Bayanihan kontra Covid-19
Dahil di natutugunan ng gobyerno ang mga pangangailangan nila, nagtutulung-tulungan na lang ang mga maralita. Pero naggigiit na rin sila sa gobyerno.
“Walang namamatay sa gutom. Kahit isang buwan (na gutom), di ka pa mamamatay.” Ito ang sabi ng tagapagsalita ni Pangulong Duterte na si Salvador Panelo noong Marso 18 nang ideklara ang “community quarantine” sa Kamaynilaan at bago ang “enhanced community quarantine” sa Luzon. Dahil ito sa pagkalat ng sakit na coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas.
Pero mahigit isang linggo lang ng “lockdown”, napabulaanan na ito. Noong Marso 23, Martes, nangalampag na sa harap ng barangay hall ang ilang residente ng Brgy. Muzon, sa bayan ng Taytay, Rizal. Kuwento ng tinderang nakasaksi, “nagwelga sila, kasi wala namang nakakarating na relief goods sa kanila.”
Kumalat ang isang bidyo ng naturang protesta sa Facebook. Dala-dala umano ng mga residenteng nagprotesta ang kanilang mga kalderong walang laman. Kinalampag nila ito sa harap ng barangay hall. Humihingi sila ng relief goods. Wala raw nakakarating sa kanilang lugar, sa kabila ng mga pahayag ng opisyal ng barangay at munisipyo na mabibigyan ang mga “poorest of the poor.”
Isang pangyayari na nagtulak sa kanilang magprotesta: may namatay daw na kapitbahay ang mga residenteng nagwelga. “May namatay kasi d’yan sa Papillon St. Hindi siya namatay sa Covid. Namatay siya sa gutom,” sabi ng tindera.
“Construction worker siya, may sakit na gastro intestinal (infection). Napilitan siyang umuwi noong lockdown. Wala namang pera, mahirap lang. Walang makain, kaya namatay,” aniya. Idinagdag pa ng tindera na wala pang aksiyon ang barangay sa mga nagwelgang residente. “Nganga. Walang ibinigay na relief,” sabi niya. Ayon sa nagbibidyo, hindi man lang daw lumabas ang kapitan.
Isang linggo na ang “enchanced community quarantine” sa buong Luzon dahil sa kumakalat na virus na Covid-19. Pero wala pa ring malinaw na plano ang gobyerno. Ipinasa pa ng gobyerno ang mabigat na responsabilidad sa lokal na mga pamahalaan na hindi pare-parehas ang kakayanan sa pagtugon pandemyang Covid-19.
Nagugutom na sila
Marami ang kumakalat sa social media na kuwento ng hirap at gutom sa panahon ng “enhanced community quarantine” ng rehimeng Duterte. Isa na rito ang kuwento ni Nanay Evelyn, tindera sa underpass ng Lawton sa Maynila.
“Tatlumpung taon na akong nakatira at nagtitinda sa Lawton underpass,” ani Nanay Evelyn. Dahil daw sa lockdown, ilang araw na siyang walang kabuhayan. Ilang araw na ring hindi nakakakain nang maayos.
“Wala pa kaming natatanggap na anumang tulong sa gobyerno. Ang mahirap pa, kapag kagat ng dilim, kailangan naming magtago sa barangay tanod at mga pulis,” aniya.
Kapag nahuli kasi sila, itatapon lang sila sa malayo o ikukulong. Senior citizen na si Nanay Evelyn, isa sa pinakabulnerable sa Covid-19.
Lahat marahil ng barangay, komunidad at kabahayan ng mga maralita sa Kamaynilaan, at gayundin sa buong bansa, ang dumaranas ng gutom at hirap. Hindi makapagtrabaho ang kalakhan ng mga manggagawa sa iba’t ibang empresa, serbisyo, opisina. Ang mga nagtitinda, nagtatraysikel, nagpapadyak o nagdadrayb ng jeep, hindi na rin makapagtinda o makapagbiyahe.
Samantalang iginigiit ng mga mamamayan ang agarang ayuda sa kanila ng pambansa at lokal na gobyerno, may sariling inisyatiba ang maraming komunidad para magtulungang maitawid ang gutom at makapagbigay ng kaunting serbisyo sa kapwa maralita.
Bayanihan
Sa diwang ito tinayo ng iba’t ibang sektor ang Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (Cure Covid) sa Kamaynilaan. Iba’t ibang komunidad ng mga maralita, katulad ng sa Marikina, Tondo, Bagong Silangan sa Quezon City, Navotas, Commonwealth Avenue, San Jose del Monte sa Bulacan, Taytay sa Rizal, at iba pa, ang nag-inisyatiba para itatag ito, sa pangunguna ng iba’t ibang organisasyon ng masa katulad ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Anakbayan, Gabriela, Confederation for Unity, Recogntion and Advancement of Government Employees (Courage), Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at Migrante International.
Sa Brgy. Industrial Valley Complex sa Marikina, pinangunahan ang Cure Covid ni Kagawad Libby Dipon, na isa ring daycare school teacher at lider ng Gabriela Women’s Party sa lugar. Sa tulong ng mga kaibigan, nakapangalap sila ng mga donasyong bigas at pagkain, habang mismong mga maralitang drayber ng traysikel na nawalan ng kabuhayan ang napapakilos ng Cure Covid na magsagawa ng repacking at mamahagi sa mga bahay.
Gamit ang padyak ng mga boluntir ng Cure Covid, nakakapag-ikot din sila sa barangay para magpakain ng lugaw sa mga bata at iba pang gustong kumain. At ang lugaw, niluto ng mga drayber, kaanak nila at iba pang boluntir.
Ang nakita kasi namin ngayon, ang nawawala ay bayanihan,” ani Kagawad Libby, kaya sinikap nilang buhayin ang diwa nito sa Cure Covid. Ang kaiba rito sa ibang relief missions: Sila-silang mga maralita ang nagtutulungan, nangangalap ng donasyong pagkain, pera at kagamitan. Mga maralitang umaayuda sa kapwa maralita.
Iba pang komunidad
Ganun din ang ginagawa ngayon sa Brgy. Bagong Silangan sa Quezon City, kung saan pinangungunahan ang Cure Covid ng parokyang San Isidro Labrador sa ilalim ni Fr. Gilbert Billena, OCarm.
“Talagang nararamdaman na ng mga tao ang kagutuman. Kaya nag-setup kami ng isang drive thru para mamigay ng lutong pagkain. Kasi yung mga vendor, traysikel drayber, mga mangangalakal ng basura, talagang wala nang makain,” ani Fr. Gilbert.
Sa parokyang ito, nagtulung-tulong ang mga nanay na residente na magtahi ng face masks. Nanghihingi na lang sila ng donasyong mga di-gamit na cotton na mga tela o damit at sinulid.
Ganun din ang ginawa ng Cure Covid na mga residente ng Market 3 sa Navotas City: nagtahi at namahagi ng face masks, kasama ang mga alkohol at relief goods.
Kuwento kasi ng mga taga-Market 3, wala nang makain ang mga tao sa loob ng fishport. Dahil sa lockdown, hindi makapasok ang mga manlalaot mula sa Palawan at Masbate upang magbagsak ng isda sa Navotas. Mangangahulugan ito na mawawalan ng pambenta ang mga taga-Navotas at dahil kakaunti o walang gaanong bumibili sa palengke sa Navotas, nagbabawas ang mga trader ng laborer dahil wala rin silang pampasahod.
Hindi nalimita sa pagayuda sa mga maralita ang Cure Covid. Kahit ang mga manggagawa ng Nexperia, isang kompanyang gumagawa ng semiconductors at iba pang elektronikong bahagi ng mga gaheto, sa Cabuyao, Laguna, nag-inisyatibang mangalap ng pondo para makabili ng personal protective equipment (PPE). Binigay din nila ito sa frontline health workers sa iba’t ibang ospital.
May panawagan din sa gobyerno
Siyempre, kulang at napakaliit na bahagi lang ng aktuwal na pangangailangan ng nagugutom nang mga mamamayan ang maaaring mabigay ng Cure Covid at iba pang katulad na inisyatiba.
Ang may kakayahan at rekurso para mapakain at maserbisyuhan ang mga maralita ay ang gobyerno. Ang problema, ang kasalukuyang rehimeng Duterte, inuuna na ang militaristang pagtugon sa krisis sa Covid-19: paghihigpit sa pagkilos ng mga tao, pagtakda ng curfew, at pagpaparusa sa mga lumalabag dito.
Kaya di maiwasang manawagan pa rin sa gobyerno na agarang tugunan ang epekto ng krisis na ito sa mga mamamayan. Para sa Cure Covid, nakabungkos ang mga panawagang ito sa tatlo: kalusugan, kabuhayan at karapatan.
Sa kalusugan, unang panawagan ang agarang solusyong medikal sa pagkalat ng Covid-19. Sa halip na aksiyong militarista (na nagbubunsod ng mga paglabag sa karapatan ng mga mamamayan), kailangang isagawa ang mass testing o malawakang testing sa mga taong may sintomas, matatanda at maysakit, at frontline health workers. Pangalawa, panawagang pondohan ang paglaban sa mismong virus.
“Dapat ilaan ang malaking bahagi nito sa prevention, monitoring, testing at treatment (ng sakit),” pahayag ng Cure Covid. Pati ang pag-empleyo ng dagdag na frontline health workers, dapat pondohan. Pangatlong panawagan ang pagsasagawa ng antas-komunidad na mga hakbang katulad ng information drive kaugnay ng Covid-19, pamamahagi ng libreng face masks, alkohol at vitamin C, at mass disinfection ng mga paaralan, palengke, bahayan at mga karaniwang tipunan ng tao.
Sa kabuhayan, pang-apat na panawagan ang pagtitiyak sa kapakanan ng mga manggagawa. Tiyakin ang kaligtasan at kalusugan nila sa lugar ng trabaho, pero tiyakin din ang kaseguruhan nila sa trabaho at benepisyo, lalo na sa mga hindi makapasok. Sa mga pumapasok pa, tiyakin ang serbisyong transportasyon mula bahay papuntang lugar ng trabaho at pabalik.
Bahagi ng panawagan sa kabuhayan ang panglima: istriktong imonitor at kontrolin ang presyo ng batayang mga bilihin tulad ng pagkain, alkohol at sabon. Panawagan ding tiyakin ang tulong pinansiyal sa bulnerableng mga pamilya at komunidad, lalo na sa pinakamahihirap. Panganim na panawagan ang pagtiyak sa serbisyong tubig. “Kagyat na solusyonan ng Maynilad at Manila Water ang palpak at pawalawalang serbisyo sa tubig. Kinakailangang tiyakin ang 24/7 na suplay ng tubig sa mga kabahayan para sa paghuhugas ng kamay,” sabi pa ng Cure Covid.
Taliwas sa alam ni Panelo, nagugutom ang mga mamamayan. Hindi lang Covid-19 ang papatay sa kanila, kung sakali, kundi gutom. Ito rin ang magtutulak sa kanilang kumilos para igiit ang karapatan.