Panimulang pagluluksa

May 13, 2021

Dahil sa mga protocol pangkalusugan, hindi nakapagluksa ang maraming pamilya sa tradisyunal na paraan. Panimulang hakbang ito para kilalanan ang lahat ng nasawi sa panahon ng pandemya.

Libu-libo ang binawian ng buhay dahil sa coronavirus disease 2019 (Covid-19), kawalan ng sapat na suportang medikal, at di-makatwirang panggigipit ng Estado. Sa kabila nito, kaliwa’t kanan ang panawagan na maghilom para makaabante muli, mapasigla ang ekonomiya, at makabalik sa dating gawi.

Pero sa araw-araw na pagkayod at pilit na pagsulong ng mga Pilipino, dagdag sa pasanin ang katotohanang may mga hindi na maibabalik kahit matapos ang pandemya.

“Para masimulan ang paghilom, kailangan muna ng sama-samang pagluluksa,” sabi sa wikang Ingles,ni Bibeth Orteza, alagad ng sining at kapatid ni Dr. Ephraim Neal Orteza na nasawi sa Covid-19.

Isa si Dr. Orteza sa pinarangalan sa “Damay at Dangal”, isang onllne memorial para sa mga Pilipinong binawian ng buhay ngayong may pandemya. Sa pangunguna ng Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (CURE Covid), Concerned Artists of the Philippines (CAP), Promotion of Church People’s Response (PCPR) at mga indibidwal na nawalan ng mahal sa buhay, magkakaroon ng video memorial sa Damay at Dangal Facebook page tuwing ika-9 ng buwan.

Nagsimula ito nitong Mayo 9 na tinagurian ng mga organisador na National Day of Mourning, at balak itong ipagpatuloy hanggang Abril 2022.

Dahil na rin sa mga alituntunin para maiwasan ang pagkalat ng Covid-19, kinailangang bitawan ng marami ang mga tradisyon sa pagluluksa. Sa danas ni Orteza, wala siyang laya na malapitan man lang ang pamilya ng nasawing kapatid.

Kabilang ang aktibistang madre na si Sr. Mary Francis Anover sa mga pinagpugayan.

“Para ito sa mga nawala nang hindi man lang nakapagpaalam,” sabi ni Orteza.

Bahagi ng memorial service ang pagdarasal na naaayon sa iba’t ibang relihiyon, kultural na mga pagtatanghal na alay sa mga namayapa, at pagbasa ng mga pangalan ng ilang nasawi. Ilan sa mga nabanggit ay mga health worker, mga human rights worker tulad nina Zara Alvarez at Randall Echanis, at mga biktima ng pandarahas ng isang pulis tulad nina Sonya at Frank Gregorio.

Ayon kay Judy Taguiwalo, dating social welfare and development secretary at ngayo’y tagapagsalita ng CURE Covid, walang binigay na puwang ang gobyerno para sa isang pambansang araw ng pagluluksa.

“At ang pag-alala’y hindi lang para sa mga kilalang tao. Bawat mamamayan sa bansang ito ay mahalaga,” ani Taguiwalo. “Higit pa sa numero, ito ay buhay ng tao.”

Isa sa mga nag-alay ng awit para sa mga biktima ng panahon ng pandemya si Gary Valenciano.

Lagpas 17,000 na ang naitalang pagkamatay dahil sa Covid-19. Dagdag dito ang taguri sa Pilipinas noong 2020 bilang isa sa mga deadliest o nakamamatay na bansa para sa mga aktibistang makakalikasan.

Sa kanyang bahagi ng panalangin noong Mayo 9, sinabi ni Bishop Joel E Tendero ng United Church of Christ in the Philippines na “sa bawat kamatayan, palaging may nagpupumiglas na buhay.”

Layunin ng Damay at Dangal na ipakitang ang kapayapaan para sa mga namatay ay matatagpuan sa lilim ng hustisya.

“Ang mga buhay ng ating mga minamahal ay hindi natapos sa kamatayan, ngunit ito ay magiging bukal ng ating pagkilos at paglaban,” sabi ni Noah Raquel ng United Methodist Youth Fellowship.

Para sa mga nais makiisa sa proyekto ng Damay at Dangal, ilagay lang sa Facebook ang pangalan ng namayapang mahal sa buhay, dahilan at petsa ng pagkamatay, at litrato o maikling mga kuwento tungkol sa kanila.

Andrea Jobelle Adan

Andrea Jobelle Adan

Si Jobie Adan ay nagtapos nang may karangalan ng kursong Pamamahayag sa UP College of Mass Communication sa Diliman, Quezon City. Siya ngayon ang pinakabatang istap ng PW.