2 NDFP consultant sa Timog Mindanao, hilagang Luzon, inaresto


Kinondena ni Marco Valbuena, information officer ng Communist Party of the Philippines, ang rehimen ni Marcos Jr. at militar sa pag-aresto sa kina Porferio Tuna at Simeon Naogsan.

Inaresto kamakailan ng mga pinagsamang puwersa ng militar at pulisya ang dalawang peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na protektado ng Joint Agreement of Safety and Immunity Guarantees (Jasig) sa mga magkahiwalay na operasyon sa mga rehiyon ng Davao at Ilocos.

Pinirmahan ang Jasig sa pagitan ng mga kinatawan ng NDFP at Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) noong Peb. 24, 1995 sa Nieuwegein, The Netherlands na nagbibigay ng proteksiyon sa mga indibidwal na kasama sa usapang pangkapayapaan laban sa paniniktik, aresto at iba pang porma ng panggigipit.

Dinakip sa Brgy. Mankilam, Tagum City, Davao del Norte si Porferio Tuna, edad 60, nitong Okt. 2. Sinampahan si Tuna ng mga kasong kidnapping, serious illegal detention, murder, robbery with violence at attempted homicide.

Inakusahan din ni Maj. Ruben Gadut ng 10th Infantry Division ng Philippine Army si Tuna na sangkot sa mga armadong opensiba at atake ng New People’s Army-Southern Mindanao.

Kabilang si Tuna sa mga consultant na nagbigay ng mahalagang kaalaman sa NDFP Negotiating Panel sa usapang pangkapayapaan noong 2016 sa Oslo, Norway kaugnay ng kalagayan ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa mga plantasyon at grupong minorya sa Timog Mindanao.

Hinuli naman sa Brgy. 1, Sta. Rita, Baccara, Ilocos Norte nitong Okt. 21 si Simeon “Ka Filiw” Naogsan, edad 70 at tagapagsalita ng Cordillera People’s Democratic Front (CPDF). Kabilang si Naogsan sa walang batayang listahan ng mga “terorista” ng Anti-Terrorism Council noong Hunyo 2022.

Nahaharap din sa mga patong-patong at gawa-gawang kasong murder, frustrated murder at attempted murder na nakasampa sa mga lalawigan ng Ifugao at Mountain Province. Nakapiit ngayon si Naogsan sa Ilocos Norte Police Provincial Office sa Laoag City.

Ikinababahala ng pamilya ni Naogsan ang kanyang kalusugan at kalagayan dahil sa ‘di kontroladong altapresyon, diabetes, chronic kidney disease at osteoporosis at dapat umanong irespeto ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng International Humanitarian Law.

Kinondena ni Marco Valbuena, information officer ng Communist Party of the Philippines, ang rehimen ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Armed Forces of the Philippines sa pag-aresto sa dalawang NDFP peace consultant at walang habas na paglabag ng GRP sa Jasig.

“Ang mga pag-aresto na ito ay hindi nakatutulong sa pagbubuo ng tiwala sa negosasyong pangkapayapaan at lumilikha ng seryosong pagdududa sa mga intensiyon ng gobyerno ng Pilipinas kaugnay ng pakikipagnegosasyong pangkapayapaan sa NDFP,” ani Valbuena.

Iginiit naman ng mga grupo ng karapatang pantao sa Davao, Ilocos at Cordillera ang makataong trato kina Tuna at Naogsan sa kulungan, pagkilala sa karapatan sa sariling abogado at pagpapalaya hindi lang sa dalawa kundi sa lahat ng mga NDFP peace consultant na protektado ng Jasig at mga bilanggong politikal na sinampahan ng mga gawa-gawang kaso.