Maria Malaya, binigyang-pugay ng CPP


Ayon sa pahayag ng Communist Party of the Philippines, isa si Maria Malaya sa mga namumunong kadre ng partido at “pinakamamahal na mandirigma” ng mga manggagawa, magsasaka at Lumad ng Mindanao.

Nag-alay ng orkidyas ang Communist Party of the Philippines (CPP) bilang parangal kay Maria Malaya, kasapi ng Komite Sentral at Kawanihang Pampolitika nito, na pinatay ng tropa ng 901st Infantry Brigade Philippine Army (IBPA) sa Butuan City nitong Peb. 12.

Si Malaya, edad 71, ang kalihim ng CPP-Northeast Mindanao Regional Party Committee at tagapagsalita ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa rehiyon ng Caraga.

“Iginagawad ng [CPP] ang pinakamataas nitong pagpupugay kay Ka Maria Malaya. Inuukit namin ang pangalan niya kasama ng pinakamagigiting na bayani ng rebolusyong Pilipino,” pahayag ng CPP.

Ayon pa sa pahayag, isa si Malaya sa mga namumunong kadre ng CPP at “pinakamamahal na mandirigma” ng mga manggagawa, magsasaka at Lumad ng Mindanao.

Kinumpirma ni Brig.Gen. Arsenio Sadural ng 901st IBPA na si Malaya ang pinatay nila. Aniya, Ene. 29 pa nila binubuntutan sa palibot ng Butuan ang yunit ng New People’s Army (NPA) na kasama ng pinatay na lider ng CPP. 

Si Malaya aniya ang nag-iisang nasawi matapos ang tatlong beses na sagupaan ng militar at NPA noong Miyerkules sa Barangay Pianing.

Apat na taon nang ginagalugad ng militar ang buong rehiyon para tugisin si Malaya, na anila’y pinakamataas na kilalang opisyal ng CPP sa Mindanao. at may patong sa ulo na P5.6 milyon pabuya.

Sabi ni Brigadier General Michele Anayron Jr., kumander ng PA 4th Infantry Division, “sawing-palad” na sinapit ni Malaya ang kapalaran ng kanyang asawa at anak.

Oktubre 2021, pinatay ng militar ang asawa niyang si NPA Spokesperson Jorge “Ka Oris” Madlos habang papunta sa isang pagamutan sa Bukidnon. Sa parehong lalawigan, tinugis at pinatay ng militar ang anak nilang si Vincent Isagani Madlos sa isa umanong “engkuwentro” laban sa NPA noong Setyembre 2022.

Pinasinungalingan naman ng CPP ang pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na napilayan at naubusan na ng lider ang rebolusyonaryong partido sa Caraga dahil sa pagkamatay ni Malaya.

“Walang kakulangan ang rehiyon sa mga beterano at kabataang kadre na may higit na kakayahang ipagpatuloy ang pamumuno ni Ka Maria at dalhin pasulong ang kanyang legasiya,” sabi ng CPP.

Myrna Sularte ang totoong pangalan ni Malaya. Nagmula sa pamilyang magsasaka, nakapagtapos siya ng kursong agricultural technology sa Northern Mindanao Institute of Science and Technology, Caraga State University ngayon. 

Imbis na komportableng buhay, pinili niyang sumapi sa rebolusyon at paglingkuran ang mamamayan ng Mindanao. Naging kasapi si Malaya ng CPP sa kasagsagan ng Batas Militar ng diktadurang Ferdinand Marcos Sr. noong 1977.

Ayon sa CPP, “komunistang mandirigma na may bakal na kalooban” si Malaya. Ipinagtanggol niya ang karapatan at kagalingan ng mga magsasaka, manggagawa at Lumad sa kabila ng pagkakaroon ng kanser.

Gumampan si Malaya ng iba’t ibang rebolusyonaryong gawain sa silangan at hilagang kanlurang Mindanao sa nakalipas na limang dekada. Sa pamumuno ni Malaya, nakapagpalaki at nakapagpalakas ang NPA sa mga rehiyong ito.

“Pinamunuan at binigyang-inspirasyon ni Ka Maria ang mga pulang mandirigma at rebolusyonaryong puwersa na mahigpit na umugnay sa masa, at hinimok silang sama-samang lumaban,” sabi ng CPP.

Sinuportahan din ni Malaya ang mga organisasyon ng Lumad sa pagpapalakas ng kanilang mga programa sa pagtatayo ng mga eskuwelahan at pagpapalakas ng lokal na agrikultura.

Ayon pa sa CPP, nag-ambagan ang malalaking negosyante at multinasyunal na korporasyon para pondohan ang armas at pagsasanay ng militar at mga grupong paramilitar para lang patayin si Malaya.

Ikinagalit kasi ng mga ito ang pag-organisa ni Malaya sa pakikibaka ng mga Manobo laban sa mga mapangwasak na proyekto sa kanilang lupang ninuno.

“Habangbuhay na aalalahanin at dadakilain ang kanyang rebolusyonaryong pamumuno at walang pag-iimbot na sakripisyo. Ang kanyang rebolusyonaryong pamana ay patuloy na magbibigay inspirasyon sa mamamayan at kanilang rebolusyonaryong hukbo na isulong ang determinadong pakikibaka laban sa rehimeng US-Marcos,” sabi ng CPP.