Mga magsasaka, biktima, kaanak ginunita sa protesta ang masaker sa Mendiola

January 22, 2015

Dalawampu't-walong taon na ang nakakalipas mula ng maganap ang madugong masaker sa Mendiola. wala pa ring hustisyang nakakamit ang mga biktima.  Patuloy pa ring ipinagkakait ang lupang ipinagbuwis na kanilang mga buhay.  Ayon sa KMP, mas sumahol pa ang pangangamkam ng lupa, at nagpapatuloy ang mga malalaking asyendang pagmama-yari ng mga panginoong may-lupa tulad ni Pangulong Aquino. Macky Macaspac

Dalawampu’t walong taon na ang nakakalipas matapos maganap ang madugong masaker sa Mendiola, wala pa ring hustisyang nakakamit ang mga biktima. Patuloy pang ring ipinagkakait ang lupang ipinagbuwis na kanilang mga buhay. Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, sumahol pa ang pangangamkam ng lupa at nariyan pa rin ang malalaking asyendang pagmamay-ari ng mga panginoong maylupang tulad ni Pangulong Aquino. Macky Macaspac

Muling nagprotesta sa paanan ng Malakanyang sa Mendiola Bridge sa Maynila ang libu-libong magsasaka mula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon para muling igiit ang tunay na repormang agraryo na siyang ipinaglalaban ng mga minasaker na magsasaka 28 na ang nakararaan.

Tinaguriang “Mendiola Massacre” ang pangyayaring ito noong Enero 22, 1987, na naganap sa panunungkulan ng ina ng kasalukuyang Pangulong Aquino, si Corazon Aquino.

Tulad ng dambuhalang protesta ng mga magsasaka at iba pang progresibong grupo 28 taon ang nakararaan, pinangunahan din ang protesta ngayon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Sa protesta, kasama ng mga magsasaka ang ilang survivors ng masaker, kaanak nila, at mga tagasuporta sa paggiit ng hustisya at tunay na repormang agraryo.

Alingawngaw ng bala

“’Pak-pak-pak! Iyon ang narinig ko. Nasa bandang dulo ako ng hanay namin. Nakaupo nga ako sa bangketa noon nang madinig ko. Nakakagulo at may pumutok.”

Ito ang pagsasariwa ni Pedro Gonzalez, lider ng Pambansang Lakas ng Mamamalakaya (Pamalakaya) sa nasabing masaker. Hindi pa siya noon lider ng Pamalakaya, kundi ng isang lokal na organisasyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa probinsiya ng Quezon.

Nagpoprotesta noon ang mga magsasaka para singilin si Pang. Corazon Aquino sa pangako niyang pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo, kabilang ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka. Matapos ang walong araw ng pagpoprotesta sa harap ng noo’y Ministry of Agriculture (ngayo’y Department of Agriculture), nagtungo ang mga magsasaka sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, at nagmartsa patungong paanan ng Malakanyang sa Mendiola Bridge noong Enero 22, 1987.

Nakarating sa Mendiola ang mahabang hanay nila. Hindi kinayang buwagin ng mga pulis sa pamumuno ni  Gen. Ramon Montano, Col. Cesar Nazareno  at dating Mayor Alfredo Lim, na noo’y komander ng Western Police District (Manila Police Department), ang paghugos ng mga magsasaka kahit pinagpapalo na nila ang mga ito ng truncheon at ginamitan ng tear gas.

Sa kabila ng paggiit ng mga magsasaka na makapagprotesta sa Mendiola, pinaputukan sila ng mga pulis at militar. Labintatlong magsasaka ang napaslang noon, di-mabilang ang sugatan at inaresto.

Ang mga napaslang ay sina Danilo Arjona, Leopoldo Alonzo, Adelfa Aribe, Dionision Bautista, Roberto Caylao, Vicente Campomanes, Ronilo Dumanico, Dante Evangelio, Angelito Gutierrez, Rodrigo Grampan, Bernabe Laquindanum, Sonny Boy Perez at Roberto Yumul.

Hinanap ang kasamahan

Si Teresita Aljona, asawa ng  isa sa mga biktima sa Mendiola masaker, na patuloy na humihingi ng katarungan. Macky Macaspac

Si Teresita Aljona, asawa ng isa sa mga biktima sa Mendiola masaker, na patuloy na humihingi ng katarungan. Macky Macaspac

Nang magsimula ang pamamaril, nakatakbo si Gonzales sa isang malapit na tindahan para magtago. Nang tumahik ang paligid, naglakas-loob umano si Gonzalez na lumabas. “Gusto kong hanapin ang mga kasama ko,” aniya.

Pero ang nabungaran niya: mga kasamahang magsasaka na patay at mga sugatan. “Kalunus-lunos ang nangyari sa mga kasama kong nagmartsa. Kita-kitang ko ang duguan nilang bangkay habang isinasakay sa mga sasakyan,” aniya.

“Hindi ako nasaktan noon, nakaatras kami agad at nakapunta sa sasakyan namin sa Espana. Pero kumpirmado na patay ang asawa ko,” kuwento naman ni Teresita Aljona, asawa ni Danilo.

Mabigat ang dibdib ni Teresita tuwing nagagawi siya sa Mendiola, aniya. “Dito pinatay ang asawa ko, 28 taong na. Wala pa ring napaparusahan,” kuwento niya, habang tumutulo ang luha.

Naulila ni Danilo ang limang anak na noo’y maliit pa lamang.  “Dose-anyos ang panganay namin noon. Ang bunso naman, apat na taon pa lang. Grabe ang hirap na pinagdaanan ko ng patayin nila ang asawa ko,”aniya.

Nais lamang daw naman nilang magkaroon ng lupang pagtataniman.

Macky Macaspac

Macky Macaspac

“Akala namin, hulog ng langit si Cory Aquino,” sabi naman ni Gonzalez. Pero napatunayan ng masaker sa Mendiola na katulad umano ni Cory ang nakaraang diktador na si Ferdinand Marcos sa paggamit ng dahas para supilin ang mga mamamayang naggigiit sa kanilang mga karapatan.

Sa na ngayon, hindi pa rin umano patitinag sa pakikibaka si Gonzalez.  Matapos ang masaker sa Mendiola, lalong tumibay ang loob niyang ipaglaban ang karapatan ng mga magsaaka. Noong panahon ng rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo, pinagtangkaan na  rin ang buhay ni Gonzalez.

Sa bahagi ni Teresita, kalahok pa rin umano siya sa paggiit ng karapatan ng mga magsasaka para sa lupang sinasaka. Ipaglalaban pa rin umano niya ang hustisya para sa asawang si Danilo, kahit anak ng presidenteng nangasiwa sa masaker ang namumuno na ngayon sa bansa.

“Bata pa noon ang mga anak ko, tulad din ni Noynoy Aquino. Ngayon, presidente na siya. Malabong bigyan niya ng katarungan ang mga magsasakang namatay sa panahon ng kanyang nanay,’ ani Teresita.

Sabi naman ni Gonzalez, sasandig na lang sila sa lakas ng mga magsasaka para makamit ang katarungan at kanilang karapatan sa lupa.

(Panoorin: AsiaVisions newsreel ng Mendiola Massacre)