Nora Aunor: Aquino, pinakamasahol na presidente sa mga OFW
[cycloneslider id=”flor20-migrante-at-nora-aunor”] “Hindi na natin kailangan pa ang maraming biktima ng pangangalakal, pang-aalipin at pagsasamantala. Hindi na natin kailangan ng mga pamilyang naulila’t nagdurusa para sabihin sa ating mga sarili: ‘Tama na, sobra na! Noynoy, resign na!’ Ito ang madagundong na sinabi ng maalamat na aktres na si Nora Aunor, sa kanyang talumpati sa Mendiola […]

[cycloneslider id=”flor20-migrante-at-nora-aunor”]
“Hindi na natin kailangan pa ang maraming biktima ng pangangalakal, pang-aalipin at pagsasamantala. Hindi na natin kailangan ng mga pamilyang naulila’t nagdurusa para sabihin sa ating mga sarili: ‘Tama na, sobra na! Noynoy, resign na!’
Ito ang madagundong na sinabi ng maalamat na aktres na si Nora Aunor, sa kanyang talumpati sa Mendiola Bridge, Manila, sa aksiyong protesta sa ika-20 anibersaryo ng pagbitay sa overseas Filipino worker na si Flor Contemplacion
Pinangunahan ni Aunor ang martsa ng mga miyembro ng Migrante International, kasama ang kaanak ng mga OFW na biktima ng samu’t saring pang-aapi sa ibang bansa, gayundin ang mga miyembro ng progresibong mga grupo, mula Avenida-Recto Avenue patungong Mendiola.
Siya ang gumanap na Flor sa pelikulang The Flor Contemplacion Story, na dinirehe ni Joel Lamangan mula sa iskrip nina Ricardo Lee at Bonifacio Ilagan 20 taon na rin ang nakararaan.
Sa talumpating sinulat-kamay mismo ni Aunor na kanyang binasa sa Mendiola, sinabi pa ng aktres na hungkag at ilusyon lang ang “matuwid na daan” at pagpapakitang-tao lang ito ni Aquino, na di nagpapatupad ng matinong mga programa para sa mga OFW.
Binitay si Contemplacion noong Marso 17, 1995 sa Singapore matapos hatulan ng kamatayan ng korte sa naturang bansa dahil sa pagpaslang diumano sa kapwa OFW na si Delia Maga at alaga ng huli na si Nicholas Huang, 4, noong Mayo 4, 1991.
Mariing itinanggi ni Contemplacion ang naturang bintang. Kasama sa tumulong sa pag-apela niya sa korte ang public interest lawyer at aktibista na si Romeo Capulong. Sa Pilipinas, pinangunahan ng Gabriela at Bagong Alyansang Makabayan ang mga protesta na nag-aapela sa noo’y administrasyong Ramos na umayuda sa kanya.
Malalaking kilos-protesta na yumanig sa administrasyong Ramos ang inilunsad matapos ibalitang tuloy ang pagbitay ng gobyernong Singaporean kay Contemplacion. At matapos bitayin siya, isang gahiganteng funeral march ang naganap mula Maynila tungong huling hantungan niya sa San Pablo, Laguna.
Isinalarawan ito ng ilang tagamasid bilang “pinakamalaking funeral march sa bansa matapos ang kay Sen. Benigno Aquino III”.
“Dalawampung taon na po ang nakakalipas at marami-marami pong salamat dahil nanatili pong buhay sa inyong puso at alaala ang nangyari kay Flor Contemplacion,” ayon kay Russel Contemplacion, anak ni Flor na sumama sa nasabing kilos-protesta.

Pinakamasahol
Para sa maraming Pilipino noon, pinakita ng kamatayan ni Contemplacion ang buhay at kamatayang pakikipagsapalaran ng mga migranteng Pilipino na sa ibang bayan kumukuha ng pambuhay sa pamilya. ayon sa Migrante International.
Mula sa kaniyang pagkamatay, naging simbolo umano si Contemplacion ng bawat OFW na itinutulak ng kahirapan na umalis ng bansa.
Pero hindi nabago ng pangyayari kay Contemplacion ang buhay ng maraming OFWs. Lalong lumalala ang kalagayan ng mga ito lalo na ngayon sa ilalim ng administrasyong Aquino, ayon sa Migrante.
“Dalawangpung taon matapos ang kamatayan ni Flor, patuloy tayong nagiging saksi sa buhay at pakikipagsapalaran ng mga libu-libong Flor Contemplacion. Itong mga nagdaang taon ng administrasyong Aquino ang pinakamalagim na kabanata para sa mga OFWs at kanilang mga pamilya,” ayon sa pahayag ng Migrante.
Sa datos ng Migrante, nasa 125 OFW ang nasa death row. Nasa pito ang naitalang binitay sa ilalim ni Noynoy Aquino, pinakamataas sa mga rehimeng nagdaan mula nang bitayin si Flor.
Kabilang sa nararanasan ng mga OFW sa ilalim ni Aquino ang serye ng mga pagbitay sa nasa death rows, digmaang sibil at banta ng gerang agresyon sa Middle East at rehiyon ng North Africa, maraming kaso ng pang-aabuso, pagmamaltrato, at pang-aalipin. Libu-libo din ang mga stranded, ginawang kriminal, at biniktima ng crackdowns sa ibayong dagat, trafficking at illegal recruitment na nagpapatuloy na walang nananagot.
“Pinalala ang lahat ng ito kapabayaan at pagiging incompetent ng gobyernong ito. Pinakamasahol ang kalagayan ng mga OFW sa ilalim ng rehimeng Aquino,” ayon kay Gary Martinez, tagapangulo ng Migrante.
Ayon naman kay Aunor, hindi dapat naging presidente si Aquino.
“Tinatawagan ko ang mga kababayan natin na lumabas-labas sila kung sila po ay naniniwala na ang ating Presidente ngayon ay walang ginagawang kabutihan sa kanyang (mga) mamamayan,” ayon kay Aunor.
Pinagkakakitaan
Walang trabaho, kahirapan, at tulak mismo ng pamahalaan kung bakit 6,000 OFW ang lumalabas ng bansa araw-araw, ayon sa Migrante. Malinaw ang labor-export policy ng gobyerno na nagtutulak sa maraming Pilipino iwanan ang kanilang mga pamilya.
Para sa Kilusang Mayo Uno (KMU), ang pagkaatrasado ng ekonomiya ng Pilipinas na walang nalilikhang trabahao ang dahilan kung bakit maraming Pilipinong walang trabaho. Dahil dito, napipilitan ang mga Pilipinong ibenta ang kanilang lakas-paggawa sa mababang halaga sa loob man o labas ng bansa.
“Maging iyong may mga trabaho, pinipiling iwanan ang kanilang mga propesyon at makipagsapalaran sa ibang bayan dahil sa hindi nakabubuhay na sahod, puro kontraktuwal, walang mga benepisyo,” ayon kay Roger Soluto, pangkalahatang-kalihim ng KMU.

Ayon naman kay Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Confederation for Unity, Recognition and Advanement of Government Employees o Courage, malaki ang pakinabang ng gobyerno ang paglabas ng OFW sa bansa. Nasa $28-Bilyon ang pumapasok na remittance ng mga OFW sa bansa.
Umaabot naman sa P32,000 ang binabayaran ng isang OFW bago makaalis ng bansa sa mga ahensiya ng gobyerno. Katumbas ito ng P190 milyong piso na koleksyon ng gobyerno sa mga OFW araw-araw.
“Kung wala ang mga OFW matagal nang bumagsak ang ekonomiya ng Pilipinas. Pero pagkatapos pakinabangan, pinababayaan ang marami nating mga kababayan sa ibang bansa at ang iba umuuwing nakakahon o patay na,” ayon kay Gaite.
Para naman sa kababaihan ng Gabriela, walang pinakamainam na larawan ng tunay na kalagayan ng mga mamamayan kundi ang sitwasyon ng kababaihang migrante.
“Paano magkakaroon ng kaunlaran kung nanatiling nakatali sa neo-liberal na programang pang-ekonomiya ang ating pamahalaan, programa sa ekonomiyang hindi nagtitiyak na magkakaroon tayo ng pambansang industralisasyon at tunay na repormang agraryo na siyang lilikha ng trabaho sa ating mamamayan para hindi na mapilitang mangibang bayan ang ating mga ina,” ayon kay Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Para naman kay Aunor, higit na mahalagang lutasin mismo ang ugat ng problema. Hindi na kailangang mangibang-bayan pa kung may trabaho sa bansa na kayang bumuhay ng pamilya. Kung may pambansang industriyalisasyon. Kung may tunay na reporma sa lupa. Kung may tunay na pagbabago sa bulok na sistema.
“Ang totoo, si (Aquino) mismo ang pangunahing tagabenta, pahirap at pahamak ng ating mga kababayan. Dahil sa kanyang mga patakaran at kawalang-aksyon, dahil sa kanyang pagpapakatuta sa imperyalistang dayuhan, siya mismo ang nagtataboy sa ating mga manggagawang Pilipino na lumabas ng bansa. At dahil sa kanyang patuloy na pagpapatupad ng patakarang labor export, siya ang pinakamasahol na pangulo para sa migranteng Pilipino at pamilya,” ayon kay Aunor.
Naniniwala naman ang Migrante hindi poprotektahan at hindi maisusulong ang karapatan ng mga OFW sa mga programa at polisiya ng gobyerno sa pagpapatuloy ng labor export policy bagkus lalo lamang nitong pagsasamantalahan at aabusuhin ang mga migranteng Pilipino.
Laban ni Flor
Para sa Migrante, higit ngayon na kailangang magkaisa ang mga OFW sa pagtindi ng kahirapan at kawalang tulong na ginagawa ang gobyerno na mismong nagtutulak sa kanila para mangibang bayan.
“Maraming Flor Contemplacion pa” ang nabubuhay, pinahihirapan sa ibang bansa, at naghihintay ng saklolo mula sa gobyerno ng Pilipinas pero pinababayaan ng gobyerno ni Aquino, ayon sa Migrante.
“Hangga’t mayroong Flor Contemplacion na nangyayari sa kasalukuyang gobyerno, hindi tayo titigil na ipaglaban ang karapatan ng mga migranteng Pilipino,” ayon kay Russel.
Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi naman ni Aunor na ang mensahe niya sa mga OFW na nakararanas ng pagsasamantala sa ibang bayan ay kailangang sama-sama sila na ipaglaban ang kanilang mga karapatan.
Mga larawan nina KR Guda at Pher Pasion
(Basahin: Eksklusibong panayam ng Pinoy Weekly kay Nora Aunor)