Ambag nina Neil at Nonoy
Kapwa iniambag nina Neil Doloricon at Nonoy Espina ang malaking bahagi ng kanilang oras sa mundo at pambihirang talino para ipaglaban ang kalayaan at demokrasya sa bansa.
Kahit hindi naman niya kailangan noon, at hindi naman namin hiningi sa kanya, linggu-linggo naming kasama sa opisina ng Pinoy Weekly si Leonilo “Neil” Doloricon. Anim na taon iyun, mula 2002 hanggang 2008. Siya ang nagdidisenyo at nagsasara ng front pages.
Napaka-mapagbigay at mapagkumbaba ni Neil. Wala siyang tinatanggap noon sa Pinoy Weekly. Pero panata niya ang Tuesdays presswork, hanggang matapos ang issue. Pana-panahon, kapag nagigiliwan niya, gumagawa siya ng illustrations para sa mga artikulo. Ibang klase ang talas ng editorial cartoons niya – iyung talas na nahasa lang ng mahabang karanasan ng paglahok sa pakikibakang masa.
Minsan, inimbitahan niya kaming pumunta sa opening ng exhibit ng woodcut prints niya pagkatapos ng presswork. Hanggang litrato na lang kami kasi siyempre mahal ang benta haha. Pero bawi naman siya sa presswork kasi minsan iniiwan niya ang original na drawing ng editorial cartoons niya para pag-agawan ng staff. Sayang, wala akong naitabi. Kuwento ni Rom de Jesus, na tumayong publisher ng PW noong unang taon nito, parang rakstar daw si Neil sa Japan. Pinagkakaguluhan ang art niya. Pero sa amin, kaibigan lang siya at layout artist ng cover. Hehe. At pana-panahong kainuman tuwing may okasyon.
Minsan lang nagalit sa amin si Neil. Cover story noon si Palparan. May resolusyon ang editorial board na baguhin ang masthead, para bumagay sa magazine format ng PW. Binago namin nang hindi siya nakokonsulta. Nagpumilit ang editorial board. Nagalit siya. Abot-langit ang pagsusumamo namin. Napatawad naman niya kami. Pero magmula noon, hindi na siya naging aktibo sa presswork.
Pero sinuportahan pa rin niya kami. Linggu-linggo pa rin ang submissions ng cartoons. Noong pansamantalang itinigil ang printing ng Pinoy Weekly, taong 2008, pinupuntahan pa rin namin siya sa UP Fine Arts para magpapirma ng tseke. Kapag nagkikita-kita sa mga coverage sa mga rali, kinukumusta niya kami. Huli kaming personal na nagkita noong rali para sa prangkisa ng ABS-CBN, bago ang pandemya.
Magmula martial law ni Marcos hanggang sa huling sandali niya, hindi bumitaw si Neil sa mga prinsipyong gumabay sa sining niya. Sa social realists na kasabayan niya, siya ang naging pinakakonsistent at matatag — at aksesible. Lahat halos ng cartoons niya, inu-upload niya sa FB account niya. Halos lahat ng imahe ng prints, available siguro online. HIndi pinagraramot ni Neil ang sining niya, kasi para kanino pa ba naman ito kundi para sa masa. Samantala, lagi rin siyang nag-aambag ng mga likhang-sining sa progresibong mga organisasyon, tulad ng Kilusang Mayo Uno at mga grupong maka-manggagawa, Anakpawis, Gabriela, CAP, at maraming iba pa.
Di hamak na mas marami pa ang masasabi hinggil sa ambag ni Neil sa kilusang social realism sa sining, sa kilusang paggawa (kung saan naging organisador din siya), sa akademya, at sa aktibismo. Bahagi lang ang paglahok niya sa Pinoy Weekly ng habambuhay na paglilingkod sa mga manggagawa at mamamayan. Gayunman, ikinararangal namin na makasama siya sa maikling bahaging ito sa pakikibaka niya.
Itinuturing na higante sa sining biswal sa Pilipinas si Neil. Higit dito, para sa mga progresibo, maituturing na bayani si Leonilo “Neil” Doloricon. Bukodtanging inialay niya ang tapang at pambihirang talino sa isang malawak na kilusan para sa progresibong pagbabago sa bansa.
* * *
Halos kasabayan ng pagtatag ng Pinoy Weekly ang muling pagkabuhay ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP). Nasa ikalawang palapag ng Bound Bookstore na pag-aari rin ng ilang mamamahayag ang opisina nito. Nagsilbing coffee shop din ang Bound noon. Tambayan ito ng mga opisyal ng NUJP at ilang mamamahayag. Doon ko unang nakita si Nonoy Espina.
Matagal na naging opisyal ng NUJP si Nonoy. Inabot niya ang panahon ng matinding mga pagsubok sa paglaban sa kalayaan sa pamamahayag at para sa kalagayan ng mga mamamahayag. Panahon ng rehimen ni Gloria Macapagal- Arroyo, sinama ang mga grupo ng midya pati NUJP sa “Knowing the Enemy”. Ito ang powerpoint presentation ng militar na pinakikita nito sa mga pagtitipon sa madla para ipakilala ang mga “kaaway ng Estado” – mga kritiko ng rehimeng Arroyo. Nakita noong panahong ito ang pambihirang pagkakaisa ng mga mamamahayag para tutulan ang paninira at pananakot sa mga mamamahayag.
Panahong ito, may aktuwal nang mga atake sa midya: nareyd ang Daily Tribune at kinasuhan ng asawa ng Pangulo ang mga mamamahayag.
Sa dulo rin ng panahong ito, ilang buwan bago ang pambansang eleksiyon, noong Nobyembre 23, 2009, nang mangyari ang masaker ng 58 katao sa Ampatuan, Maguindanao. Sa mga biktima, 34 ang alagad ng midya. Nasalang muli si Nonoy bilang isa sa mga pinuno ng labang ito, hindi lang dahil opisyal siya ng NUJP, kundi dahil muntik na raw siyang makasama sa mismong grupo ng mga mamamahayag na minasaker. Nang mangyari ito, kabilang siya sa grupong unang rumesponde sa lugar ng masaker. Naalala ko ang presscon ng NUJP, umiiyak si Nonoy habang inaalala ito.
Kaibigan ng alternatibong midya si Nonoy. Hindi lang dahil siya mismo, miyembro ng alternative media sa Negros noong panahon ng batas militar ni Marcos. Batid niyang mahalagang bahagi ng paglaban para sa press freedom ang paglaban para sa tinaguriang alternative media, tulad ng Pinoy Weekly. Nitong huling dalawang taon ng pagiging tagapangulo niya sa unyon, walang sawa ang suporta ng NUJP sa alternative media.
Noong dinagsa ng cyberattacks ang websites ng PW, Altermidya, Bulatlat, Kodao at iba pa, isa sa unang nagsalita ang NUJP. Noong sinunog at saka noong kinumpiska ng mga pulis ang mga kopya ng PW sa Pandi, Bulacan, isa sa unang nagsalita ang NUJP sa pangunguna ni Nonoy.
Progresibo rin ang tindig ni Nonoy sa maraming isyu. Sa kanyang personal na FB account, mahihinuha ito. Hindi naging hadlang ang pagiging mamamahayag niya sa pagbahagi niya ng progresibong mga opinyon at suri niya hinggil sa maraming isyung pambayan. Sa kabila nito, hindi masasabing hindi siya mahusay na mamamahayag.
Yumao si Nonoy Espina noong nakaraang buwan. Iniwan niyang mas malakas ang organisasyon ng mga mamamahayag kaysa noong bago siya lumahok dito. Dahil sa ipinundar niya at ng iba pa na matibay na organisasyon ng mga mamamahayag, magpapatuloy ang paglaban ni Nonoy. Naniwala siyang nasa organisasyon, nasa pagkakaisa, ang susi ng tagumpay ng laban.
Dapat dakilain ang ambag niya sa pamamahayag, at sa laban para sa press freedom. Pero gagawin natin ito habang isinasaalang-alang ang leksiyon ng pagtiwala niya sa sama-samang pagkilos para makamit ang panlipunang pagbabago.
*Ang Michelangelo Buenaobra ay sagisang-panulat ng dating istap ng PW at ngayo’y regular na kontribyutor nito.