Tumbang preso: Mga musmos sa likod ng rehas
Hindi kriminal kundi biktima ng marahas na lipunan ang mga bata.
Sa halip na habulin ang tunay na mga kriminal, tila mga batang mura pa ang isip ang gustong ipakulong ni House Speaker Pantaleon Alvarez. Siya ang prinsipal na awtor ng House Bill 002 o Minimum Age of Criminal Responsibility Act sa tulong ng mambabatas mula sa Capiz na si Fredenil Castro.
Tungkulin ng gobyerno
Layunin ng HB 002 na ibaba sa siyam na taon ang minimum na edad ng mga taong maaaring ituring na kriminal. Babaguhin nito ang nasa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 na edad 15 taon pataas lang ang maaaring ituring na may kriminal na responsibilidad.
Ayon dito, may pananagutan na sa batas ang kabataang may edad siyam na taon hanggang 17 na nakagawa o kinasangkapan sa kriminal na paglabag. Maaari na umanong makulong sila habang ang walong anyos pababa’y isasailalim sa “intervention program.”
Ayon kay Alvarez, mapipigilan ng HB 002 ang patuloy na paggamit ng mga sindikato ng kabataan para gumawa ng krimen dahil maaari nang maikulong sila. Tungkulin umano ng gobyerno na “turuan ang kabataang Pilipino na maging responsable sa halip na kalingain ng sobra at sukdulang hindi parusahan sa krimeng nagawa.”
Mapanupil
Hindi naman nagustuhan ng child rights advocates ang panukala ni Alvarez sa laganap na kriminalidad sa bansa.
Ang grupong Unity of Child Rights Advocates against Inhumane Treatment and Neglect of Children (Unchain Children) na binubuo ng iba’t ibang organisasyong nagsusulong ng karapatang pantao ng kabataan at kababaihan, simbahan, at iba pang grupo, ay nananawagan sa ibang mambabatas na huwag pahintulutan na makalusot ang “mapanupil na panukalang batas” na ito.
“Hinihikayat namin ang ating mga mambabatas na isaalang-alang ang karapatan at kapakanan ng kabataang Pilipino,” ani Kharlo Manano ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns, na kasali sa Unchain Children.
Marami rin ang na-alarma ng HB 002 maging sa panig ng gobyerno. Itinuturing na “kontra-mahihirap” ito ni Social Welfare and Development Sec. Judy Taguiwalo. Malaking bilang umano ng kabataang lumabag sa batas ay mula sa mahihirap at kadalasang walang trabaho ang mga magulang.
“Ang karanasan ng Pilipinas, at karanasan ng ibang bansa’y patunay ditto,” ani Taguiwalo.
Tunay na biktima
Ayon sa United Nations Children’s Fund (Unicef), maaaring magdulot ng pangmatagalang pinsala sa kabataan ang pagturing sa kanila bilang kriminal. Hindi umano lubos ang brain maturity ng kabataang may edad 15 pababa.
Ito ang dahilan kung bakit madalas na nagagamit ang kabataan sa paggawa ng krimen. Inihalimbawa ng Unicef ang pagkakaroon ng child soldiers sa iba’t ibang panig ng mundo. Mas madali umano pasunurin ang kabataan sa pamamagitan ng pananakot kung kaya mas paborito silang gamitin ng mga sindikato.
Mas mababa din umano ang kakayanan nilang magdesisyon sa sarili at hindi nanghihingi ng sahod.
Sa isang dahilan ni Alvarez kung bakit kailangang makulong na ang kabataan, isanlibong dahilan kung bakit hindi dapat ang lumalabas. Aakalain mo talagang nagbibiro lamang ang mambabatas nang ipanukala niya ito.
Kung magkukuwentahan na lang din, mas malaki ang kasalanan ng gobyerno sa kabataang gusto nilang ikulong. Nabigo ang gobyerno na bigyan sila ng batayang pangangailangan — edukasyon, kabuhayan, at tirahan. Hindi ba mas nararapat na habulin sila ni Alvarez para humingi ng tawad sa halip na ipakulong?