FEATURED Kapirasong Kritika

Mad Max Masyado


Progresibong basa sa isang pelikulang Hollywood na nitong Disyembre lang napanood ng may-akda.

Bago pa man matapos ang 2015, itinatanghal na ng mga kritiko sa ibang bansa ang Mad Max: Fury Road na pinakamagandang pelikula ng taon. Nitong Disyembre ko lang napanood ang obra ni George Miller, direktor ng mga seryeng Mad Max at Happy Feet, at may batayan, sa tingin ko, ang mga kritiko sa kanilang mga papuri, kahit mula sa perspektibang progresibo.

Una, ang kontrabidang si Immortan Joe ay inaakusahang nangwasak sa daigdig at may monopolyo sa tubig at halaman. Naghahari siya sa malayong hinaharap, matapos gawing mala-disyerto ang modernong sibilisasyon ng delubyong nukleyar. Sa ilalim ng kanyang “Citadel,” kaharian sa isang mataas na bundok, dumudulog ang mga taong naiwan, na marami pa rin, para humingi ng limos niyang tubig. Gumagamit siya ng hukbong pandigma para protektahan ang kanyang kaharian. Hindi mahirap makita sa kanya ang mga monopolyo-kapitalistang naghahari sa mundo ngayon: tuluy-tuloy na nagmomonopolyo ng mga rekursong nakakabuhay sa sangkatauhan, sumusupil sa mga lumalaban, at nakadireksyong wasakin ang mundo.

Ikalawa, at spoiler agad ito, tinalo siya nina Imperator Furiosa (Charlize Theron), Max Rockatansky (Tom Hardy) at mga kasamahan. Nanguna si Furiosa sa pagtakas sa Citadel gamit ang War Rig, sasakyang pandigma ni Immortan Joe, kasama ang mga sex slave at paanakan ng huli. Si Max, rebelde kay Immortan Joe na nauna nang nadakip, ay nagawang umanib kina Furiosa matapos isama sa pagtugis ni Immortan Joe sa War Rig — bilang bihag na pampataas ng morale ng kanyang hukbo. Hawak ni Immortan Joe ang yaman at kapangyarihan, kasama na ang malaki at malupit na hukbong pandigma, pero tinalo siya nina Furiosa, Max, at mga kasamahan na ang tanging alas ay ang kapasyahan at kakayahang lumaban.

Ikatlo, interesante kung paano tinalo si Immortan Joe — bukod sa marami, mahahaba at nakakaatake-sa-pusong bakbakan. Nagsimula ang tunggalian sa pelikula sa pagtakas nina Furiosa para pumunta sa “Green Place” — isang buhay na lugar na pinanggalingan at natatandaan niya kung saan nakakabuhay ang klima at may tubig at halaman. Matapos ang maraming buwis-buhay na habulan at labanan papunta, natuklasan nina Furiosa, Max at mga kasamahan na wasak na rin ang Green Place, naging isa nang matubig, maputik at madilim na lugar. Sa puntong ito sila nagpasya-naobligang bumalik sa pinagmulan para agawin ang Citadel kay Immortan Joe.

Para sa may kahit bahagyang kaalaman sa paghahari ng malalaking kapitalista sa mundo ngayon, hindi mahirap makita sa kalagayang pinaghaharian ni Immortan Joe ang tinutungo at posibleng kahantungan ng daigdig. Tuluy-tuloy ang pagkopo at pagsasakalakal ng malalaking kapitalista sa mga rekurso ng daigdig na mahalaga o rekisito pa nga para mabuhay ang tao — pagkain, gamot, at tubig. Nito ngang 2015, nabalitang nagsimula nang tipunin ang sariwang hangin at ibenta bilang kalakal sa China.

Isang sukdulang hantungan ang paghahari ni Immortan Joe ng tinawag na “proseso ng pribadong pag-angkin ng yamang komon” at “nagpapatuloy na pulitika ng pag-angkin at akumulasyon sa pamamagitan ng pang-aagaw at pagkakait” ng Marxistang geographer na si David Harvey [Seventeen Contradictions and the End of Capitalism, 2014]. At ipinapaalala rin ng pelikula na kakambal ng ganitong mga proseso ang digmaan at ang pagpapaigting nito ng mga makapangyarihang bansa.

Mad Max PW 2015
Charlize Theron (pangalawa mula sa kanan).

Mahalaga naman ang pagkatuklas nina Furiosa, Max at mga kasamahan sa pagkasira ng Green Place at ang pagkatanto nila na kailangang agawin ang Citadel kay Immortan Joe. Agad maaalala ang utopyanong sosyalismo na kapwa hinangaan at kinritika nina Karl Marx at Friedrich Engels, partikular ang tipo na kinatawan ng industriyalistang Ingles ng ika-18 siglo na si Robert Owen. Sa isang banda, gagap ni Owen ang kaapihan ng mga manggagawa sa ilalim ng kapitalismo. Sa kabilang banda, ang alternatiba niya ay magbuo ng mga komunidad na hiwalay sa kapitalismo, pero kasabayang umiiral nito at sa aktwal ay sinubsidyuhan ng tubo niya sa pagnenegosyo.

Kahalintulad din ng pagkatuklas sa pagkawasak ng Green Place ang maraming krusyal na yugto ng kinakailangang pagbasag sa mga ilusyon sa kasaysayan ng mga rebolusyon para mas mapagpasyang harapin ang mga tungkulin para magtagumpay. Tampok marahil sa kaso ng Rusya ang pagwawaksi sa buhaghag na konsepto ng Partido at sa namumunong papel ng burgesya sa rebolusyon. Sa kaso ng China naman, ang pagwawaksi sa insureksyunismo sa maagang yugto ng pakikibaka.

Ipinapaalala rin sa partikular ang isang panawagan ni Mao Zedong na titulo ng isa niyang artikulo: “Iwaksi ang mga ilusyon, maghandang lumaban.” Sa artikulong ito na isinulat bago ang tagumpay ng Partido Komunista ng Tsina, binabasag ang mga ilusyon ng mga intelektwal ng China hinggil sa relasyon ng kanilang bansa sa mga imperyalistang bansa partikular ang US. Ang klasikong sipi: “Lumaban, mabigo, lumaban muli, mabigo muli, lumaban muli… hanggang sa tagumpay; iyan ang lohika ng sambayanan…” Dagdag pa niya, “Nagtutunggali ang mga uri, may uring nagtatagumpay, may ibang napapalis. Ganyan ang kasaysayan….”

O mensahe rin ito para sa mga maka-kalikasan o environmentalist na tumatanggi-tumatakas, sa teorya at praktika, sa papel ng makauring paghahari sa isang lipunan — partikular ang paghahari ng mga imperyalista sa kasalukuyang sistema — sa pagkawasak o pagpreserba ng kalikasan at sa gayon ng sangkatauhan at daigdig?

Ikaapat, may konsistent na pagsisikap ang pelikula na patampukin ang kalagayan ng kababaihan at, mas mahalaga, ang kababaihan sa paglaban. Isang indikasyon ang pagkuha sa feministang Amerikanong si Eve Ensler bilang konsultant sa pelikula. Si Furiosa ang namuno sa paghihimagsik, at siya ang tunay na bida ng pelikula, hindi si Max. Kasama niya ang mga kababaihang sex slave at paanakan ni Immortan Joe, na sa pag-alis ay nag-iwan din ng karatulang “Women are not Things!” bukod sa “Who Killed the World?”

Ang matagumpay na bumalik at nang-agaw sa Citadel ay pinagsamang grupo ni Furiosa at ng mga sex slave at paanakan ni Immortan Joe sa isang banda at ng matatandang kababaihan na dating residente ng Green Place, sa kabilang banda — mapagkalinga sa isat isa bagamat mga palabang mandirigma. Ang hukbong pinapamunuan ni Immortan Joe ay tinatawag na “War Boys” at hindi lang handa kundi sabik mamatay, dahil may islogang “I live, I die, I live again!” — nananalig sa pangakong buhay na walang hanggan kapag namatay sa digmaan.

Ipinapahaging ng pelikula ang feminista-pasipistang tuligsa ng feministang si Barbara Ehrenreich sa tinawag niyang “saray ng mandirigma” o “warrior caste.” Iba sila sa “karaniwang lalakeng militar” dahil “may pagmamahal sa gera na walang kinikilalang hangganan [at] hindi tumatanggap ng kapayapaan.” Para sa mga mandirigmang ito, ayon kay Ehrenreich nang sinisipi ang sosyologo na si Klaus Theweleit, ang gera ay “pagtakas sa kababaihan at lahat ng bagay na babae” — asawa, anak, pamilya, bahay, at kahit komunidad at trabaho [“Iranscam: Oliver North and the Warrior Caste,” 1987].

Pero sa pelikula, at katulad marahil sa tunay na buhay, natapos ang gera hindi sa simpleng pagtatatwa nito, gaya ng panawagan ni Ehrenreich sa kanyang sanaysay, kundi sa aktwal na pagsabak at pagtatagumpay rito. At sa pelikula, matibay ang dahilan para sa digmaan: parehong kalayaan at kaligtasan — hindi sa pakahulugan ng relihiyon kundi ng disaster, para mailigtas ang sariling buhay.

PW Mad Max Brady
Tom Brady bilang Max Rockatansky.

Nakakapagpaisip sa pelikula ang usapin ng grupo ng mga tao na magsusulong ng pagbabago o ang tinatawag na “agency.” Tampok sa pelikula ang kababaihan, at nabanggit na rin lang ang mga utopyanong sosyalista, matatandaan si Friedrich Engels sa Sosyalismo: Siyentipiko at Utopyano. Aniya, si Charles Fourier “ang unang nagdeklara na sa kahit anong lipunan, ang antas ng paglaya ng kababaihan ay ang natural na sukatan ng paglaya sa pangkalahatan” — bagay na idineklara rin ni Karl Marx.

Sa isang pagtingin, ipinapakita ng pelikula ang pananaw ng Marxistang historyador na si Eric Hobsbawm, na nagsabing ang akmang simbolo ng karaniwang tao sa ika-20 siglo ay ang nanay at kanyang mga anak. Aniya, “Ang mga tao na may pinakamaraming pagkakatulad ay ang mga nanay, saanman sila naroon sa daigdig, at sa kabila ng kanilang magkakaibang kultura, sibilisasyon at wika [On the Edge of the New Century, 2001].”

Sa pelikula, hindi nakasama nina Furiosa, Max at kasamahan ang nakakaraming natitirang tao sa paglaban kay Immortan Joe, bagay na nakakapagpaisip kung sino ang kinakatawan ng mga lumaban sa isang banda at ng mas maraming tao sa kabila. Bagamat tampok ang papel ng kababaihan sa paglaban, o marahil dahil dito, pwedeng igiit na kinakatawan ng mga lumaban ang isang seksyon ng uring anakpawis.

Mahalaga ang mga paalala ng Marxistang kritikong pangkultura na si Terry Eagleton. Aniya, ang “proletaryo” ay galing sa salitang Latin para sa “sibol” o “offspring,” kaugnay ng mga taong “sa sobrang karalitaan ay walang ibang maipaglingkod sa Estado kundi ang kanilang sinapupunan,” mga kababaihang “nagpoprodyus… ng lakas-paggawa sa porma ng mga anak.”

Higit pa diyan, paliwanag niya, ang papel ng isang grupo ng tao sa moda ng produksyon ang magsasabi kung uring anakpawis sila. Ang uring ito, aniya, gaya ng mga sex slave at paanakan ni Immortan Joe na siyang nanguna ng rebelyon laban dito, ay esensyal sa sistema pero nasa laylayan nito, inaasahan ng sistema para mabuhay ito pero pinapatay nito. “Hindi mabubuhay ang kapitalismo kung walang uring anakpawis, habang hindi hamak na yayabong nang mas malaya ang uring anakpawis nang wala ang kapitalismo [Why Marx Was Right, 2011].”

Ikalima, may krusyal at nakakantig na bahagi ang pelikula tungkol sa pag-aalay ng buhay, ng hindi inaasahan, at nakakasorpresa pa nga, na tauhan galing sa kampo ng kaaway. Gaya ng pakikibaka, sigurado ang tagumpay ng paglaban nina Furiosa, Max at mga kasamahan; pero mahalaga kung paano magtatagumpay, at sa bahaging ito, mahirap maging spoiler.

Sa dulo, progresibo ba ang pelikulang Mad Max: Fury Road? Kung sa nilalaman, masasabing oo. Iyan din ang husga ko at ng maraming aktibista noon sa pelikulang Avatar. Pero hindi sang-ayon ang pilosopong Slovenian na si Slavoj Zizek: para sa kanya ang pelikula ay avatar — ilusyong pamalit sa reyalidad, nagpapahintulot sa manonood na makisimpatya sa mga rebeldeng Maoista sa India, halimbawa, habang tinatanggihan ang kanilang armadong pakikibaka.

Pero bakit nga ba hindi natin tanungin ang mga nagsusulong ng armadong pakikibaka mismo? Hindi naman kailangang si Zizek ang may huling paghusga sa usaping ito. At ayon sa isang kaibigan, taliwas sa husga ni Zizek, nakakapagpataas ng ahitasyon sa paglaban ng mga rebeldeng New People’s Army o NPA sa maraming lugar sa Mindanao ang Avatar, at lagi nila itong pinapanood.

Sa ganitong diwa, sa mga rebeldeng NPA at lahat ng lumalaban sa mga Immortan Joe ng ating panahon, mapagkumbaba kong inirerekomenda na panoorin, at husgahan, ang Mad Max: Fury Road.

29 Enero 2016