FEATURED Magsasaka

Sipat sa kalagayan ng magsasaka sa panahon ni Duterte


Ibayong gutom at paghihirap ang nararanasan ng mga magsasaka ngayong panahon ng pandemya.

Umpisa pa lang ng termino sa pagkapangulo ni Rodrigo Duterte, hinamon na ng mga samahang magbubukid ang kanyang plano para sa agrikultura at tunay na repormang agraryo. Pero wala pang isang taon sa pode,naghubad na ng maskara ang rehimen para ipakita ang kanyang katapatan sa panginoong maylupa at dayuhang at lokal na malalaking korporasyon.

Tulad ng naunang mga presidente, ang kanyang patakaran sa agrikultura ay nakatali sa dikta ng dayuhan katuwang ang lokal na mga negosyante at burukrata. Maging ang pondo ng publiko ay inilalaan para sa pansariling interes, pamumulitika at korupsiyon, at panunupil sa halip na sapat na ayuda at bakuna sa mga mamamayan.

Kayod-kalabaw. Mga manggagawang bukid sa palayan na maghapong nagtatanim ng palay. Pakyawan ang sistema ng bayaran; depende sa dami ng natrabaho ang kikitain. Kadalasan ay P200 hanggang P250 kada araw. Deo Montesclaros

Problema sa lupa pa rin

Nananatili pa rin ang atrasadong relasyon sa produksiyon sa kanayunan. Sa Cagayan Valley, ang mga walang lupang sakahan ay pumapasok bilang kasama at nagbabayad ng upa sa lupa sa panginoong maylupa, o sa ilalim ng muertuhan o fixed rent at porsiyentuhan. Nakikihati lang ang magsasaka sa ani sa lupa na likha ng kanyang trabaho.

Halimbawa, sa Catolico Estate sa Cagayan, may lawak na 260 ektarya, pinapatawag ang mga magsasaka na matagal nang nakaukopa sa lupang sakahan at pinagbabayad ng upa sa lupa. Inangkin ng pamilya Catolico ang lupa matapos silang magpasarbey at idineklarang peke ang mga titulo ng magsasaka. Sa panahon ni Rafael “Ka Paeng” Mariano bilang kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR), binuo ang Task Force Problematic Cases sa rehiyon upang harapin ang ganitong kaso. Matapos mapatalsik si Mariano sa DAR at mapalitan ng bagong kalihim na si John Castriciones ay nabuwag ang Task Force at hindi na umusad ang imbestigasyon dito.

Tinalikuran din niya ang pangako sa usapin ng malalaking dayuhang pagmimina. Nakaambang magpatuloy ng panibagong 25 taon ang operasyon ng Oceanagold Philippines Inc. (OGPI) sa Kasibu, Nueva Vizcaya sa kabila ng malawak na pagtutol  mga mamamayan sa dayuhang minahan. Hindi makabalik ang mga katutubong magsasaka sa kanilang lupa na kinamkam ng minahan upang makapagsaka muli.

Paghahanda ng bunubon. Sinasalansan ng isang kabataang magbubukid ang mga palay na itatanim sa kanilang nakontratang sakahan. Deo Montesclaros

Paluging presyo ng palay

Malaking dagok sa mga magsasaka  ang Rice Tarriffication Law. Sa ginawang pag-aaral ng Anakpawis sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay may pagbaba ang produksiyon ng palay sa Nueva Vizcaya. Nagtala ito ng 15,968 MT na pagbaba o 5.92 porsiyento noong 2020.

Bumaba nang P3.00 hanggang P7.00 ang presyo ng palay sa Isabela. Sa tala ng Dagami noong anihan ng Oktubre hanggang Nobyembre 2020 ay P11 kada kilo sa wet market at P15 kada kilo sa dry na lamang ang farmgate price ng palay kumpara noong 2018 na P18 kada kilo sa wet at P22 kada kilo sa dry palay.

Ganito din ang daing ng mga magsasaka sa Cagayan na nakaranas pa ng mas mababang presyo ng palay. Malaking lugi ito para sa mga magsasaka.

Pamatid gutom. Dahil sa liit ng kita sa pamamakyaw at taas presyo ng bilihin hindi na makakain ng maayos ang magbubukid. Bilang remedyo ay naghuhuli sila ng ibon sa bukid para may pang-ulam sa hapunan. Deo Montesclaros

Mabagaldi sapat na ayuda

Pinabayaan ng rehimeng Duterte ang mga magbubukid sa panahon ng pandemya. Mistulang limos ang natanggap na ayuda ng mga manggagawang bukid sa palayan at manggagawa sa agrikultura sa buong Cagayan Valley.

Umabot sa 14 porsiyento o 311, 975 lang ng magsasaka sa buong Isabela ang nakatanggap ng P5,000 ayuda mula sa DA para sa walong buwan na lockdown sa probinsiya. Napakarami ang hindi kuwalipikado sa ayuda dahil walang sariling lupa, higit 1 o 2 ektarya ang sinasaka, hindi palay ang tanim at hindi rehistrado sa RSBSA (Registry System for Basic Sector in Agriculture) ng mga Municipal Agriculture Office.

Masahol din ang kalagayan ng manggagawang bukid. P55 kada araw ang katumbas ng ayuda na kanilang natanggap sa 100 araw ng mahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) mula sa Social Amelioration Program (SAP) na nagkakahalaga ng P5,500. Itinali na sila ng mahigpit na lockdown sa kanilang lugar at hindi na makahanap ng iba pang kabuhayan.

Tanggalan naman sa trabaho ang sinapit ng mga manggagawa sa tubuhan. Sa pagsisyasat ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA)-Sta. Maria ay 287 manggagawa ang tinanggal sa trabaho sa kalagitnaan ng pandemya. Bukod pa dito, walang natanggap na Social Amelioration and Welfare Program (SAWP) mula Marso hanggang Agosto 2020.

Pagpupunyagi sa paglaban

Maagang nalantad sa kilusang magsasaka ang hungkag na pangako ni Duterte para sa repormang agraryo. Kaya balik sa kalsada ang mga magsasaka upang ipaglaban ng kanilang karapatan sa trabaho, ayuda, kabuhayan at lupang masasaka.

Sapat na batayan ang kapabayaan at kataksilan niya sa magsasaka upang wakasan ang kanyang rehimen.