Lumang himig ng ‘Bagong Pilipinas’


“Para sa isang piyesa na layong ipaawit sa maraming tao, hindi ito nakahahalina, nakadadakila o nakapagbibigay ng inspirasyon,” ani Edge Uyanguren ng Concerned Artists of the Philippines.

Umani ng batikos mula sa publiko ang himno na “Bagong Pilipinas” maging ang kapares nitong panata. Ipinag-utos ng Malacañang sa bisa ng Memorandum Circular No. 52 noong Hun. 4 na gamitin ang nasabing himno at panata sa mga flag ceremony sa mga opisina ng pamahalaan at paaralan. 

Para kay Concerned Artists of the Philippines (CAP) national coordinator Edge Uyanguren, hindi angkop ang himno para sa mga malalaking pagtitipon.

“Para sa isang piyesa na layong ipaawit sa maraming tao, hindi ito nakahahalina, nakadadakila o nakapagbibigay ng inspirasyon,” aniya sa wikang Ingles.

Dagdag pa niya, “Mababa ang kalidad at hindi pinagplanuhan ang kanta. Hindi siya pinag-isipan. Malinaw ito sa liriko.”

Paulit-ulit at walang kaluluwa ang himno na may layunin na burahin at palitan ang malupit na alaala ng diktadura na gawain ng isang pasista para sa propaganda, ayon naman kay CAP secretary general Lisa Ito. Maituturing na isang “rebranding” ng lumang rehimen ang kanta.

“Isa itong katawa-tawang resulta ng pinakabagong kalokohan ni [Ferdinand] Marcos Jr.: isang memorandum sirkular na walang nagpapaganang batas, isang dagdag na polisiyang pangkultura na walang konteksto, at isang kanta na walang kahit anong saligan sa buhay at hangad ng mga Pilipino,” sabi ni Ito sa Ingles.

Ayon sa CAP, madaling makalimutan ang liriko at melodiya ng kanta at hindi naghahalo ang mga boses nito. Walang tunay na pagkakasundo sa mga elemento ng himno. Hindi ito kaaya-ayang produksiyon na magpapatanong sa isang tao kung magkano ang ibinawas sa kaban ng bayan para mabuo ito.

“It goes, ‘Panahon na ng pagbabago…’ and you wonder: ngayon lang dumating ang panahong ito? Noon, hindi?” sabi ng organisasyon ng mga makabayan artista.

Hindi rin umano nakadaragdag ng halaga ang “Bagong Pilipinas” sa “Lupang Hinirang” maging sa “Panatang Makabayan.” Sa katunayan, pinapahaba lang nito ang mga flag ceremony na sumasayang sa oras at pera ng mga tao.

Higit na isang kantang pangkampanya ang “Bagong Pilipinas” kaysa isang panata ng katapatan sa bayan, ayon sa music producer at jingle composer na si Choi Padilla.

“Kung ganito ang paraan ng pagsusulat ng kanta at gusto mong ipakanta ito sa mga kawani ng pamahalaan at mga mag-aaral, isa lang ang panig nito. Bilang karagdagan, may tunog adyenda ang pamagat nitong ‘Bagong Pilipinas,’” sabi ni Padilla.

Naniniwala naman ang isang kabataang manunulat ng kanta na si Aireen Marzo na hindi paraan ang “Bagong Pilipinas” para makapagsimula ng positibong pagbabago at pagkamakabayan.

“Bilang isang kabataang manunulat, naniniwala ako na dapat natural at hindi pilit ang pagbibigay ng inspirasyon ng mga liriko at awitin. Dapat mainam na lumampas ang sining at musika sa mga pampolitikang paghahati at pagkaisahin ang mga tao sa ilalim ng iisang pagmamahal sa bansa nang hindi pinapaboran ang anumang tiyak na ideolohiya o rehimen,” sabi ni Marzo sa Ingles.

Dahil mayroon ng pambansang awit at panata ang Pilipinas, walang saysay ang pagkakaroon ng himnong ito lalo’t may mga kabataan na halos hindi kabisado ang “Lupang Hinirang” at “Panatang Makabayan.”

Imbis na ipalaganap ang bagong himno, nakatuon dapat ang pansin ng pamahalaan sa mga isyu hinggil sa bansa gaya ng pagtaas ng bilihin, pang-aagaw ng Tsina ng teritoryo sa West Philippine Sea, at maging ang krisis sa edukasyon ng bansa.

Paglabag ang sapilitang pagkanta ng himno sa mga flag ceremony sa malayang pamamahayag at pagpapahayag sa ilalim ng Art. 3, Sek. 4 ng Saligang Batas. Ayon din sa abogado at brodkaster na si Mel Sta. Maria, labag sa Flag and Heraldic Code of the Philippines ang inilabas na memorandum ng Malacañang dahil hindi naman binibigyan ng batas ng kapangyarihan ang pangulo na magdagdag ng bahagi sa seremonya ng pagtataas ng watawat.

Makapagdudulot ng karagdagang paghihiwa-hiwalay sa halip na pagkakaisa ang pagpilit sa mga tao na awitin ang himno. Matatandaang sapilitan din ang paglunsad ni Marcos Sr. ng kanyang sariling martsa, ang “Bagong Lipunan.” Ginamit niya ito bilang pagpapakita ng huwad na pag-asa sa kabila ng mga kalupitan ng kanyang rehimen.

Hindi pinangalanan ng Palasyo ang nagsulat o umawit ng himno. Gayunpaman, para sa mga kritiko, maging sa mga naging biktima ng kalupitan noong rehimeng Marcos Sr., isa itong “self-serving” na pagtatangka sa rebisyunismo na pabanguhin ang alaala ng diktadura.

May layon ang pagtulak sa “Bagong Pilipinas” bilang isang tatak ng pamamahala at pamumuno na pagtakpan ang kakulangan sa tunay na pagtataguyod ng interes ng mamamayang Pilipino gamit ang parehong pamamaraan ng unang rehimeng Marcos.