Istorya ng Linggo

‘Pagwawakas’ ng rehimeng Duterte


Hanggang sa huling SONA ni Pangulong Duterte, dinepensahan niya ang palpak na giyera kontra-droga at mga anti-mamamayan na polisiya. Ayon sa mga sektor, taliwas sa katotohanan at sa karanasan nila ang ibinalitang pag-asenso ng bansa.

Halos tatlong oras ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte at wala pang isang kapat nito ang inilaan para talakayin ang mga hakbang ng gobyerno para tugunan ang pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Pangalawa ang Pilipinas sa may pinakamalalang kaso ng Covid-19 sa Southeast Asia. Nakapagtala ang bansa ng higit 1.5 milyong kaso ng nahawahan, at 27,000 na ang namatay dahil dito.

“Hindi ko alam ang gagawin. Kailangan ko makinig sa task force,” sabi ni Duterte sa Ingles noong Hulyo 26. Aniya mainam na manalangin para sa pagwawakas ng pandemya, lalo na’t nariyan ang banta ng mas nakahahawang Delta variant.

Pero sa labas ng Batasang Pambansa, sa mga lansangan at sa kanya-kanyang ospital, matagal nang ipinapanawagan ng mga health worker ang alam nilang makakatulong sa pagtugon sa krisis pangkalusugan. Hanggang sa huling taon ng pangulo, anila, hindi sila pinakinggan.

“Sa termino ni Duterte, lalong nalugmok sa pagdurusa ang health workers,” sabi ni Robert Mendoza, pambansang pangulo ng Alliance of Health Workers. “Sa kabila ng patuloy na banta sa kaligtasan at kalusugan, mababa pa rin ang sahod at hindi nabigay nang oras ang mga benepisyo.”

Walang nabanggit sa SONA na dagdag suporta sa mga health worker.

“Walang matinong sinabi tungkol sa tugon sa pandemya, sa ayuda, sa pagwawakas ng endo (end of contract). Ang ipinagmamalaki lang niya ay ang mga giyera niya, na tanging mahihirap lang ang target,” sabi ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno.

Pandarahas ng Estado

Malaking bahagi ng talumpati ang inilaan sa pagbabalik-tanaw sa nagdaang limang taon ng panunungkulan, at pangunahin na dito ang mga kampanya kontra-droga at insurhensya. Sabi ni Duterte, nagresulta ang kampanya ng gobyerno sa pagsuko ng milyong drug dependent, pag- ”neutralize” at pagsasakdal sa libong drug personality.

Sa ikalawang report ng Investigate PH sa sitwasyon ng human rights sa bansa, tinalakay ang paggamit ng salitang “neutralize” sa police reports para sa akto ng pagpatay sa mga drug suspect habang isinasagawa ang mga police operation.

Sa SONA, sinabi ni Duterte na dapat bigyan ng free legal assistance ang mga militar at pulis para lutasin ang mga kaso na bunga ng kanilang pagsunod sa tungkulin.

Ani Edre Olalia, pangulo ng National Union of People’s Lawyers, hindi kakailanganin ng pulis at militar ang legal assistance na ito kung gagawin lang nila ang kanilang trabaho nang may pagkilala sa batayang karapatan ng mga tao. Kung tutuusin, sabi niya, mas ang mga biktima pa nga ng security forces ang may kailangan sa libreng legal aid.

Ayon sa report ni dating International Criminal Court (ICC) prosecutor Fatou Bensouda, kailangan maimbestigahan ang extrajudicial killings na ginawa bilang pagsunod sa polisiya ng estado.

“Hindi ako nag-deny, at pwede ito irecord ng ICC: ang sinumang sumira sa bansa ko, papatayin ko. At ang sumira sa kabataan ng bansang ito, papatayin ko,” sabi ni Duterte sa kanyang talumpati. (I have never denied, and the ICC can record it: those who destroy my country, I will kill you. And those who destroy the young people of our country, I will kill you.)

Ayon sa United Nations High Commissioner for Human Rights, hindi bababa sa walong libo ang pinatay dahil sa kampanya kontra-droga. Sa pagtatala naman ng mga human rights group sa bansa, doble o triple ang tunay na bilang ng mga binawian ng buhay.

“Hindi natin hahayaan na madagdagan ang listahan ng pinatay ng rehimen,” sabi ng Karapatan Alliance for the Advancement of People’s Rights. “Masyadong matagal ang isa pang taon ng panunungkulan ni Duterte.”

May katapusan

Pinatunayan lang ni Duterte sa kanyang talumpati na dapat wakasan na ang kanyang panunungkulan, at ang ganitong estilo ng pagkapangulo, giit ng iba’t ibang organisasyon.

Manila Bay: Ayon sa pangulo, itutuloy ang pagtambak ng dolomite sa Manila Bay hanggang sa makahanap ng alternatibong solusyon.

“Walang karapatan si Duterte na ipagmalaki ang Manila Bay rehabilitation, gayong nakasandig ang programang ito sa pagkamal ng kita ng mga korporasyon at pagkapinsala ng kalikasan,” sabi ni Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pambansang Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o Pamalakaya.

Dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan na dala ng bagyong Fabian, inanod muli ang bilyong pisong proyekto ng administrasyon.

Pagprotekta sa kalikasan: Wala mang direktang mga hakbang, sinabi ni Duterte na itutuloy ng gobyerno ang pagprotekta sa yaman ng bansa.

“Nilabas niya ang Executive Order No. 130 para ibukas muli ang bansa sa bagong minahan. Pinahintulutan ang napakaraming proyektong reklamasyon at mga dambuhalang dam na pinopondohan ng utang mula Tsina,” sabi ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat.

Noong 2019, sa pagtatala ng Global Witness, Pilipinas ang pinakadelikadong bansa para sa mga environmental defender sa Asya, at pangalawa naman sa buong mundo. Aabot ng 43 katao ang pinatay sa taong iyon. Kadalasan, ang mga biktima ay magsasaka, indigenous leader, at mga organisasyong tumutulong sa kanila.

Sitwasyon ng agrikultura: Ilan sa mga itinampok ni Duterte na pag-abante umano ng sitwasyong pang-agrikultura ang libreng irigasyon at ang Rice Tariffication Law. Ayon sa kanya, umayos ang presyo ng bigas at ang suplay nito.

“Sinusubukan lang niya na kumbinsihin ang sarili niya sa mga binansagan niyang tagumpay sa agrikultura,” sabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Giit ng grupo, kahit 2018 pa ipinasa ang libreng irigasyon, tuloy pa rin ang paniningil ng patubig sa maraming magsasaka. Dahil dito, maraming sakahan ang nakadepende pa rin sa tubig ulan at 16% lang ng total area ng mga sakahan sa bansa ang may maayos na irigasyon.

Dahil rin sa pagtindi ng importasyon ng bigas, naging isa sa pinakamalaking importer nito ang Pilipinas. Bumaba naman ang produksiyon ng bigas sa 27 probinsiya, ayon sa Anakpawis.

“Para sa magsasaka, puro kasinungalingan ang SONA ni Duterte,” ayon sa KMP.

Sitwasyon ng edukasyon: Isa sa mga ipinagmalaki ni Duterte ang pagpasa sa Universal Access to Quality Tertiary Education noong 2017.

Sagot naman ni Kabataan Rep. Sarah Elago, ang libreng edukasyon sa mga pampublikong unibersidad ay bunga ng dekadang paggiit ng kabataan sa kanilang karapatan sa edukasyon.

“Hindi ito utang-na-loob ng kabataan sa Duterte administration,” sabi niya. At ngayong panahon ng pandemya, dama nila ang pagpapabaya ng administrasyon dahil sa kakulangan ng education aid, pagtaas ng singil sa mga pribadong unibersidad, at pag-atake sa academic freedom.

Ilan lamang ito sa mga napasadahang isyu sa pinakamahabang SONA sa kasaysayan ng 1987 Konstitusyon. Sa pangkalahatan, nabigyan na ng grado ng taumbayan ang termino ni Duterte, ano pa man ang pagwawagi na itampok niya sa anumang talumpati.

“Isang superspreader ang huling SONA ni Pangulong Duterte,” sabi ni ACT Teachers Rep. France Castro. “Spreader ng kasinungalingan, pagbabanta, at bigong mga pangako.”

Ayon sa Ibon Foundation, imbes na lumago ay bumagsak pa sa -9.5 porsiyento ang ekonomiya ng bansa sa nagdaang taon at nakapagtala ng P1.8 trilyong kawalan kumpara noong 2019. Ito na umano ang pinakamasahol na pagguho ng ekonomiya sa kasaysayan matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig.

“Ang administrasyong Duterte ang may sala sa pinakamalaking naitalang pagbagsak ng ekonomiya ng bansa noong 2020. Dahil ito sa labis-labis na lockdown at community quarantine na, bukod sa palpak sa pagpigil sa pandemya, ay pinalala pa ng kawalan ng totoong pagpapasigla ng ekonomiya,” pahayag ng Ibon.

Nabawasan ng 2.7 milyon ang bilang ng mga may trabaho sa kasagsagan ng lockdown. Tinatayang nasa 33.8 lamang ang antas ng empleyo noong Abril 2020 na pinakamababa sa nakalipas na isang dekada.

Mahigit 72 porsiyento o 1.5 milyon sa mga nawalan ng trabaho ay mula sa mga industriyang pinakaapektado ang operasyon dahil sa lockdown gaya ng transportasyon, akomodasyon at serbisyong pagkain, manupaktura at konstruksyon.

Matindi naman ang epekto sa ekonomiyang nakaasa sa pagaangkat ng lakas-paggawa ang pagsisipaguwian ng Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa pandemya. Bumagsak sa 60 porsiyento ang bilang ng mga migranteng manggagawa na umalis ng bansa noong 2020.

Naitala naman ang 3. porsiyento na antas ng implasyon noong DIsyembre 2020, pinakamataas sa nakalipas na 21 buwan. Pangunahing nagtaasan ang presyo ng mga produktong pagkain, transportasyon at iba pang singilin sa bahay na labis na ininda ng pinakamahihirap na pamilyang Pilipino.

Para sa Ibon, makapagbibigay alwans sana mula sa krisis ang mga ayuda mula sa pamahalaan. Pero kahit ito, kapos, huli na at ginamit pa sa politika.

Napakaliit umano ng alokasyon sa Bayanihan to Heal as One Act 1 at 2 para sa Social Amelioration Program (SAP). Ang ayuda halimbawa mula sa Bayanihan 1 para sa 17.6 milyong sambahayan ay dumating noon lamang Mayo 2020, 106 araw mula nang maglockdown, ay nagkakahalaga lang ng Php 5,617 kada pamilya o Php 12 kada araw.

Sa Bayanihan 2, mas pinaliit na nga ang alokasyon para sa ayuda, marami pa sa mga benepisyaryo ang wala pang natatanggap hanggang ngayon. Nasa 251,776 pa lamang mula sa kabuuang target na 568,026 ang nakatanggap ng Php 6,752 ayuda mula sa DSWD. Umaabot pa lamang sa 1.97 milyong pormal at di-pormal na mga manggagawa at mga OFWs mula sa target na 3.4 milyon ang nabigyan ng Php 5,228 ayuda mula sa DOLE.

Mabagal din umano ang proseso ng mga pautang para sa mga maliliit na negosyo. Noong DIsyembre 2020 ay umaabot pa lamang sa 5,324 ang naprosesong mga aplikasyon para sa mga micro-small and medium enterprises (MSMEs).

Sa buong Timog Silangang Asya, ang gobyernong Duterte na ang may pinakamaliit na inilaang pondo para sa pandemya na katumbas lang ng 6.3 porsiyento ng National Union of People’s Lawyers ng bansa. Napakaliit kumpara sa 25.9 porsiyento sa Malaysia, 25.4 porsiyento sa Singapore, 16 porsiyento sa Thailand, 10.9 pinuno sa Indonesia, at 10.3 porsiyento sa Vietnam.

“Isang taon na ang pandemya at sa kabila ng mga aral mula sa ibang bansa sa silangang Asya, ang mga Pilipino’y binibigyan pa rin ng huwad na pagpipilian sa pagitan ng pampublikong kalusugan o ekonomiya. Ang labis na pagsandig sa mahaba at malupit na mga lockdown ay hindi lang nakasakal sa pangekonomiyang aktibidad kundi nakapagdulot din ng di kinakailangang pagsasara at kawalang trabaho. Pero sa kabila ng mga mahigpit na patakaran, nagpapatuloy pa rin na kumakalat at pumapatay ang Covid-19,” ayon sa IBON.