FEATURED

#Tumindig para #WakasanNa


Mabilis na naging viral sa social media ang dalawang inisyatibang nanawagan sa netizens namakilahok sa pamamagitan ng paglikha habang nakikiisa sa paglaganap ng viral memes na ito.

Sino nga ang ba iyung nagsabi na “a single spark can start a prairie fire”? Isang liyab, maaaring makapagpasimula ng malaking apoy. Sinabi iyan ng isang pilosopong Tsino. Ang leksiyong iyan, pana-panahong nakikita natin sa kasaysayan. Laksa-laksang mamamayan ang kaya lang makapagbago sa lipunan. Pero ang pagbabagong ito, maaaring magsimula sa iisang maliit na apoy.

Sa social media, bago ang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte, mabilis na kumalat ang apoy na isang meme. Gawa ni Tarantadong Kalbo (TK) ang isang meme na drowing ng dagat ng mga kamao na naka-“Duterte fist”, sa gitna nito isang kamao na nakataas, kumukontra sa kalakaran ng marami, tumututol sa status quo, lumalaban para sa totoo at tama.

Sabi ni Prop. Bomen Guillermo, posibleng inspirasyon ng naturang meme ang larawan ng isang manggagawa sa Germany noong panahon ng pasistang diktador na si Adolf Hitler noong dekada 1930s hanggang kalahati ng 1940s. Makikita sa larawang ito ang dagat ng mga taong naka-“Hitler salute”. Pero sa bandang kanan-itaas nito, ang nasabing manggagawa, nakatayo lang at nakatiklop ang mga braso. Kontra siya sa agos ng pasismo sa Germany, kontra sa popular na pamumuno ni Hitler.

Nag-viral ang meme ni TK. May mga kapwa artist na nag-edit ng meme ni TK, gumawa ng sarili nilang icon o avatar ng kanilang bersiyon ng nakataas na kamo. Gumawa ng template si TK para makagawa ang iba ng sarili nilang clenched fist avatars. Di nagtagal, napuno ang meme ng iba-ibang taas-kamao avatars. Hindi na nag-iisa ang kamao ni TK, karamihan na ang lumalaban sa mapanupil na kalakaran.

Samantala, nauna namang pinalaganap ng Concerned Artists of the Philippines (CAP) ang #WakasanNa comics challenge. Gumawa ito ng template ng cover ng isang komiks na kunya’y may pamagat na Wakasan Na (katulad ng mga komiks ng ating kabataan; talagang may komiks na “Wakasan” ang pamagat). Maraming artistang biswal ang kumagat sa challenge ng CAP. Ang ilan sa mga ito, narito sa pahina.

Mabilis na kumalat ang inisyatibang ito dahil, katulad ng #Tumindig meme ni TK, kinukumbida nito ang netizens na lumikha ng sariling ekspresyon ng protesta, gumawa ng sariling hitsura ng pagtindig at pagpanawagang wakasan na ang madilim na yugto ng kasaysayan ng bansa na nagngangalang rehimeng Duterte.

Ilan sa mga likhang covers sa ilalim ng proyektong #WakasanNa comics challenge:


Angeri Agies
Ara Villena
Corpser
Elly Cua
Eye
ELVIRA
Anonymous
Adam David
Bong Redilla
Hulyen
Marcel Antonio
Mark Saret
Bheng Densing