Direktor, tatlo pang iba, inaresto nang walang warrant


May higit 24 kilometro ang layo ng dalawang munisipalidad sa isa’t isa. Isiniwalat din ng direktor sa kanyang X (dating Twitter) profile na walang warrant na ipinakita ang pulisya nang arestuhin sila.

Kaliwa’t kanan ang mga panawagan para palayain ang direktor at film professor na si Jade Castro at tatlong kaibigan matapos arestuhin ng pulisya ng lalawigan ng Quezon noong Peb. 2 para sa kasong arson. Kasalukuyan silang hawak ng Catanauan Municipal Police Station.

Ene. 31 nang matupok ng sunog ang modern jeepney na pagmamay-ari ng Gumaca Transport Service Cooperative. Sinabi umano ng mga nakasaksi na apat na tao ang responsable sa panununog.

Tanong naman nina Castro, paano nila gagawin ang binintang na pagsunog ng isang modern jeepney sa bayan ng Catanauan kung abala silang nakikipiyesta sa munisipalidad ng Mulanay?

May higit 24 kilometro ang layo ng dalawang munisipalidad sa isa’t isa. Isiniwalat din ni Castro sa kanyang X (dating Twitter) profile na walang warrant na ipinakita ang pulisya nang arestuhin sila.

“Sabi ng mga pulis, patuloy pang iniimbestigahan ang insidente. Pero lahat sila kinasuhan na ng arson,” sabi ng Concerned Artists of the Philippines (CAP).

Ilan lang ang CAP, Dakila, Directors’ Guild of the Philippines, Inc. sa mga grupong naninindigan na inosente ang apat.

“Nananawagan rin kami sa Commission on Human Rights na gawan ng masinsinang imbestigasyon ang insidente at tulungan siguraduhin na ligtas ang mga inakusahan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon,” dagdag ng CAP. 

Si Castro ang direktor ng “Endo” (2007), at “Zombadings 1: Patayin sa Shokot si Remington” (2011)”. Kilala rin siya para sa mga serye tulad ng web series na “Boys’ Lockdown” (2020).

Ayon sa Dakila, hindi maikakaila ang kontribusyon ni Castro sa pelikulang Pilipino.

Anila, gawa ito ng kanyang kontribusyon sa mga pelikulang tumatalakay sa mga isyung panlipunan at pati ambag niya bilang guro ng mga magsisimula pa lang sa industriya.

Binigyang pansin naman ng Tanggol Quezon ang nagpapatuloy na pag-aresto nang walang warrant sa probinsya.

“Pagpapatunay ito ng patuloy na paglala ng mga paglabag sa karapatang pantao,” sabi ng Tanggol Quezon.