FEATURED

Bangsamoro Basic Law: ‘Palpak na eksperimento’ muli?


Hindi natutugnan ng kasunduan sa rebeldeng mga Moro at gobyerno ang ugat ng armadong tunggalian sa Bangsamoro. Bagkus, pinatitindi nito ang pagsasamantala sa masang Moro.

Mga kabataan ng Mamasapano, Maguindanao, kasama ang ilang human rights defenders mula sa Suara Bangsamoro at Children's Rehabilitation Center, noong Pebrero 2015. KR Guda
Mga kabataan ng Mamasapano, Maguindanao, kasama ang ilang human rights defenders mula sa Suara Bangsamoro at Children’s Rehabilitation Center, noong Pebrero 2015. KR Guda

Desidido ang administrasyong Aquino na maipatupad na ang Bangsamoro Basic Law. Sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos, ibinabandera nito ang BBL bilang batas na magpapasimula sa mapayapang pamumuno sa lupain ng mga Bangsamoro.

Pero tutol dito ang progresibong mga grupong Moro. Para sa kanila, hindi tinataguyod ng naturang batas ang tunay na hangad ng mga mamamayang Moro para sa sariling pagpapasya at progresibong pagbabago. Nananatili umanong tapat ito sa pang-ekonomiya at pampulitikang programa ni Aquino.

Para sa Suara Bangsamoro, grupong nagtataguyod ng karapatan ng mga Moro, inuulit lang ng BBL ang “palpak na eksperimento” ng nakaraang mga kasunduan sa pagitan ng mga Moro at gobyerno, tulad ng Organic Act at Republic Act 9054 na naging batayan ng pagtatag ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Ito’y dahil nakabalangkas pa rin sa Saligang Batas ng Pilipinas ang BBL.

“Nangangamba kami na titindi ang kahirapan at mas maraming bulnerableng mga komunidad ang aalsa mula sa pinakahuling kasunduang pangkapayapaan na ito sa pambansang gobyerno,” sabi ni Amirah Ali Lidasan ng Suara Bangsamoro.

Pinag-aralan nila ang iba’t ibang bersiyon ng BBL — katulad ng House Bill 4994 at Senate Bill 2408 — at masasabi nilang iba ito sa naging resulta ng mga konsultasyon sa mga mamamayang Moro. Masasabi umanong labis na na- waterdown o napalabnaw ang pinakahuling bersiyon ng BBL. Kasama sa mga lumabnaw ang pag-alis sa kamay ng gobyernong Bangsamoro ng kontrol sa mga rekurso nito para bigyan-daan ang pandarambong nito ng lokal at dayuhang mga negosyante.

Armadong guwardiya ng Moro Islamic Liberation Front sa kampo nito sa Darapanan sa Sultan Kudarat. KR Guda
Armadong guwardiya ng Moro Islamic Liberation Front sa kampo nito sa Darapanan sa Sultan Kudarat. KR Guda

“Sine-set-up nito ang gobyernong Bangsamoro para mapanatili, hindi lang ang hawak ng pambansang gobyerno sa rehiyunal na gobyenro, kundi pati ang hawak ng pambansang pampulitikang mga partido sa pamamagitan ng isang parlamentaryong porma ng gobyerno,” paliwanag pa ni Lidasan.

Mahihinuha umano sa naging mga diskusyon sa Kamara at Senado hinggil sa BBL na hindi handa ang gobyerno na baguhin ang tunay na sitwasyon ng mga mamamayang Moro.

Nakakalinlang ang BBL, ani Lidasan, dahil sa unang tingi’y binibigyan- kapangyarihan at pang-ekonomiyang lakas ang mga Moro pero makikita na nililimita lang nito ang kapangyarihan at prebilehiyo ng mga Moro. Malinaw umano na pakay lang ng B B L ang pagwakas sa armadong pakikkibaka ng mga Moro para sa sariling pagpapasya.

Si Amirah Ali Lidasan (kanan) ng Suara Bangsamoro, sa Camp Darapanan noong Pebrero 2015. KR Guda
Si Amirah Ali Lidasan (kanan) ng Suara Bangsamoro, sa Camp Darapanan noong Pebrero 2015. KR Guda

“Sinuri namin sa Suara Bangsamoro ang internal security program ng gobyerno ng Pilipinas na kinopya sa 2009 Counter- Insurgency Guide (US COIN) ng gobyernong US,” ani Lidasan. Sa kanilang pag-aaral, nakita nilang kinopya ng Framework Agreement on the Bangsamoro (nilagdaan ng Moro Islamic Liberation Front at administrasyong Aquino noong 2012) at Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) ang programang demobilization, disarmament, and rehabilitation/reintegration ng US COIN Guide para pahinain ang mga nag-aalsa sa estado.

Sa planong ito, inoobliga ang rebolusyonaryong mga grupo tulad ng MILF na isuko ang kanilang mga armas. Binibigyan sila ng katiting na mga pabuya para mahimok na isuko ang armadong laban. Pero hindi natutugunan nito ang ugat ng armadong tunggalian. Hindi nito natutuganan ang malaganap na kahirapan, kawalan ng repormang agraryo at kawalan ng serbisyong panlipunan sa mga Moro.

Ang masama pa, nakakaharap ang Mindanao sa malawakang pandarambong ng malalaking dayuhang negosyo. “Ito ang kasalukuyang sitwasyon ng ARMM sa ilalim ng mga service contract para sa Sulu Sea Basin at iba pang eksplorasyong mina sa rehiyon. Mayroon ding mga inareglong pagpasok ng mga plantasyong agrikultural,” ani Lidasan.

Sa pakikipagsosyo ng malalaking dayuhang negosyo, tanging yumayaman ay ang lokal na mga Moro elite at hindi ang malawak na bilang ng mga mamamayang Moro.