NDFP consultant, 2 kasama, pinatay sa Cagayan
Pinatay nang walang kalaban-laban ng militar si National Democratic Front of the Philippines peace consultant Ariel Arbitrario, 54, at dalawa pa niyang kasama nitong Set. 11 sa Brgy. Baliuag, Peñablanca, Cagayan.
Pinatay nang walang kalaban-laban ng militar si National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant Ariel Arbitrario, edad 54, at dalawa pa niyang kasama nitong Set. 11 sa Brgy. Baliuag, Peñablanca, Cagayan.
Ayon sa pahayag ng Communist Party of the Philippines (CPP) Cagayan Valley Regional Committee, pinalalabas ng 502nd Infantry Brigade, 5th Infantry Division ng Philippine Army na napatay sa isang engkuwentro ang mga biktima.
Natagpuan umano ang bangkay ni Arbitrario matapos ang dalawang araw ngunit pinaniniwalaang dumaan siya sa matinding tortyur at interogasyon bago paslangin. Hindi pa rin inililitaw ng militar ang mga labi ng mga biktima.
Ayon sa CPP, bahagi ang tatlong biktima ng isang team na magsasagawa ng konsultasyon sa mga magbubukid sa lugar.
Kinondena rin ng CPP ang pagpaslang sa peace consultant na protektado mula sa paniniktik, pag-aresto at pinsala sa ilalim ng Joint Agreement on Security and Immunity Guarantees sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines at NDFP.