FEATURED Panayam

Panayam | Ka Diego hinggil sa rebolusyonaryong pagbubuwis


Si Diego Padilla ng Melito Glor Command-New People’s Army hinggil sa revolutionary tax bilang ekspresyon ng kanilang pampulitikang kapangyarihan.

Jaime "Ka Diego" Padilla, tagapagsalita ng Melito Glor Command ng New People's Army sa Timog Katagalugan. <b>Boy Bagwis</b>
Jaime “Ka Diego” Padilla, tagapagsalita ng Melito Glor Command ng New People’s Army sa Timog Katagalugan. Boy Bagwis

Ipagdiriwang ngayong Marso 29 ang ika-48 anibersaryo ng armadong pakikibaka ng New People’s Army (NPA) — ang sinasabing pinakamahabang armadong pakikibaka sa kasaysayan ng daigdig. Sa isyung ito, kinapanayam ng Pinoy Weekly si Jaime “Ka Diego” Padilla, tagapagsalita ng NPA-Melito Glor Command sa Southern Tagalog para kunin ang kanilang paliwanag sa isang polisiya ng rebolusyonaryong kilusan na ekspresyon ng kanilang pampulitikang kapangyarihan pero madalas na ginagamit sa kanila ng mga kaaway ng kilusan bilang paninira: ang rebolusyonaryong pagbubuwis.


PW: Ano nga ba ang revolutionary tax at para saan ito?

Ka Diego: Ang revolutionary tax ay buwis na singil sa mga negosyo sa loob ng sonang gerilya, kung saan saklaw ng NPA. Pamantayan nito ang mga may malalaking negosyo ng mga panginoong maylupa, malaking burgesya komprador at mga dayuhang negosyante. Ang laki nito’y nababatay sa laki ng kita ng malalaking negosyanteng ito. Karaniwang nasa range ito ng 1 hanggang 5 porsiyento mula sa capital outlay nito pero kung nakakasira sa kalikasan o sa kabuhayan ng mga mamamayan, itinataas ito bilang penalty at depende sa bigat nito ang itataas.

Kung malubha ang epekto nito sa kalikasan, ipinatitigil ito sa anyo ng pamamarusa tulad ng mapaminsalang pagmimina, malawakang pagtotroso, at iba pa.

Ang mga negosyante ay kinakailangang humingi ng permiso at dapat may permit sila kung magnenegosyo sa aming saklaw.

‘Extortion’ ang paninira ng mga kaaway ng rebolusyon sa aktibidad na ito ng NPA. Ano ang masasabi ninyo rito?

Ka Diego: Hindi extortion ang revolutionary tax dahil ito’y bahagi ng aming paggogobyerno. Sa mga lugar na saklaw ng NPA, kinikilala na ito bilang bahagi ng pamumuno at paggogobyerno kabilang ang pagbibigay ng libreng serbisyong medikal, kaalaman sa kabuhayan, ayuda sa produksiyon, pagpapaunlad ng mga sakahan at iba pang pagkakakitaan, relief at rehabilitation sa panahon ng kalamidad, sistemang edukasyon, sistemang hudisyal at iba pa. Dahil dito, kinikilala na rin kami bilang isang belligerent state o hiwalay na nagsasariling estado.

May mga exemption ba sa paniningil sa rebolusyonaryong buwis?

Ka Diego: Ang mga negosyante ay maaaring makipag-usap sa amin. Bukas kami sa mga negosasyon sa kanila. Bagamat obligatory ito, ang pagtatakda ng halaga ng babayaran ay hindi arbitrary o nakabatay sa kasunduan ang halaga ng babayarang buwis. Ang mga negosyante na ayaw makipag-usap at nagpapatuloy ng kanilang negosyo nang walang permiso, ay may kakaharaping penalty o hakbang pamamarusa.

Nais rin naming ipaalala sa mga negosyante na marami ring nagpapanggap bilang mga NPA o representante ng aming gobyerno kaya kailangan nilang tiyakin na mga kasama ang kaharap nila. Ang mga gumagawa ng ganitong gawain ang siyang tunay na mga extortionist. Ginagamit nila ang takot at maling pagtingin sa NPA upang makapaghuthot ng halaga. Sa bahagi namin, pinauunawa sa mga negosyante kung bakit kinakailangan nilang magbayad ng buwis. ang mga nagpapanggap na ito’y walang iba kundi mga sindikato at mga kabaro nitong AFP-PNP-Cafgu (Armed Forces of the Philippines-Philippine National Police-Citizens’ Armed Forces Geographical Unit) na walang ibang gawain kundi maghasik ng takot at lagim sa mga erya ng NPA.

Kumusta ang rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan ngayong panahon ng all-out war ng rehimeng Duterte?

Ka Diego: Maayos ang buong rehiyon ng Timog Katagalugan. Sa kabila ng mga atake ng kaaway, nagpapatuloy ang aming pakikibaka at itutuloy ang pag-oopensiba upang makamit ang rebolusyonaryong hustisya ng mga mamamayang biktima ng inhustisya at karahasan at pagbawi sa mga nangabuwalan. Isang tiyak, hinding hindi tayo mapapabagsak ng mga kaaway at naghaharing uri dahil sa lakas at tatag na inabot na ng mga larangan sa ilalim ng Melito Glor Command.


Mga larawan: Lightning rally ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines sa Cubao, Quezon City para ipagdiwang ang ika-48 anibersaryo ng New People’s Army. Mga larawan ni Boy Bagwis
[cycloneslider id=”npa-lightning-rally-qc-2017″]