FEATURED Kababaihan Manggagawa

Paglaban sa abuso sa babaeng obrero


Pagkakataon ang Marso 8, pandaigdigang araw ng kababaihang manggagawa, upang pagkaisahin ang pinakamalawak na bilang ng aping kababaihan — at maningil.

Disinuwebe anyos pa lang si Menchie noong una siyang nagtrabaho bilang manggagawa, taong 1981. Nasaksihan niya ang panahong regular pa ang karamihan sa mga manggagawa. Walong oras ang trabaho nila. Pero pagsapit ng dekada ’90, nang maging kontraktuwal siyang manggagawa, umaabot na ng 12 oras ang trabaho.

“Pumasok ako sa pagawaan ng sitsirya — hindi arawan kundi pakyawan. Karamihan dun siyempre, babae,” kuwento ni Menchie. “Agawan sa gagawing trabaho. Kapag mahina-hina ka, wala kang kikitain.”

Dahil kontraktuwal siya, mababa pa siyempre sa minimum ang sahod. Pinananatili ito ng kompanya sa pamamagitan ng pagbigay ng kontrata sa kanila nang lima-limang buwan — naeekstend minsang ng dalawang buwan.

“Kapag nag-aplay ka, paiba-iba ng ID. Parang gate pass lang ang ID. Ang kontrata, papalitan lang ng pangalan para mukhang iba-ibang tao. Pero sa ID, isa lang ang mukha,” kuwento pa ni Menchie. Nagamit na umano niya ang pangalan ng kapatid niya, pati ng anak niya.

Nasaksihan ni Menchie ang sistematikong pagdausdos ng kabuhayan at kalagayan ng mga manggagawang Pilipino, lalo na ng kababaihang manggagawa, kaalinsabay ng pagpapatupad ng neoliberal na mga polisiya sa ekonomiya— kabilang ang sistematikong pagka-pleksible ng paggawa para makaakit ng dayuhang mamumuhunan.

Ano na ang nangyari sa pangako ni Pangulong Duterte na wawakasan ang kontraktuwalisasyon? <b>Kontribusyon</b>
Ano na ang nangyari sa pangako ni Pangulong Duterte na wawakasan ang kontraktuwalisasyon? Kontribusyon

Dumausdos na kabuhayan

Ayon sa Center for Women’s Resources (CWR), malinaw sa datos mismo ng gobyerno na sumahol ang kalagayan ng manggagawa sa bansa nitong huling pitong taon.

Mula 2010, ayon sa CWR mula sa datos ng Bureau of Labor and Employment Statistics, tumaas lang nang 4.43 porsiyento ang bilang ng mga manggagawang may permanenteng trabaho. Samantala, tumaas nang 16.35 porsiyento ang seasonal o temporary workers. Pinakamalaki naman ang itinaas ng mga manggagawang arawan o lingguhan lang, na tumaas nang 72.87 porsiyento ang bilang.

“Pinaka-notoryus na tagapagpatupad ng kontraktuwal na paggawa ang malalaking kompanya na may mga negosyo sa wholesale o retail, manupaktura at serbisyo, kung saan 75 hanggang 85 porsiyento ay kababaihan,” ayon sa CWR.

Samantala, mahigit isang milyong kababaihan ang walang trabaho, at 2.25 milyon ang underemployed, o walang sapat na trabaho o nakabubuhay na sahod. Sa mga pinalad na magkatrabaho, 44 porsiyento o 8.4 milyon lang ang sahurang manggagawa. Pinakamalaking bahagi ng mga sahurang manggagawa ay nakakatanggap ng pinakamaliliit na sahod — P233 para sa skilled workers at P168 sa unskilled.

Kahit ang mga manggagawa sa business process outsourcing (BPO) o industriya ng call centers na tinaguriang “sunshine industry,” mayorya ay kontraktuwal na mga manggagawa. Mahigit kalahati (54.9 porsiyento), o 116,866 sa kabuuang 212,990 empleyado ng BPO ay kababaihan.

Sila rin ang may pinakamasahol na kalagayan sa industriyang ito.

Di pantay

Isa si Archie sa maraming kababaihang BPO worker. Nagtrabaho sa naturang industriya mula 2010, solong magulang siya sa dalawang anak siya.

“Noong 2015, dalawang taon na ako sa kompanya, nabuntis ako. Pinapirmahan ako ng waiver (na nagsasabing) wala silang pakialam kung ano ang mangyayari sa akin habang buntis. Nakakalabag ito sa karapatan ko bilang babae na mabuntis kahit may trabaho,” ani Archie.

Sa ganung sitwasyon sa isang kompanyang BPO, naging bulnerable si Archie sa mga panghaharas at paninira ng mga opisyal na may mas mataas na posisyon sa kanya.

“Nagpakalat ito ng malisyosong pahayag kontra sa akin, nakukuwestiyon ang moralidad ko. Pinagkalat niyang para makapasa raw ako, kinailangan kong ipakita ang tattoo ko sa dibdib. Maling mali. Pero medyo takot pa ako noon at walang malapitan,” kuwento niya.

Nakunan si Archie. Nasa ospital na siya nang malaman niyang hindi pala binabayaran ng kompanyang BPO niya ang Philhealth niya. “Hindi ako makalabas sa ospital. Hindi ko mailibing ang anak ko, kasi sabi ng Philhealth hindi nagbayad ang kompanya. Kailangan kong maglabas ng mahigit P10,000. Saan ako pupulot noon? Pagdating ko (sa opisina), ni condolence wala,” naluluhang ikinuwento ni Archie.

At ang parehong manager na nagbanta sa kanya dati, pinagbantaan din siyang “pagagahasain” kung hindi “titino”. Inireklamo niya ito sa boss, pero inilipat lang siya ng trabaho. “Kaya lumapit na ako sa unyon (sa loob ng kompanya). Sila lang ang tumututulong,” aniya.

Sabi pa niya, nagbabayad naman siya ng buwis, akala niya mapapangalagaan ang karapatan niya. Akala niya bibigyan ang mga tulad niya ng hustisya, kahit papaano. Pero wala siyang malapitan.

Binigyan-patunay ni Sarah, presidente ng unyon sa parehong kompanyang BPO, ang abang kalagayan ng kababaihang manggagawa doon. “Pitong oras diretsong trabaho, hindi ka papayagang mag-break kahit buntis ka. Mayroon na sa aming namatayan ng bata, kasi hindi maasikaso ang anak dahil nagtatrabaho,” sabi pa niya.

“Hindi nabibigay ang respeto at paggalang at pagaalaga sa kababaihan sa workplace sa BPO industry. May mga batas tayo para sa karapatan ng kababaihan. May mga parte sa batas natin na may mga butas,” kuwento pa ni Sarah.

Pangkulturang pagtatanghal na nagpapakita sa pagsasamantala at pang-aaapi sa kababaihang manggagawa. Kuha sa protesta noong Mayo 1, 2011. <b>KR Guda/PW File Photo</b>
Pangkulturang pagtatanghal na nagpapakita sa pagsasamantala at pang-aaapi sa kababaihang manggagawa. Kuha sa protesta noong Mayo 1, 2011. KR Guda/PW File Photo

Sariling kayod

Para lalong makatipid at lumaki ang kita ng kapitalista, madalas na gawain na rin ngayon ang subcontracting ng trabaho. Isa sa libu-libong kababaihang manggagawa si Elizabeth, na dating nagtatrabaho sa isang pagawaan ng sapatos sa Marikina.

“Noong 2008 nang mabuntis ako, tumigil ako sa trabaho dahil sa amoy ng rugby. Matapos ang isang taon, kinausap kami (ng dating kompanya), gagawin daw kaming homebased workers. Sa unang tingin, maganda. Pero tipid na sila sa kuryente at tubig. Sa bahay kasi namin ginagawa ang trabaho,” aniya.

Malupit din ang demand kina Elizabeth, dahil kapag binigyan ng 500 hanggang isanlibong yunit na kailangang magawa, kailangang tapusin nila ito ng isa hanggang dalawang linggo. “Gigising ka ng alas-tres ng umaga. Kapag nasimulan mo, hindi ka na puwede tumayo. Kapag gumawa ka ng iba, apektado ang kamay mo,” kuwento niya.

Nagsalita sina Menchie, Archie, Sarah at Elizabeth sa isang media forum ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan o KMK, para bigyan ng mas malinaw na larawan ang kalagayan ng kababaihang manggagawa ngayon. Para sa kanila, napakahalaga ang pagsasalita, dahil hindi dapat tinatanggap ng kababaihan ang pang-aapi na nararanasan nila — bilang manggagawa sa pamamagitan ng unfair labor practices at bilang babae, sa uri ng pangyuyurak sa karapatan nila.

Para sa CWR, pagkakataon ang Marso 8, pandaigdigang araw ng kababaihang anakpawis, para pagkaisahin ang kababaihang manggagawa — at kababaihan sa iba’t ibang sektor — sa paniningil sa rehimeng Duterte na nangakong ibabasura na ang kontraktuwalisasyon at makabuluhang itataas ang sahod pero wala pang kongkretong ginagawa para isakatuparan ito.

Ipinaglalaban ng mga kalahok sa One Billion Rising sa Pilipinas ang pagbasura sa kontraktuwalisasyon at pagpawi sa karahasan sa manggagawang kababaihan. <b>Macky Macaspac</b>
Ipinaglalaban ng mga kalahok sa One Billion Rising sa Pilipinas ang pagbasura sa kontraktuwalisasyon at pagpawi sa karahasan sa manggagawang kababaihan. Macky Macaspac