FEATURED

Suriin ang Halalang 2019


Kung batay sa dumi, daya at dahas, ang eleksiyong 2019 ang isa sa pinakamarumi sa huling kasaysayan – – maikukumpara sa 2004 at 1986, mga eleksiyong pampresidente.

(1) Marami na ang naglitanya ng mga dahilan kung bakit hindi kapani-paniwala, bagkus kaduda-duda at maanomalya, ang resulta ng eleksyong 2019 – – lalo na sa Senado at party-list. Nakatago mula sa independyenteng pagsusuri ang naging bilangan sa pangalawang automated o de-kompyuter na eleksyon sa bansa.

Malinaw ang gustong palabasing mensahe: napakapopular ni Pang. Rodrigo Duterte, at naging mas popular pa siya kaysa noong bagong halal. Ang mga manok niya ay nanguna, at kahit iyung bagito sa eleksyon at hindi gaanong kilala ay lumusot. Labag ito sa kalakaran ng pulitika sa bansa, at sa tinakbo mismo ng rehimen ni Duterte: mula pagkapanalo, gumawa ito ng maraming krimen at sa gayo’y umani ng maraming kritiko kung hindi man kalaban kahit sa hanay ng mga mamamayan.

Sa rehistrong pulitikal, gustong palabasing marami ang sumusuporta sa mga patakaran ng rehimen niya: patayan at paglabag sa karapatang pantao, pagpapakatuta sa US at China, pahirap na buwis at palpak na serbisyo, walang humpay na pag-insulto at pag-atake sa mga kritiko, at iba pa. Gustong palabasing nakakuha ang rehimen ng bagong mandato na ituloy ang mga patakarang ito at gawin ang mas dramatiko: Charter Change, pederalismo, death penalty at iba pa.

(2) Sa ganitong konteksto lumaganap sa social media ang talakayan tungkol sa “Bobotante.” Nagmumula ito sa posisyon ng pagiging kritikal sa rehimen, pero may mga seryosong pagkakamali: ipinagpapalagay nito na malinis ang halalan at hawak ng kampo ni Duterte ang nakakarami, lalo na ang masa. Sa dulo, nag-aambag ito sa taktikal na layunin ngayon ng rehimen: ang mabasbasang lehitimo ang kakatapos na eleksyon.

May kadikit-kahawig na pagsusuri ito sa hanay ng mga nakapag-aral na iniuugnay ang eleksyon sa pasismo at populismo, sa mga eleksyong naipanalo ni Hitler sa Germany at ni Mussolini sa Italya, sa kamalayan ng masa. Bagamat may elemento ng pasismo at populismo sa rehimeng Duterte, igigiit ng mga Marxista ang mas materyal na reyalidad ng Pilipinas: ang pandaraya ng eleksyon at kahit ang malawakang pagbili ng boto.

Mas mahalaga: sa Pilipinas kung saan malakas bagamat nagpapalakas pa ang kamalayan at pagkilos ng masa, ang eleksyon ay larangan sa pangunahin ng mga naghaharing uri at mga dayuhang kapangyarihan, hindi ng masa. Sa ngayon at sa pangunahin, ang resulta ng eleksyon ay repleksyon ng, at naglilingkod sa, interes ng mga dayuhang kapangyarihan at naghaharing uri, hindi ng masa.

Botohan noong Mayo 17: Puno ng anomalya at iregularidad. <b>Boy Bagwis</b>
Botohan noong Mayo 17: Puno ng anomalya at iregularidad. Boy Bagwis

(3) Kung batay sa dumi, daya at dahas, ang eleksyong 2019 ang isa sa pinakamarumi sa huling kasaysayan – – maikukumpara sa 2004 at 1986, mga eleksyong pampresidente. Pero baka higit pa kung ibabatay sa usapin ng dahas: ito ang panahong pinatay sina Randy Malayao at Toto Patigas at marami pang iba, at ang Negros 14.

Bakit naging napakarumi ng halalang ito? Hindi iyan masasagot sa pagsusuri sa umano’y kamalayan at pagboto ng masa, kundi sa galaw ng mga dayuhang kapangyarihan at mga paksyon ng mga naghaharing uri sa bansa. Mahalagang makontrol nila ang Senado, lalong makontrol ang Kongreso, at mapahina ang mga kritiko. Mahalaga sa kanila ang halalang 2019 at – – maghanda, maghanda – – ang magiging halalang 2022.

Una, ang paksyon ng mga naghaharing uri na kinakatawan ni Duterte. Sa dami ng krimen niya sa sambayanan, kailangan at gusto niyang makatakas sa pananagutan. Pinerpekto niya ang mga instrumentong mapaniil at mapanirang-puri laban sa mga kritiko at tiyak na lalaban siya, sa anumang paraan, huwag lang magamit ang mga ito laban sa kanya ng sinumang papalit sa kanya – – kung mapapatalsik siya o sa 2022.

Ikalawa, ang mga paksyon ng naghaharing uri na kinakatawan ng mga Marcos at ni Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi na lang pagtakas sa pananagutan sa dating mga krimen ang layunin nila sa pananatili ni Duterte sa pwesto. Wala nang mas magandang panahon kundi ngayon para sa matagal nang ambisyon ng mga Marcos, gayundin ni Arroyo, na bumalik sa Malakanyang, bawiin ang dangal, at baligtarin ang hatol sa kanila ng kasaysayan!

Ikatlo, ang China, malakas at lalo pang lumalakas na dayuhang kapangyarihan sa bansa at sa mundo. Nadala sa palabang postura sa geo-pulitika ng rehimen ni Noynoy Aquino – – dahil sagad-sagaring tuta ng US, karibal ng China – – nakipagmabutihan at namuhunan ang China sa mga paksyon ng naghaharing uri na bukas dito: Duterte, Macapagal-Arroyo, Marcos. Ngayon, lumalakas ito sa bansa sa larangan ng ekonomiya at geo-pulitika, na mahalaga sa paglakas nito sa buong daigdig at tiyak na hindi nito basta papakawalan sa mga darating na taon. Sumusuporta ito sa lahat ng nakikipagmabutihan dito, mula progresibong gobyerno ng Venezuela hanggang pasistang gobyerno sa Pilipinas.

Ikaapat, ang US. Bagamat sinasabing humihinang kapangyarihan sa daigdig at “nakatanaw-sa-sarili” sa ilalim ni Donald Trump, pinakamalakas pa rin itong imperyalista sa Pilipinas. Hindi nito tahas na tinutuligsa o binabangga ang pagiging sunud-sunuran ni Duterte sa China, todong nakikipagmabutihan din kay Duterte, at minamaksimisa ang pakinabang na ekonomiko at geo-pulitikal sa bansa.

Ikalima, ang malalaking burgesya-komprador at panginoong maylupa sa bansa. Sa pangkalahatan, maganda para sa yaman nila si Duterte. Iwas sila sa anumang pag-atake ng rehimen, kung tototohanin nito ang mga banta laban sa “mga oligarko.” Ang suma-tutal, pananahimik sa harap ng mga krimen ni Duterte, kung hindi man pagiging sunud-sunuran dito.

Sa ganitong hugpungan ng mga dominanteng interes – – ng China bersus US, ng mga Duterte, Marcos, Macapagal-Arroyo bersus mga kalaban nila – – dapat ilugar ang eleksyong 2019. May mga matagalang proyekto ng paghahari na nakataya, lampas sa isang termino sa pagkapangulo. Kinailangan ng rehimeng Duterte na ipanalo ito, sa santong dasalan o sa santong paspasan; hindi ito tatanggap ng pagkatalo. Ang resulta: pinakamaruming halalan sa huling kasaysayan.

(4) Sa ganitong malupit na sitwasyon mapapahalagahan ang mga botong protesta laban sa rehimeng Duterte. Hindi kapani-paniwala ang pagbaba ng boto ni Neri Colmenares, nangungunang progresibong kandidato sa pagkasenador, nang dalawang milyon. Noong 2016, ang alas niya ay ang kampanyang itaas ang pensyon sa SSS; ngayong eleksyon, ipinagpatuloy ang kampanya at dumagdag pa ang malakas na pag-endorso ng Simbahang Katoliko at maraming grupo. Naging bukambibig ngayong eleksyon si Colmenares.

Itinaguyod ng masa ang mga progresibong partylist sa kabila ng martial law sa Mindanao at halos katulad sa Negros, Samar at Bicol. Hindi kapani-paniwala ang pagbaba nang parehong 66 porsyento ng boto ng Gabriela at ACT Teachers, mga nangunang partylist ng 2016 at lumakas pa mula noon.

Kahanga-hanga naman ang muling pagkapanalo ni Toto Patigas, aktibistang konsehal sa Negros na pinaslang sa panahon ng kampanya.

(5)
Ngayon, gumugulong at lumalakas ang pagkondena at protesta sa pandaraya. Tatatak ito na isa na namang malaking krimen ni Duterte sa sambayanan, magpapahina at mag-aambag sa pagpapatalsik sa kanyang rehimen. Malapad ang hanay ng mga progresibong organisasyon, kabataan at taong-simbahan na nangunguna. Malakas ang hamon sa mga pulitiko na magsalita na agad laban sa dayaan at sa gayon ay kay Duterte.

Mababalik-tanawan ang mga instrumentong ginamit ng rehimen para sikaping magmukhang kapani-paniwala ang pandaraya. Mainam pa ba ang ganitong eleksyong automated sa 2022? Independyente ba talaga ang mga nangungunang sarbey? Hindi ba dapat usigin ng mga miyembro ng mga grupong relihiyoso ang pamunuan nila sa pakikipagsabwatan sa kasamaang ito? Paano mapapalakas ang kontra-midya na tuluy-tuloy at direktang kumakausap sa masa?

Syempre pa, krusyal ang papel ng mga mulat na mamamayang sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa laban sa rehimeng Duterte at para sa pagbabagong panlipunan. Madilim ang hinaharap sa ilalim ng rehimeng ito at nasa paglaban lang ang pag-asa, na mapapatalsik ito bago ang 2022 o sa mismong 2022. Sa panahong pinagdududa tayo sa masa, mas lalo tayong dapat magtiwala sa kanila at pumaroon sa piling at hanay nila.

Laban, bayan!

19 Mayo 2019