada ay nagbubukas ng trabaho habang ang Pilipinas ay “kusang” tumatanggap sa alok. Sa pagtanggap ng alok, ang Canadian employer ay nakikinabang sa serbisyo (sa murang halaga) ng migranteng Pinay sa domestikong gawain. Sa kabilang banda, nakikinabang ang mga anak/pamilya ng migranteng Pinay sa padalang pera ng kanilang Nanay. Natutustusan ang pangangailangan ng Canada para sa foreign-labor habang ikinatutuwa naman ng Pilipinas ang mito ng pag-unlad gawa ng remittance. Ikatlo ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na remittance na umabot sa $24 Bilyon (2012).
Kaya naman, ang migranteng Pilipino ay binansagang “bagong bayani” ng bawat embahada at pangulo ng bansa. Sa tunay na buhay, ang ganitong pagkilala ay problematiko kaya problematiko rin kung ang ugnayang Canada-Pilipinas ay tingnan lamang sa isang mutwal na relasyong bigayan dahil sa aktuwal ang Pilipino ay agrabyado batay sa ilang libong kaso at salaysay na nakalap ng PWC.
Pangunahing kasangkapan ng Canada ang LCP sa paghain ng oportunidad sa mga manggagawang Pinay. Bagamat malinaw sa mga probisyon nito ang obligasyon ng isang employer sa pasahod at benepisyo ng live-in caregiver kung saan ang migrante ay nakatira sa bahay ng employer, maraming naratibo ng Pinay ang nagpapatunay sa mga paglabag dito gaya ng ibinahagi ni Joanne sa dula.
Masalimuot at mabuway kung gayon ang relasyon ng tagabigay-tagatanggap-tagatanggap-tagabigay ng Canada-Pilipinas-Canada-Pilipinas. Kailangang harapin ang tanong: ano ang pangunahing kasangkapan ng Pilipinas para sa “kusang” pagtanggap ng paglisan ng mga Pilipino? Ang panloob na pananaw ang pangunahing kinonsidera sa pag-uwi ng dulang ‘Nanay’ sa Pilipinas noong 2013. Kung gayon, ang paglakbay na ito ay paghanap sa ugat ng pangibambayan. Kaya naman hangad maipatampok sa palabas ang papel ng LEP sa kahinatnan ng mga migrante.
Sa puntong ito, maaaring maipa ang relasyong Pilipinas-Canada sa konseptong tulak-hatak kung saan ang obhetibong internal na kalagayan ng Pilipinas gaya ng kawalan ng lupa at nakabubuhay na trabaho ang siyang puwersang tumutulak sa maraming Pilipino upang mangibambayan habang ang palabas na salik ng krisis sa kakulangan sa lakas paggawa ng Canada ay puwersang humahatak upang lumabas ng bansa ang Pilipino. Hindi tinatanggi ng migrante na ang murang pasahod sa Canada ay higit na mataas kumpara sa pasahod sa Pilipinas ngunit kapalit nito ay pagharap sa mga bulnerableng kalagayan sa paggawa gaya ng karahasan sa kababaihan.
Sa isang banda, isang katotohanan naman ang pagtanggi rin ng pamahalaan sa pag-iral ng LEP sa kabila ng manipestasyon nito mula sa panahon ni Marcos hanggang kasalukuyan sa pamamagitan ng 1974 Omnibus Labor Code Amendments on Overseas Employment.
Bilang sukling serbisyo ay pagkikil ng pondo ng mga migrante gaya ng Gloria Macapagal-Arroyo Scam, walang pangil na Overseas Absentee Voting Law (2003) para makalahok sa eleksyon ang mga OFW, at pagdiskwalipika ng Migrante Sectoral Party (MSP) bilang representasyon ng sektor sa kongreso noong 2010. Ito ay sa kabila ng malaking tax at daming pinapataw na fee sa mga OFW.
Kaya naman hindi ring maiwasang isipin ng migranteng Pilipino na siya ay ginagatasan lamang ng kanyang pamahalaan habang siya ay nagkukumahog sa ibang bansa. Ang pinakamasaklap ay ang di pag-areglo o mabagal na aksyon sa mga kasong idinudulog ng mga migrante. Kabilang dito ang mataas na singil ng ahensiya, trafficking, mababang pasahod, paglabag sa kontrata, paggahasa, pagkakulong at pagkabitay.
Mahaba na ang kasaysayan ng migrasyon ng mga manggagawa mula panahon ng pananakop. Kaakibat naman nito ang pagkilos ng mga migranteng Filipino sa iba’t ibang panig ng mundo. Mula sa mga naisadulang panulat nina Jose Rizal at Andres Bonifacio ay naroon ang pakikibaka ng mga Indiong sapilitang pinatrabaho sa Mexico maging ng mga ilustradong nakapag-aral sa Europa. Ang mga naisadulang kuwento ni Carlos Bulosan gaya ng The Romance of Magno Rubio ni Lonnie Carter (Mayi-Theater, 2002) at Nasa Puso ang Amerika ni Bienvenido Lumbera, o maging ng dulang St. Louis Loves Dem Filipinos ni Floy Quintos (Dulaang UP, 1994/2005) ay nagpahayag ng buhay sa Amerika. Ang Kuwatro Kantos ng Teatro Pabrika (1996) ay tumalakay sa epekto ng globalisasyon at ibayong pangibambayan ng mga Filipino sa Saudi, HK at Taiwan. Ang Care Divas ni Liza Magtoto (PETA, 2011) batay sa pelikulang Paper Dolls ay hinggil sa kalagayan ng mga migranteng Filipinong bakla sa Israel. Tampok sa Imbisibol ni Herlyn Alegre (Virgin LabFest 9, 2013) ang mga migrante sa Japan. Ang Maleta, Kahon at Karatula ni Rommel Linatoc ay isang komentaryo sa pag-uwing de-kahon ng mga OFW (Teatro Ekyumenikal, 2013). Ang pag-aral sa iba pang dulang tumatalakay sa pangingibambayan ay isa pang tunguhin sa pananaliksik ng dulaang Filipino.
Bilang proyektong pansining na “transnasyunal” kung saan tinatalakay ng naratibo nito ang paglikha ng iisang mundo at ang mga komplikasyon nito para sa mga tauhang katutubo ng iba’t ibang bayan, napapanahong itanghal ang karanasan at pakikibaka ng humigit-kumulang 15 milyong migranteng Filipino.
Bagamat hindi tahasang sinabi ng Nanay, isang Dulang Testimonyal na ang LCP at LEP ay magkatambal na programang nagdudulot ng kaapihan at inhustisya sa mga migranteng manggagawa, sa pamamagitan ng pag-alay ng espasyong politikal ay naitambol nito ang hinaing ng mga kababayan sa ibayong dagat. Lalo namang kinumpirma ng mga testimonya ang kawastuhan sa panawagan ng Philippine Women’s Center para buwagin ang Live-in Caregiver Program ng Canada gayundin ang panawagan ng Migrante International para buwagin ang Labor Export Policy ng Pilipinas. Ang pagbasura sa LCP ay isang malaking hakbang sa harap ng maraming kaso ng paglabag sa karapatan ng migranteng manggagawa. Ang pagbasura naman sa LEP ay paghamon sa pamahalaan upang magsilbi para sa sustenableng istratehiya ng pag-unlad ng bansa.
Maalalang ipinasa lamang ang Magna Carta for Overseas Filipino Workers (Republic Act 8042) tatlong buwan matapos binitay si Flor Contempacion sa Singapore. Ito ay bunga ng pagtanghal ng protesta ng maraming Filipino sa loob at labas ng bansa. Samantala, ang International Convention of the Rights of All Migrant Workers and Members of their Families (2003) ay 11 taong gulang pa lamang. Pirmado ito ng Pilipinas ngunit hindi ng Canada. Para sa lokal na 2.5 milyong kasambahay, ang Kasambahay Law/Domestic Worker’s Act ay isang taon pa lamang (Enero 2013).
* * *
Ang mga testimonya ng ‘Nanay’ ay muling matutunghayan kasabay ng lokal na mga kuwento ng migrasyon sa kolaborasyon ng Urban Crawl at Migrante International. Sa direksiyon ni Rommel Linatoc, ang dula ay gaganapin sa Covered Court, Brgy. 150, Bagong Barrio, Caloocan City ngayong Oktubre 11, 2014 (4PM). Para sa dagdag na detalye, makipag-ugnayan kay Boni o bisitahin ang FB Nanay Event.
Sanggunian:
Asia Pacific Mission for Migrants. Global Migration Report 2012: Trends, Patterns and Conditions of
Migration.
E. San Juan. Filipinos Everywhere: Displaced, Transported Overseas, Moving On in the Diaspora. IBON Books: Philippines, 2006.
Ferguson, Alex Lazaridis. Improvising the Document. University of Toronto Press. Canadian Theater Review, Vol. 143, Summer 2010, pp. 35-41
IBON International. Policy Brief: Migration and Development: A Matter of Seeking Justice. October 2013.
Johnston, Caleb at Geraldine Pratt. Taking Nanay to the Philippines: Transnational Circuits of Affect. Theaters of Affect, Playwrights Canada Press, 2014.
Johnston, Caleb at Geraldine Pratt. Translating Research into Theater: Nanay: A Testimonial Play. BC Studies, no. 163, Autumn 2009 pp. 123-132.
Lindio-McGovern, Ligaya at Isidor Wallimann. Globalization and Third World Women: Exploitation, Coping and Resistance. Ashgate Publishing, Ltd. (2013).
Lumbera, Bienvenido. “Dating”: Panimulang Muni sa Estetika ng Panitikang Pilipino.
Migrante International. Kalagayan at Pakikibaka ng Migranteng Pilipino (A Migrant’s Primer), October 2012.
Nicanor Tiongson. Ang Dating ng Dulang Filipino: Panimulang Sulyap sa Estetikang “Palabas”. Presentasyon sa National Conference on Theater Aesthics, Cultural Center of the Philippines, November 8, 2012.
Taylor, Lib. Voice, Body and the Transmission of the Real in Documentary Theater. Contemporary Theater Review, Vol. 23, No. 3 (August 2013) pp. 368-379.
Ubaldo, Lars Raymund (ed.). Paglaya-Paglawud: Paglalayag at Ugnayan ng mga Pamayanan sa Kasaysayang Pilipino. ADHIKA ng Pilipinas. (2012)