Bukas na liham sa tinaguriang ‘bobotante’
Sa isang lipunang normal, pumipili tayo ng kandidato batay sa ating prinsipyo. Pero sa isang lipunang malayo sa normal, hindi lahat ay may ganitong pribilehiyo.
Walang bobo, walang matalino. Pero may walang pakialam at may patuloy na lumalaban.
Posibleng mataas ang iyong pinag-aralan pero komportable kang patuloy na inaapi ang maraming mamamayan. Puwede namang hindi ka nakatuntong sa anumang pamantasan pero nasa utak at puso mo ang pinagdaraanan ng mga pinagkaitan.
Hindi na mahalagang tanungin kung sino ang ibinoto mo noong halalan. Mas mainam kasing pag-usapan kung ano na ang gagawin natin sa natitira pang tatlong taon ng kasalukuyang pamahalaan.
Ano nga ba ang dapat gawin? Bumoto ka man o hindi noong Mayo 13, kailangan pa ring bantayin ang lahat ng mga boto. Siguraduhing nating nabilang talaga ang mga ito.
Teka lang. Paano mababantayan ang mga boto sa sitwasyong automated na ang ating sistema ng eleksiyon? Hindi ba’t makina na ang magbibilang ng mga boto? Hindi ba’t electronic na rin ang transmission ng mga resulta mula sa mga vote-counting machine (VCM) papunta sa tatlong server?
Una, kailangang siguraduhing walang nangyaring anomalya sa panahon ng kampanya at sa mismong araw ng halalan. Kahit tapos na ang kampanya’t nakaboto na ang mga tao, mahalaga pa ring balikan ang nakaraan. Sigurado ka bang maayos ang naging kondukta ng kampanya’t halalan? Wala bang insidente ng pagbili o pagbenta ng boto (vote-buying, vote-selling)? May mga kandidato bang gumamit ng mga pondo at rekurso ng gobyerno (government funds and resources) sa panahon ng kampanya? May pananakot bang nangyari para suportahan ang sinumang pinapaboran ng mga may hawak ng baril?
Ikalawa, ano na ang sitwasyon sa lugar mo ilang araw makalipas ang halalan? Tensyonado pa ba? “Balik-normal” na ba? May naririnig ka ba mula sa mga kaibigan o kakilala tungkol sa dayaang nangyari? Kapani-paniwala ba ang mga naririnig mo? Kailangan kayang imbestigahan ang mga ito?
Kung mayroon kang nakalap na impormasyon, kailangang ipagbigay-alam ito sa kinauukulan. Sa isang lipunang “normal,” sasabihin ko sa iyong magsumbong ka sa pulis. Pero paano na lang kung pulis ang sangkot sa nais mong isumbong? Kanino ka pa lalapit?
Dito pumapasok ang kahalagahan ng mga organisasyong maraming ipinaglalaban tulad ng karapatang pantao at malinis na halalan. Magandang alternatibo ang mga ito para idulog ang anumang reklamo. At kung kakayanin pa ng oras at panahon, mainam na sumapi sa kanila hindi lang para mapalakas ang organisasyon kundi para personal na malaman ang esensya ng mahigpit na pagkakaisa.
Tandaan mo: Hindi ka bobo. Hindi rin bobo ang mga bumoto sa mga kandidatong hindi katanggap-tanggap. Huwag natin silang sisihin kung mayroon tayong magiging mga senador, halimbawa, na walang alam sa paggawa ng batas dahil puro patawa lang sila noong panahon ng kampanya. Hindi po kasalanan ng lahat ng mga bumoto kung ang mga walang kuwentang kandidato ang nanalo. Teka, parang magulo. Ano ba ang ibig sabihin nito?
Simple lang: Sa isang lipunang normal, pumipili tayo ng kandidato batay sa ating prinsipyo. Pero sa isang lipunang malayo sa normal, hindi lahat ay may ganitong pribilehiyo. May bumoboto batay sa kalam ng sikmura (halimbawa, binigyan ng pambili ng pagkain kapalit ng boto). May bumoboto batay sa panginginig ng tuhod (halimbawa, tinakot ang botante at ang pamilya niya kung ano ang mangyayari kung hindi nanalo ang dapat daw manalo). Marami pang “batayan” ng pagboto na sadyang nakokompromiso ang prinsipyo.
Kung mayroon kang dapat sisihin sa pagkakaron ng mga “batayang” ganito, tumingin ka sa naglalakihang mansyon at magagarang sasakyan. Sa panahon ng halalan binibigyan ng mayayaman ng kaunting “barya” ang mahihirap para mapanatili sila sa kapangyarihan. At kapag nakaupo na sa puwesto, kailangang pagkaitan ang mahihirap para muli silang tumanaw ng utang na loob sa pamimigay ng “barya” sa susunod pang halalan. Naalala ko tuloy ang sinabi ng isang pilosopong Aleman: “Pinapayagan ang mga inaapi isang beses makalipas ang ilang taon para mamili kung sino sa mga nang-aapi ang kakatawan at mang-aapi sa kanila.”
Siyempre pa, mayroon ding mga botanteng naloloko ng maling impormasyon, lalo na ang alegasyong may mga progresibong kandidato’t grupong party-list na may kaugnayan diumano sa mga terorista. Nagkalat ang mga ito hindi lang sa social media kundi pati sa mga kalye. Hindi ba’t may mga tarpaulin kang nakikitang huwag daw iboto ang mga nagsasabing makabayan pero mga komunista diumano pala? Naniniwala ka ba? Sana naman hindi. Pero kung sakaling napaniwala ka ng ganitong klase ng propaganda, hindi ka nag-iisa. Minsan, kung galing ang impormasyon mismo sa gobyerno, partikular sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, may tendensyang maniwala ang mga tao dahil dapat na pagkatiwalaan ang mga institusyong ito.
Hindi ko sinulat itong bukas na liham para sisihin ka sa kinahinatnan ng ating halalan. Sa isang banda, may kredibilidad ba ang resulta ng eleksiyon sa sitwasyong maraming kaso ng dayaan, bukod pa sa mga teknikal na problema sa mga makina?
Layunin ko lang na magbigay ng suhestyon para sa kinabukasan ng ating bayan. Posibleng nalulungkot ka rin sa nangyayari sa ating lipunan. O baka naman wala ka nang pakialam at gusto mo nang mangibang-bansa. Suko ka na ba’t gusto mo nang iwan ang bayang tila wala nang pag-asa?
Sa ngayon, dalawang salita: Kapit lang! Sa malapit na hinaharap, tandaan ang tatlong salita: Tuloy ang laban!
Walang bobo, walang matalino. Ipinanganak tayong may utak at puso at nasa atin kung paano gagamitin ang mga ito.