FEATURED Magsasaka

Lakbay magsasaka, labang pambansa


Matapos ang mga katutubo, naglalakbay naman ngayon ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Muli, giit nila ang tunay na reporma sa lupa.

“Kung nanakawin nila ang mga lupa sa amin, kamatayan ang kahulugan nito, at kung hindi kami lalaban, mamamatay kami na walang dangal.”

Ito ang pahayag ni Wennie Loable, lider-magsasaka mula sa Bukidnon. Isa siya sa libu-libong magsasaka na nilalabanan ang pangangamkam ng Central Mindanao University (CMU) sa mahigit 3,000 ektaryang lupang pinagtatamnan nila at iginawad na dapat ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa kanila.

Tagapangulo si Loable ng BTL – Bukidnon Free Farmers and Agricultural Laborers Organization o Buffalo (B), Tried Agricultural Movers Association of Rural Active Workers o Tamaraw (T) at Landless Tillers Inhabitants of Musuan o Limus (L). Ang pinagbuklod na mga grupong ito’y mga benepisyaryo ng lupaing iginawad ng DAR noon pa mang 1989 at 1990 pero inaagaw ngayon ng naturang pamantasan. Kuwento ng mga magsaskaa, taong 1975 pa ang marami sa kanila nagsimulang pagtamnan ang mga lupain doon.

Sinasabi ng CMU na gagamitin ang lupain para sa mga pang-edukasyong mga aktibidad nito. Pero noon pa mang 1997, pinaupahan na nito ang mga lupain sa mga korporasyong agro-industriyal. Umabot sa 250 ektarya ang pinaupahan nito sa Sto. Rosario Farms, 400 ektarya sa RGR Agri-Ventures at 600 ektarya sa Bukidnon Resources Company. Maliban pa ito sa mas maliliit per maraming pagpapaupa sa iba pang kompanya, tulad ng Bukidnon Sugar Company, isang kompanyang Taiwanese at iba pa.

Noong 2011, nagkampo ang mga magsasaka sa CMU para iprotesta ang pangangamkam sa kanilang mga lupain, pero marahas silang itinaboy ng mga guwardiya nito.

Ngayon buwan, 100 sa kanila ang lumahok sa Lakbay Magsasaka, protesta at kampuhan ng mga magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng bansa para bigyan-pokus sa publiko ang patuloy na kawalan ng lupa ng mga magsasaka—at ang paglaban nila para sa tunay na reporma sa lupa.

Piket ng mga magsasaka na miyembro ng BTR at mga tagasuporta nila sa harap ng Department of Agrarian Reform. <b>Kontribusyon</b>
Piket ng mga magsasaka na miyembro ng BTR at mga tagasuporta nila sa harap ng Department of Agrarian Reform. Kontribusyon

Pangangamkam, pananakop

Inilalarawan ng paglaban ng BTL ang umiigting na pakikibaka ng mga magsasakang Pilipino.

Marami sa kanila, kumakaharap sa pangangamkam ng tinatawag na “development projects” – mga proyektong “pangkaunlaran” na pakikinabangan ng iilang malalaking negosyante tulad ng malalaking plantasyon at kahit na ang mga proyekto sa ilalim ng programang “Build, Build, Build” ni Pangulong Duterte.

Ayon kay Joseph Canlas, tagapangulo ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon, nagkalat din sa Gitnang Luzon ang mga proyektong “pangkaunlaran” ng malalaking negosyante at dayuhan. Ang ilan pa, ginamit na panlinlang sa mga magsasaka. “(May) mga dam na na tinatayo para raw sa irigasyon ng mga magsasaka. Pero, sa totoo lang, hindi irigasyon ang pangunahing gamit nito kundi para sa (mga proyektong) hydroelectric, sa maraming planong itayong industriya at imprastuktura daw ng gobyerno.”

Agresibo rin ang pagpapatag ng mga kalye. “Parang kalamay na hinati-hati,” ang pagsasalarawan ni Canlas sa Gitnang Luzon dahil sa ginawang mga expressway. Tumawid ito sa mga probinsiya tulad sa Zambales, at sinasagasaan ang mga lupaing sakahan ng mga magsasaka.

May mga kaso ring pinatatayuan ng mga mall sa Central Luzon mula sa lupain ng mga magsasaka. Kaya maraming magsasaka ang naeempleyo na lang bilang mga manggagawa sa itinayong malls na ito.

“(Bilang) mga manggagawa, hindi rin naman nagbabago (ang kalagayan nila, lalo na) kaugnay ng (mababang) sahod at kontraktuwalisasyon…Makikita mo ’yung mga manggagawa, nakibihis nga naman, pero ’pag tinanong mo sila, (ikukuwento nila) kung sa gaano kahirap ang kanilang nararanasan at hindi sapat ang kinikita (nila),” dagdag ni Canlas.

Binanggit din ni Canlas na ikukumbert ang kalahati mismo ng Bataan para gawing industrial complex, ang Bataan Metropolitan Authority. Samantala, may ilan pang lugar agricultural ang ginagamit ng gobyerno para, halimbawa, sa mga pagsasanay ng mga tropang Amerikano at Pilipino sa ilalim ng Balikatan.

Pananalakay

Hindi maikakailang kasabay ng panghihimasok ng mga proyektong “pangkaunlaran” ng gobyerno ang pagpasok ng mga operasyong militar sa naturang mga lugar.

Lalong tampok ito tuwing may malakas na pagtutol ang mga organisasyon ng mga magsasaka laban sa pangangamkam sa kanilang mga lupain. Isa nan gang taktika ang pagbabansag sa mga magsasaka na miyembro raw sila ng rebolusyonaryong New People’s Army (NPA). Marami sa kanila, nangangambang mapaslang dahil sa ganitong paratang sa kanila.

Mismong si Rafael “Ka Paeng” Mariano, lider-magsasaka at dating kinatawan ng DAR, nakaranas ng ganitong panghaharas. Noong isinalang siya sa Commission on Appointments, tinangka rin siyang bansagang bahagi ng armadong kilusan—para bigyan-katwiran ang pagtanggal sa kanya sa puwesto. “Yung lang ginamit sa akin na hearsay na batayan – na ako daw ay nagkaroon ng direct participation sa pagpaplano sa mga insidente na naganap sa Lapanday,” aniya. “Aba’y kulang na lang po sabihin na may direkta akong nalalaman sa mga atake ng NPA sa Lapanday.”

Tinutukoy ni Mariano ang inilunsad ng NPA na atake sa Lapanday box plant sa Mandug, gayundin sa Macondray plastic plant sa Bunawan, isang taniman ng naturang kompanya sa Calinan sa Davao City noong Abril 29.

Aniya, kung kaya itong gawin sa kanya bilang noo’y kalihim ng DAR, mas lalo na sa mga malilit na magsasaka.

Sa tala ng KMP, umabot na sa 91 ang pinapaslang na mga magsasakang sangkot sa paglaban para sa kanilang mga lupain at karapatan. “Nauna na nga dito ang mag-asawang Bagas, na pinaslang sa San Jose Del Monte,” ani Canlas.

Samantala, ikinababahala naman ni Mariano ang pagtalaga ni Duterte ng mga dating opisyal ng militar sa mga posisyon sa gabinete. Nabalita kamakailan ang mga usap-usapang isang retiradong opisyal-militar ang ipapalit kay Mariano sa DAR. “Nagpapakita ito ng militarisasyon sa loob ng sibilyang burukrasya sa ating bansa,” aniya.

Pagkalinga

Bilang kalihim ng DAR, sinabi ni Mariano na sinikap niyang gamitin ang pagkakataong nasa gobyerno para paglingkuran ang mga magsasaka.

Pero mabilis na nagmaniobra ang mga panginoong maylupa na miyembro rin ng CA, at hindi siya nakumpirma, tulad ng hindi pagkakumpirma ng mga kapwa-progresibo sa gabinete na sina Judy Taguiwalo sa Department of Social Welfare and Development at Regina Lopez sa Department of Environment and Natural Resources.

Malakas na patunay ito, ani Mariano, na hindi mabubuwag ng isang opisyal ng gobyerno lang ang malalaking monopolyo sa lupa. Hindi rin maaasahan ang mga batas na ipinasa sa Kongresong dominado ng malalaking panginoong maylupa at burges komprador. Pinakatanyag na patunay ng kainutilan ng mga batas ang pagkabigo ng Comprehensive Agrarian Reform Program o Carp na buwagin ang mga monopoly sa lupa.

Sa kabila nito, mapagpasya pa rin ang pagkakaisa ng maraming bilang ng mga mamamayan na kumikilos para itulak ang pagbabago. Ganito na nga ang ginagawa ng mga magsasaka. Ang mga magsasaka ng Bukidnon, sa ilalim ng BTL, nasa Kamaynilaan, kasama ang iba pang magsasaka sa iba pang rehiyon. Noong nakaraang linggo, nagkampo sila sa DAR Region X sa Cagayan de Oro. Pagkatapos, naglakbay sila patungong Kamaynilaan para ipanawagan ang karapatan nila sa lupang inaangkin ng CMU.

Humihingi sila ng suporta ng iba’t ibang aping sektor – na katulad nila’y unti-unting napapagtanto na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos lang nakakamit ang tunay na pagbabago.

May ulat ni Abie Alino

Featured image: Dibuho ni Karl Castro