NDFP consultant, dinakip sa QC


Inaresto ng mga armadong ahente ng estado ang peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines na si Wigberto Villarico kasama ang istap na si Marjorie Lizada sa Quezon City nitong umaga ng Okt. 25.

Inaresto ng mga armadong ahente ng estado ang peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Wigberto Villarico, edad 68, sa Quezon City nitong umaga ng Okt. 25.

Aktibo si Villarico sa pagtuon sa mga isyu ng mga manggagawa, magsasaka at mga minorya, mga estudyante at iba pang sektor sa Timog Katagalugan. Inaresto rin ang kanyang kasamang istap na si Marjorie Lizada.

Mariing kinondena ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang pag-aresto kay Villarico na pangatlong NDFP peace consultant na hinuli ngayong Oktubre.

Ayon kay CPP chief information officer Marco Valbuena, walang duda na pagdiskaril ang sunod-sunod na pag-aresto sa mga pagsisikap na buhayin ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP sa panahong nagsisikap ang dalawang panig na isulong ito batay sa Oslo Joint Declaration na inilabas noong Nobyembre 2023.

“Ang mga pag-aresto na ito ay hindi nakatutulong sa pagbubuo ng tiwala sa negosasyong pangkapayapaan at lumilikha ng seryosong pagdududa sa mga intensiyon ng gobyerno ng Pilipinas kaugnay ng pakikipagnegosasyong pangkapayapaan sa NDFP,” ani Valbuena,

Dagdag ni Valbuena, protektado mula sa paniniktik, aresto at iba pang porma ng panggigipit si Villarico sa ilalim ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig) tulad nina Porferio Tuna at Simeon “Ka Filiw” Naogsan na naunang inaresto kamakailan.

May mga karamdaman din si Villarico na nangangailangan ng agarang medikal na atensiyon. Kabilang dito ang spondylitis, altapresyon, arrhythmia sa puso, hika, paglaki ng prostate at iba pa sa kanyang maraming iniindang sakit.

Tinuligsa naman ng CPP Southern Tagalog Regional Party Committee ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa ilegal na pag-aresto kay Villarico.

“Piyestang-piyesta ang mga buhong na pasista sa pag-aresto kay Villarico sa pag-aakalang pahihinain nito ang rebolusyonaryong paglaban ng sambayanan sa pamumuno ng CPP sa Timog Katagalugan at buong bansa,” pahayag ng CPP Southern Tagalog Regional Party Committee.

Ipinaalala ni NDFP Negotiating Panel chairperson Julie de Lima ang patakaran ng NDFP sa pagiging bukas sa muling pakikipag-usap sa GRP para sa negosasyong pangkapayapaan. Ngunit umano hindi mangyayari ang muling pag-uusap kung patuloy inaaresto, pinapaslang at tinotortyur ang kanilang mga negosyador at consultant.

“Ang mga patuloy na pag-aresto, pagtortyur at pagpatay sa mga NDFP consultant sa ilalim ni Marcos Jr. sa mga nagdaang taon, sa kabilang ng proteksiyon ng Jasig, ay sadyang nagpapakita ng kawalang kagustuhan ng GRP [sa pormal na usapan],” sabi ni de Lima sa isang pahayag sa Ingles.

Pinabulaanan din ni de Lima ang pahayag ni National Security Council spokesperson Jonathan Malaya na wala ng bisa ang Jasig.

“Kinakailangan ng pormal na proseso sa pagsasawalang bisa sa kasunduan tulad ng Jasig na nakasaad sa dokumentong nilagdaan ng parehong panig noong 1995,” ani de Lima.