FEATURED

TUROK: Tanong-sagot hinggil sa bakuna kontra-Covid-19


Kasagutan sa ilang tanong na madalas na bumabagabag sa mga mamamayan hinggil sa bakuna kontra Covid-19.

Usap-usapan ngayon sa bansa ang bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19). Mahalagang malaman ang iba’t ibang usapin at katanungan kaugnay nito.

Ang totoo, mahalaga ang bakuna pero isang bahagi lang ito ng solusyon sa pandemya. Ayon sa Bantay Bakuna — isang alyansang multi-sektoral na nagsusulong ng komprehensibo, pantay, makatao at transparent na Covid-19 vaccine roll-out — ang bakuna ay dapat suportado ng isang libre at pambansang pampublikong sistemang pangkalusugan.

Sa ngayon, ang pangunahing usapin sa bakuna ay ang kawalan ng sapat na suplay. Ayon sa huling tala nitong ika-12 ng Agosto, 12 milyong Pilipino pa lamang ang nakakuha na ng ikalawang dose ng bakuna na kailangan upang mamaksimisa ang bisa nito laban sa Covid-19 at sa pagkakaospital at posibleng pagkamatay dulot ng naturang sakit.

Sekundaryo, bagamat mahalagang usapin din, ang vaccine hesitancy o pag-aalangan ng mga mamamayan na magpabakuna. Saan nagmumula ang pag-aalinlangang ito? Sa kawalan ng tiwala sa gobyerno at mismong Department of Health at sa mababang health literacy o kaalaman ng mga mamamayan sa kalusugan.

Napakababa ng tiwala ng publiko sa mga awtoridad dahil ilang-ulit nang binigo nito ang mga mamamayan na ipagtanggol ang kanilang interes sa kalusugan. Tampok na halimbawa sa usapin ng bakuna ang kontrobersiya sa Dengvaxia. Dito, binigyan ang higit 800,000 batang estudyante ng isang bakuna laban sa dengue nang walang sapat na edukasyon at pagbibigay-impormasyon sa mga magulang. Sa kalaunan, gayunman, napatunayang ang Dengvaxia ay maaaring maging sanhi pa ng paglala ng dengue sa mga batang hindi pa nagkakaroon nito (seronegative) bago mabakunahan.

Bukod dito, sa halip na matiyagang ipaliwanag sa mga mamamayan ang halaga ng pagbabakuna at kunin ang kanilang informed consent o pagsang-ayon batay sa kaalaman, nag-aastang diktador ang gobyerno: tinatakot ng pag-aresto, pagkakait ng ayuda, at iba pang parusa ang mga ayaw magpabakuna.

Ang mababang kaalaman naman sa kalusugan ay bunga ng matagal nang pagpapabaya sa tama at wastong health education na nakabatay sa siyensiya. Hindi na binibigyang-edukasyon sa kalusugan ang mga mamamayan, bagkus tinuturuan tayong sumandig na lang sa mga propesyunal pangkalusugan. 

Ang pag-aalangan sa pagpapabakuna ay lalo pang pinatitindi ng iba’t ibang haka-haka at misimpormasyon hinggil sa bakuna sa Covid-19 sa partikular at sa bakuna laban sa iba pang sakit katulad ng polio at tigdas sa pangkalahatan.

1. Ligtas ba ang mga bakuna laban sa Covid-19?

Ang mga bakuna laban sa Covid-19 na nabigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ay ligtas, batay sa kasalukuyang ebidensiya, na pangontra sa Covid-19. Ilang ulit na mas delikado na magkaroon ng Covid-19 at maospital kaysa sa anumang panganib na maaaring idulot ng pagbabakuna.

Totoong mayroong naiulat na mga kaso ng adverse events o masamang kaganapan pagkatapos makakuha ng bakuna — pero napakadalang ng mga ito.

Sa pinakahuling tala ng Food and Drugs Administration (FDA), mula Marso 1 hanggang Hulyo 18 ng taong ito, sa 15,096,261 dose ng bakuna na naibigay, mayroon lang 1,251 na ulat ng serious events o seryosong insidente:

Iklik ang table para sa source ng datos.

Ang 1,251 na adverse events na ito ay ulat pa lang at hindi pa kumpirmado na idinulot ng bakunang natanggap. Upang makumpirma, kinakailangan ang tuluy-tuloy na pagsubaybay at pag-iimbestiga. Maaari, halimbawa, na ang pangyayaring ito’y dulot ng iba pang karamdaman nang nagpabakuna. 

Mayroon ding halos 50,000 ulat ng non-serious events tulad ng lagnat at trangkaso na hindi malala at kung gayo’y hindi dapat katakutan.

Pinakamarami naman sa mga naiulat na adverse reactions ay ang pagtaas ng blood pressure

Mayroon ding kaso ng allergic reaction. Ilan sa mga kasong ito’y severe allergic reaction o anaphylaxis na agad namang nabibigyang-lunas dahil sa bawat vaccination site ay may suplay ng karampatang lunas na Epinephrine at iba pang gamot. Sa datos ng FDA, halos 16 na lang kada isang milyong bakuna ang naiulat na kaso ng allergic reaction.

Mayroon ding ulat ng Thrombosis with thrombocytopenia syndrome (TTS) na nagdudulot ng pamumuo ng dugo (blood clotting) at pagbaba ng platelet count. Bagamat wala pa sa ulat ng FDA kung ilan ang kaso nito sa Pilipinas, makikita sa ulat ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Estados Unidos (EU) na napakadalang nito. Sa 13 milyong dose ng Janssen na naibigay sa Amerika, mayroon lang 39 na kumpirmadong ulat ng TTS at anim (6) lang mula rito ang namatay.

Isa pang binabantayang adverse effect ng bakuna ang Myocarditis o pamamaga ng puso. Noong Agosto 6, mayroong 730 na kumpirmadong kaso nito sa US. Sa Pilipinas, mayroon lang dalawang (2) kaso ng naturang karamdaman matapos magpabakuna.

Ang risgo mula sa bakuna’y lalo pang lumiliit sa paglipas ng panahon dahil sinisikap na paunlarin ang kaalaman ng mga doktor at health professionals at pati na rin ang kanilang kakayanan na harapin at lunasan ang anumang adverse effect.

Taliwas din sa mga haka-haka, ang mga bakuna’y hindi sanhi ng autism ng mga bata. Ang maling pananaw na ito’y batay sa isang sulatin ni Andrew Wakefield, isang dating doktor na gumamit ng palsipikadong datos para sa ganyang pagsusuri.Tinanggal na ang lisensiya niya bilang doktor dahil sa pamemeke ng mga datos at pagmaltrato sa mga batang may espesyal na pangangailangan. Sa ibang pag-aaral upang tingnan kung totoo ang sinasabi ni Wakefield, nakita na walang kinalaman ang bakuna sa autism.

Wala ring basehan at ebidensiya ang mga haka-haka na babaguhin ng bakuna ang DNA o maglalagay ang bakuna ng microchip o software sa mga mamamayan. Lalong hindi totoo na magiging zombie ang magpapabakuna! Pantasya lang ito ng mga nananakot at nagkakalat ng maling impormasyon.

Kung sakaling may makaranas ng adverse effect, kailangan ang pagkakaroon ng sapat na tulong mula sa gobyerno. Bahagi ng kabuuang panawagan ng makabayang sektor pangkalusugan kasama ang Bantay Bakuna ang pagkakaroon ng indemnity law para matulungan ang mga makakaranas ng masamang epekto ng bakuna. Kailangan ding matiyak na sapat ang naibibigay na impormasyon ng gobyerno sa mga mamamayan hinggil sa bakunang kanilang matatanggap, at may transparency, o pagkakaroon ng kumpleto at regular na pag-uulat ng gobyerno, hinggil sa kampanya nito sa pagbabakuna.

2. Epektibo ba ang bakuna?

Epektibo ang lahat ng bakunang ginagamit na pangontra sa Covid-19. Bagamat wala pang bakuna na magbibigay ng 100 porsiyento o absolutong proteksiyon laban sa sakit na ito, lahat sila ay nagbibigay ng makabuluhang proteksiyon laban sa impeksiyon, pagka-ospital, at pagkamatay.

Iklik ang table para makita ang source ng datos.

Ang mga datos na ito, na nakabatay sa mga kontroladong pag-aaral at clinical trials, ay pinapatunayan din ng datos sa hospitalisasyon. 

Ayon sa direktor ng Philippine General Hospital, noong Agosto 03, sa 154 nilang pasyente na may kaso ng Covid-19, 86.2 porsiyento o kalakhan ay walang bakuna habang 11 porsiyento ang may unang dose at 2.8 porsiyento ang nakakuha na ng dalawang dose. Dagdag pa niya, moderate lamang ang kaso ng Covid-19 ng mga nakakuha ng bakuna habang ang mga hindi pa nabakunahan ay mula moderate hanggang severe at kritikal. Ganito rin ang ulat ng St. Luke’s Hospital kung saan 90 porsiyento ng mga pasyente ay hindi pa nababakunahan.

Ayon naman sa FDA, may mga kaso pa rin ng namamatay dahil sa Covid-19 kahit sila ay nabakunahan na. Subalit napakaliit na bilang lang nito kung ikukumpara sa kabuuang bilang ng nakakuha na ng bakuna at protektado laban sa Covid-19.

Iklik ang table para sa source ng datos.

Patuloy naman ang mga pag-aaral ng mga doktor at iba pang propesyonal na pangkalusugan hinggil sa bisa ng mga bakuna laban sa kumakalat at mas malalang Delta variant ng Covid-19. Ayon sa mga inisyal na ulat, may bisa pa rin ang mga bakuna laban sa Delta variant subalit mas mababa kumpara sa bisa laban sa karaniwang variant ng Covid-19.

Bagamat hindi perpekto ang mga bakuna, may makabuluhan silang nagagawa laban sa Covid-19. Ibig sabihin, hindi na dapat maghintay. Sunggaban ang pagkakataong magpabakuna sa pinakamabilis na panahon! At kung wala pang bakuna, maggiit na!

3. Mayroon bang mas mabuting alternatiba sa bakuna?

Tulad ng nabanggit, ang bakuna’y isang bahagi lang ng komprehensibong tugon sa Covid-19. Ibig sabihin, hindi ito kakumpitensiya o dapat ikumpara at ibangga sa iba pang proteksiyon laban sa pagkakaroon ng sintomas ng virus tulad ng pagkakaroon ng malusog na pamumuhay (healthy lifestyle).

Bukod sa bakuna, mahalaga na tinitiyak ng bawat isa, at itinataguyod ng lahat, ang pagkain nang masustansiya, sapat na pagtulog, regular na pag-eehersisyo, at pag-iwas sa mga bisyong masama sa kalusugan tulad ng paninigarilyo.

Hindi rin alternatibo ang bakuna sa turmeric, saluyot, Vitamin C, at virgin coconut oil bagamat kinikilala ang kanilang bisa sa pangkalahatang kalusugan ng indibidwal. Puwedeng magpabakuna at gamitin pa rin sila.

Bali-balita rin ang pag-inom ng gamot na Ivermectin bilang prophylaxis (para makaiwas) at gamot sa Covid-19. Ang Ivermectin ay isang gamot laban sa mga parasitiko. Ang Covid-19 ay dulot ng virus at hindi mga parasitiko bagamat may mga inisyal na pag-aaral na nagsasabing mayroon din itong bisa laban sa mga virus at sa Covid-19. Malinaw ang pahayag ng World Health Organisation hinggil dito: Hindi sapat ang mga pag-aaral para gumawa ng kongklusyon kung may bisa ito laban sa Covid-19 at inererekomenda na gamitin lang itong panlunas sa mga pag-aaral (clinical trials). Pero ayon sa resulta ng TOGETHER Trial na siyang pinakamalaking pag-aaral ng Ivermectin sa mundo, wala itong bisa bilang proteksiyon o gamot sa Covid-19.

Hindi rin dapat pagtunggaliin ang natural immunity o immunity na nakukuha ng mga dati nang nagkaroon ng sakit na Covid-19. Sa isang pag-aaral na isinagawa ng CDC, mas dumoble ang tsansa (2.34 beses) ng re-infection sa mga hindi nagpabakuna kumpara sa mga fully vaccinated. Para maiwasan ang tsansa na ma-reinfect, kailangan pa ring magpabakuna kahit mayroon nang naunang SARS-CoV-2 infection. 

Ang tiyak, batay sa mga pag-aaral at datos, ang pinaka-epektibong pamamaraan para maiwasan ang Covid-19 ay ang pagpapabakuna at pagsasapraktika sa batayang health protocols: regular na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask at pisikal na paglayo (physical distancing). Maling sabihin na huwag magpabakuna tutal may Ivermectin, o iba pang gamot, naman. 

Ivermectin: orihinal na ginamit bilang pamurga sa mga hayop. Wikimedia Commons

4. Nagdudulot ba ang bakuna ng mutation o pagbabago ng virus?

Natural sa virus na mag-mutate, mayroon man o walang bakuna. Sa mekanismo ng pagdami (replication) ng virus, lalo na ng RNA virus, mataas ang tantos ng pagkakamali (error rate) sa pagkopya ng genetic material (RNA or DNA) na nagreresulta sa pagkakaroon ng iba’t ibang mutants sa populasyon ng virus. Ito ang dahilan kung bakit may iba’t ibang variants ng SARS-CoV-2 (ang virus na nagdudulot ng sakit na Covid-19) na naiiulat kagaya ng Alpha, Beta, Gamma at Delta. 

Sa kaso ng Delta variant, malinaw na hindi ang mga bakuna ang dahilan nito. Ang Delta variant ay naunang natuklasan sa India noong Oktubre 2020 pero ang unang indibidwal na nakatanggap ng bakuna doon ay noong Enero 2021 lang, o tatlong buwan matapos sumulpot ang Delta variant. 

Kailangan pa ng maraming pag-aaral para malaman ang tiyak na epekto ng bakuna sa ebolusyon ng SARS-CoV-2. Sa kabila nito, maraming ebidensiya na ang nagpapatunay na ang pagbabakuna ay nakakabawas sa pagkalat ng virus at sa gayon ay mas nagdudulot ng pagpapabagal ng pag-adapt ng virus, kagaya ng pagtakas ng virus sa immune system. Sa pamamagitan ng bakuna, mas mabilis na nalalabanan ng katawan ang virus, naiiwasan ang pagdami at pagkalat nito — bagay na nagpapababa ng tsansa na mag-mutate ang virus. 

Kaugnay ng Ivermectin at iba pang sinasabing gamot laban sa Covid-19, mahalagang idiin na dahil nagpapalalim pa ng pag-aaral sa sakit at nagmu-mutate nga ang virus, nagbabago rin ang mga lunas dito. Mayroon halimbawang mga gamot na ginamit sa Covid-19 noong 2020 na hindi na ginagamit ngayon.

Senior citizens: prayoridad sa pagbabakuna.

5. Kung malusog naman ang pangangatawan at kung dalawang (2) porsiyento lang ang mortality rate o tsansang mamatay dahil sa Covid-19, bakit pa kailangang magpabakuna?

Una sa lahat, malaking bilang pa rin ang dalawang porsiyento ng populasyon. Noong Agosto 14, umabot na sa higit apat (4) na milyon ang namatay sa buong mundo dahil sa sakit na ito. Dito sa Pilipinas, nasa 1.7 milyong indibidwal na ang naitalang kaso ng Covid-19, na nagresulta sa pagkamatay ng 30,070 indibidwal nitong Agosto 14.

Mahigit 30,000 Pilipino na ang namatay dahil sa isang sakit na ngayon ay kaya nang maiwasan dahil sa bakuna, health protocols at pagpapalakas ng resistensiya. Ang bilang na ito’y tumataas araw-araw at tuluy-tuloy na dadami hangga’t marami pa rin ang hindi pa nababakunahan.

Bilang mga taong kumakalinga at nagmamalasakit sa isa’t isa, hangga’t maaari’y dapat iwasan natin ang may mamatay o magkasakit.

Bukod sa bilang ng mga namatay, paulit-ulit na napupuno ang mga ospital dahil sa mabilis na pagkalat ng virus na sanhi ng Covid-19. Malaki ang epekto nito hindi lang sa iba pang nagkakaroon ng Covid-19 kundi pati na rin sa mga taong may iba pang karamdaman na nangangailangan din ng agarang atensiyong medikal. Ang bilis ng pagkalat na ito’y lalo pang pinalalala ng mabilis na pagbabago ng virus (mutation) tulad ng Delta variant na lubhang mas nakakahawa.

Kung mas marami ang mabakunahan, mas magiging mabagal ang pagkalat ng virus at kung gayon, maiiwasang mapuno ang mga ospital. Magkakaroon ng puwang na gamutin ang iba pang karamdamang nakamamatay.

Bukod pa riyan, hindi man mamatay ang lahat, alam natin ang nagtatagal na masamang epekto ng Covid-19 sa pangangatawan ng tao. Ayon sa Mayo Clinic, may ilan sa mga gumagaling sa Covid-19 na nakararanas pa rin ng iba’t ibang karamdaman tulad ng fatigue, hirap sa paghinga, pag-ubo, pananakit ng kasu-kasuan, pananakit ng dibdib at iba pa. Sila ang binansagang long haulers.

Kung hindi natin mapapawi ang Covid-19 sa mundo, o mapapakaunti nang husto ang mga lugar at taong apektado nito, posibleng ang isang tao’y paulit-ulit na magkaroon nito. Sa ganitong kalagayan, magiging napakasama ng kumulatibong epekto nito sa kalusugan ng isang indibidwal at ng buong lipunan.

Bahagi lang ang bakuna sa komprehensibong pagtugon sa pandemya.

6. Ano ang lugar ng bakuna sa pangkalahatang paglaban ng mga mamamayan sa Covid-19?

Tulad ng nauna nang nabanggit, ang bakuna’y isa lang bahagi, bagamat mahalagang bahagi, ng pangkalahatang paglaban ng mga mamamayan sa Covid-19.

Kung ibabatay sa araw-araw na datos sa pagkahawa, malinaw na malayo pa ang pagtatapos ng pandemyang ito, lalo’t ang mataas na insidente ng SARS-COV-2 ay maaaring magdulot ng mutations na maaaring magpababa ng proteksiyong dulot ng bakuna. Kagyat na layunin ngayon ang pababain ang bilang ng populasyon ng virus (lower cases) gamit ang bakuna at non-pharmaceutical interventions kagaya ng pagsusuot ng mask, physical distancing at paghugas ng kamay.

Upang magtagumpay ang sangkatauhan sa pakikibaka kontra sa virus, kinakailangang may immunity ang halos buong populasyon ng buong mundo, sa pamamagitan man ng bakuna o impeksiyon. Nag-aalok ang mga bakuna ng abot-kaya at mas mabisang mekanismo na nagdudulot ng kaligtasan laban sa sakit nang walang malaking peligro mula sa impeksiyon, katulad ng matinding karamdaman at mahabang panahong pagkakasakit sa Covid-19.

Ayon sa manunulat na si Eula Biss, “immunity is a public space.” Ang pagiging ligtas sa sakit ay pampublikong espasyo. Tungkulin ito ng lahat. Kailangan alalahanin na hindi lahat ay puwedeng mabakunahan: ang mga mga sanggol at may mahihinang immune system katulad ng mga mayroong matinding karamdaman ay hindi puwede. Sila’y umaasa sa pagpapabakuna ng iba upang mapaliit ang tsansa na sila’y mahawaan ng virus.

Ang bakuna ay dagdag proteksiyon. Anumang proteksiyon laban sa sakit na hindi pa natin lubos na nauunawaan ay magandang gamitin lalo’t hindi naman ito mapanganib. Ang pagtataguyod natin ng karapatan ng mga mamamayan na mabakunahan sa pinakamabilis na panaho’y bahagi ng pagsusulong natin ng mga kaugnay na laban:

  • Karapatan ng mga mamamayan para sa masustansiyang pagkain, lifestyle, at iba pang social determinants o panlipunang salik na humubog sa kalusugan;
  • Paglaban sa kontrol ng mga dambuhalang korporasyon sa industriya ng gamot at sektor ng kalusugan; at
  • Mas mataas na pondo para sa kalusugan, edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan at paglaban sa korupsiyon sa gobyerno.

Pasismo at hindi pangkalusugan ang naging tugon ng rehimeng Duterte sa pandemyang Covid-19, kaya nga tuluy-tuloy ang ating panawagang #SolusyongMedikalHindiMilitar. Hindi nito ipinatupad ang mga panawagan ng mga mamamayan — mula sa mass testing hanggang sa pagpaparami ng pampublikong mga ospital. Ang alam lang nitong gawin ay lockdowns at panunupil sa mga mamamayan. Sa buong panahon, umasa lang ito sa bakuna — kaya rin naman lalong naging maigting ang pangangailangan ng sambayanan sa bakuna. Pero ang rehimen, hindi maibigay ang panawagan ng mga mamamayan para sa bakuna.

Mahalaga ang bakuna dahil may kagyat na pangangailangan ngayong magligtas ng buhay.

May karapatan ang bawat indibidwal na magpasya kung sila’y magpapabakuna o hindi. Pero ang desisyong ito’y hindi lang nakakaapekto sa indibidwal, kundi sa iba pa, at sa buong lipunan pa nga. Mainam na ang desisyong ito’y batay sa totoong impormasyon at hindi sa mga haka-haka.

Indibidwal na pagpapasya ang pagpapabakuna, pero kailangan ito ng buong lipunan. Ang indibidwal na desisyon sa pagpapabakuna’y nakakaapekto rin sa iba pa — sa mga taong nakakasalamuha, sa public health system at sa kanyang komunidad.

Ayaw natin ng pamimilit ng gobyerno at paglabag ng karapatan ng mga mamamayan kahit pa para sa pagpapabakuna. Ayaw rin natin ng paninisi sa mga hindi nagpapabakuna para sa pagkalat ng sakit.

Sa halip, tumitindig tayo para sa mapanghikayat na edukasyon hinggil sa pagpapabakuna. Katangian iyan ng mga kampanyang pangkalusugan ng mga progresibong kilusan at gobyerno sa kasaysayan. Kung mauunawaan ng marami kung ano ang bakuna, at kung mapapasinungalingan ang mga maling impormasyon hinggil dito, hindi kakailanganin ang pamimilit o pamamahiya.

Kailangan ding bakahin ang piyudal na relasyon sa pagitan ng mga eksperto tulad ng health professionals na sa halip na maglinaw ay inaangkin ang pagdedesisyon para sa mga pasyente at mamamayan. Nagtitiwala tayo sa masa, at kung may sapat silang impormasyon, kusang magpapabakuna ang nakakarami.

Ang bakuna’y isang karapatan at kung gayon, dapat libre, kagyat, at naaabot ng lahat.

Higit sa lahat, dapat itong maikumbina sa pagtataguyod ng isang pampublikong sistemang pangkalusugan na makabayan, siyentipiko, at makamasa.

Magpabakuna, magpabakuna, magpabakuna! Ngayon na!


Sidebar 1
Pathogens: nagdudulot ng sakit.

Natural na pagtugon ng katawan laban sa pathogen 

Ang pathogen ay maaaring bakterya, virus, parasitiko o fungi na nagdudulot ng sakit. Ang bawat pathogen ay binubuo ng maraming “subpart” na karaniwang natatangi o unique sa isang tukoy na pathogen at sa sakit na dulot nito. Ang “antigen” ay isa sa mga subpart ng pathogen na nagdudulot sa paggawa ng antibodies sa katawan ng isang host na kinakapitan ng pathogen, kagaya ng tao. Ang mga antibodies na ginagawa ng katawan bilang tugon nito sa antigen ng pathogen ay importanteng bahagi ng immune system. Ang antibodies ay sinasanay na makilala ang isang partikular na antigen. Libu-libong antibodies ang matatagpuan sa ating katawan. Kapag ang ating katawan ay nalantad sa isang pathogen sa unang pagkakataon, kinakailangan ng immune system ang mas mahabang panahon upang makagawa ng antibodies laban sa partikular na antigen, 

Habang wala pang tiyak na antibodies, ang taong nalantad sa pathogen ay maaaring magkasakit. 

Kapag nabuo na ang tiyak na antibodies labas sa antigen ng isang pathogen, nilalabanan ng antibodies, kasama ng ibang miyembro ng immune system, ang pathogen. Ang ganitong paglaban ay magdudulot na pagtigil ng sakit. Gumagawa rin ang katawan ng “memory cells” na gumagawa naman ng antibodies para sa mga antigen na nasagupa na ng ating katawan. Kapag nalantad uli ang katawan sa parehong pathogen, mas mabilis at mas epektibo na ang paggawa nito ng antibodies kaysa sa unang pagkakataon dahil sa memory cells. Kaya makakatugon nang mas mabilis ang immune system at mas epektibong mapoprotektahan ang katawan laban sa sakit. 

Iklik ang imahe para sa source.

Paano makakatulong ang bakuna?

Naglalaman ang bakuna ng mahina o hindi aktibong bahagi ng isang partikular na pathogen (kagaya ng antigen) na nagdudulot ng pagtugon ng immune system ng katawan. Ang mga modernong bakuna, kagaya ng mRNA vaccines, ay naglalaman ng blueprint sa paggawa ng mga antigen sa katawan. Ang mga bakunang ito (mula sa antigen o blueprint ng antigen) ay hindi nagdudulot ng pagkakasakit sa mga taong nabakunahan, ngunit inuudyok nito ang immune system na rumesponde o tumugon kagaya ng unang reaksyon nito sa aktwal na pathogen (kagaya nag paggawa ng tiyak na antibodies)

Ang ilang bakuna ay nangangailangan ng maraming doses (dosis), na may pagitan ng ilang linggo o buwan. Minsan, kinakailangan ang patlang upang makagawa ng pangmatagalang mga antibody at pag-unlad ng memory cells. Sa paraang ito, sinasanay ang katawan upang labanan ang partikular na pathogen, sa pagbubuo ng memory cells para sa mabilis na paggawa ng antibodies at paglaban sa sakit. 

.

Sino ang mga hindi maaaring mabakunahan?

  • Mga taong may mahinang immune system (Immunocompromised; kagaya ng mga taong may cancer or HIV)
  • Mga taong may matinding allergy sa ilang sangkap sa bakuna

Maaari pa ring maprotektahan ang mga taong di maaaring bakunahan kung nakatira sila sa isang lugar na maraming nabakunahang indibidwal. Kapag mas maraming indibidwal ang nabakunahan, mas mahihirapan ang pathogen na kumalat sa ibang indibidwal, kaya hindi makakaabot ang pathogen sa mga di maaaring bakunahang indibidwal. Tinatawag itong herd immunity.

Wala pang nadebelop na bakuna na nagbibigay ng 100 porsiyentong proteksiyon, at ang herd immunity rin ay hindi nagbibigay ng buong proteksiyon sa mga hindi ligtas na bakunahan. Ngunit sa herd immunity, ang mga taong ito’y magkakaroon ng mas mataas na proteksiyon, salamat sa mga nagpapabakunang indibidwal sa paligid nila. 

Ang pagpapabakuna ay hindi lamang pansariling proteksiyon, ngunit ang nakakatulong sa pagprotekta ng ibang indibidwal na hindi maaaring mabakunahan. proteksiyon ito ng buong lipunan. Magpabakuna kung kaya!

https://www.who.int/news-room/feature-stories/detail/how-do-vaccines-work 

Sidebar 2.

Pagdebelop ng bakuna

Covid vaccines: dumadaan sa maraming trials, pagsubok.

Ayon sa isang dokumento ng WHO, dumadaan sa sumusunod na mga hakbang ang pagdedebelop ng bakuna bago gamitin sa publiko matapos pag-aralan ang sakit at maitakda ang mga pamamaraan para labanan ito:

  • Pre-clinical Studies — sinusubukan ang bakuna sa mga hayop upang makita ang bisa at pagiging ligtas nito. Kasama dito ang paglulunsad ng challenge studies kung saan matapos bakunahan ang hayop, sinasadyang i-expose ito sa pathogen na sanhi ng sakit upang lubos na makita ang bisa.
  • Clinical Trials — mga pag-aaral upang subukan sa mga tao kung epektibo at ligtas ang bakuna laban sa sakit
    • Phase 1 — 20-80 taong kalahok upang masubok kung ligtas gamitin sa tao ang bakuna.
    • Phase 2 — 100-300 taong kalahok. Ibinibigay ang bakuna sa mga taong may katangian na tulad ng paggagamitan ng bakuna batay sa kanilang edad at pangangatawan.
    • Phase 3 — 1,000-3,000 katao upang masubok kung gaano kaligtas at kaepektibo ang gamot
  • Food and Drug Administration (FDA) Review — upang makumpirma kung epektibo at ligtas ang bakuna, inaaprubahan ng FDA ng iba’t ibang bansa
  • Phase 4 (post-marketing surveillance) — pagpapatuloy ng pag-aaral matapos maaprubahan at magamit ang bakuna sa publiko, upang makita ang mga adverse events at mapag-aralan ang matagalang epekto ng bakuna sa populasyon

Kakaiba ang bakuna sa Covid-19 dahil sa napakabilis o pinabilis na pananaliksik hinggil dito — bunsod nga ng nakamamatay na katangian nito at bilis nitong kumalat. Sa ibang bakuna, umaabot ang proseso ng maraming taon, pero sa bakuna kontra Covid-19, ilang buwan lang ang naisagawa. Sabi ng World Health Organization (WHO), ito’y dahil sa pagkukumbina ng iba’t ibang inisyatiba sa buong mundo para agad na makapagdebelop ng bakuna at mawakasan ang pandemya.

Para lalong mapabilis ang paggamit, naglalabas ang mga FDA ng mga bansa ng Emergency Use Authorization (EUA) sa partikular na mga bakuna laban sa Covid-19 upang mapayagang magamit sa maramihang tao kahit hindi pa kumpleto ang pananaliksik at proseso ng regular na pag-apruba.

Napabilis din ang pagdebelop ng bakuna dahil napakalaki ng demand o pangangailangan para rito. Mahigit 70 porsiyento ng populasyon ang kailangang bakunahan para makamit ang tinatawag na “herd immunity” o pagkakaroon ng proteksiyon laban sa sakit ng mga walang immunity. Subalit paglilinaw ng John Hopkins School of Public Health, ang “herd immunity” ay hindi isang magic number na kailangang maabot, lalo sa isang bagong virus tulad ng SARS-COV2 dahil patuloy ang pag-mutate ng virus. Mayroon pa ring positibong epekto ang immunity ng populasyon kahit hindi pa nakakamit ang numerong ito at posible pa rin ang impeksiyon kahit nakalagpas na sa numerong ito. Pero malaki ang tsansa na sa pag-abot sa naturang numero ay mas epektibong malalabanan ang pagkalat ng sakit.


Salamat kay PS na unang sumulat ng outline, kay K, R, at docs G at L.