Kababaihan

Pag-uugnay ng paglaban ng kababaihan ng daigdig, pokus ng One Billion Rising 2017


‘Solidarity’ sa pakikibaka ng iba’t ibang lahi ng kababaihan ng daigdig ang nais patingkarin ng pandaigdigang kampanya ng kababaihan na One Billion Rising Revolution.

Muling sinayaw nina Monique Wilson at Joms Salvador ng Gabriela ang OBR dance na nagpapakita ng pagkakaisa ng kababaihan sa paglaban sa pandarahas. <b>Elisa Alunday</b>
Muling sinayaw nina Monique Wilson at Joms Salvador ng Gabriela ang OBR dance na nagpapakita ng pagkakaisa ng kababaihan sa paglaban sa pandarahas. Elisa Alunday

Sa ikalimang taon, muling pinangunahan ng Gabriela, Gabriela Women’s Party, at New Voice Company, kasama ang iba’t ibang sektor ang paglulunsad ng One Billion Rising (OBR), ang pandaigdigang pangkulturang kampanya laban sa tumitinding karahasan sa kababaihan.

Gamit ang temang “Rise, Disrupt, Connect”, layon ng kampanya na natalakayin ang kahalagahan ng mga repormang sosyo-ekonomiko at bigyang-pansin ang patuloy na karahasan, kahirapan, at pananamantala sa mga kababaihan.

Sa press conference sa Quezon City, ipinaliwanag ni Monique Wilson, tanyag na artista sa teatro at aktibistang pangkababaihan, na bibigyan-diin ng OBR Revolution sa susunod na taon ang solidarity o pakikiisa ng iba’t ibang lahi ng kababaihan sa laban ng bawat isa–laban ng kababaihan hindi lang sa pisikal na karahasan, kundi pati ekonomiko (tulad ng malawakang pagsasamantala at kahirapan), pulitikal at kultural.

Inilatag naman ng Gabriela ang anito’y adyenda ng kababaihan para sa kapayapaan. Kasama rito ang pagwawakas sa kontraktuwalisasyon at neoliberal na mga polisiya sa ekonomiya, pagsusulong ng tunay na repormang agraryo, at pagtataguyod ng mga pambansang industriya.

Hinimok din nila si Pangulong Duterte na isama ang women’s agenda sa burador ng gobyerno para sa Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (Caser).

“Kasama ang One Billion Rising, na nanganagalaga sa kababaihan, kami ay nananawagan sa pamamagitan ng militanteng pagkilos na makiisa upang wakasan na ang pagsasamantala sa mga babae. Kami’y nananawagan sa administrasyong Duterte na ipagpatuloy ang mga polisiyang magbibitbit ng pagbabago at magtatapos sa karahasan at kahirapan,”ani Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Lumahok din sa press conference ang dating bilanggong pulitikal na sina Sharon Cabusao-Silva at Loida Magpatoc, na nagkuwento na sinayaw din nila ang OBR noong nakakulong sila sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.

Pangunahing porma sa pakikibaka ng kampanyang OBR ang pagsasayaw. Magkakaroon ng mga aktibidad ang OBR na magbibigkis sa kababaihan sa iba’t ibang bansa para sa pagwawakas sa lahat ng porma ng karahasan sa kababaihan.

Tulad ng nakaraang mga taon, magiging highlight ng kampanya ang mga pangkulturang programa at maramihang pagsayaw sa iba’t ibang bansa sa mundo sa Pebrero 14, 2017.