‘Wake Me Up When September Ends’ at giyerang agresyon ng US sa Gitnang Silangan


Labing-anim na taon makalipas ilabas ng bandang Green Day ang kantang ‘Wake Me Up When September Ends’, ano na nga ba ang nangyari?

Naging isang meme ang “Wake Me Up When September Ends” ng Green Day. Malakas na mensaheng pulitikal ang naturang kanta, na nakapaloob sa isang anti-gobyernong album na “American Idiot.”

Hindi ito ang unang sabak ng banda sa pulitika. Tinalakay ng “Minority,” mula sa nauna nilang album, ang pangambang matatalo ang tumatakbo noong pangulo ng US na si Al Gore — at mananalo ang paladigmang si George W. Bush. Mas nakalubog ang banda sa popular na larangan, kaya mas naibahagi nito ang kanilang mensahe gamit ang mga elemento ng folk at pop music.

Binanggit ni John Colapinto, sa isang artikulo sa magasing Rolling Stones, na paglayo sa pinagmulan ng banda ang album na “American Idiot.” Mula sa tinawag niyang “goof-punk,” itinurol ng Green Day ang kanilang atensiyon sa anila’y “most powerful idiot in the Oval Office,” kaya ganyan ang pamagat ng album.

Ngunit hindi nagtagumpay ang “American Idiot” na magtunog na “call to arms” o panawagan para sa pagpapatalsik kay Bush, bagamat tagumpay ito sa airwaves ng radyo at naging isa sa pinakapopular na kantang pop.

Ang totoo, hindi direktang tungkol sa gera sa Gitnang Silangan ang “Wake Me Up When September Ends”. Isinulat ni Billie Joe Armstrong, bokalista at gitarista ng banda, ang kanta para sa kanyang yumaong ama. Marahil malaking pasasalamat sa MTV, nagkaroon ng mas kakaibang pagtingin sa awitin. Sa music video nito na idinerehe ni Samuel Bayer, inilapat sa atakeng Setyembre 11, 2001 sa US ang awitin. Sentral na tema ng awitin ang temang pagkawala/pagkawalay, at ipinakita ito sa mga imahe mula sa gera ng US sa Iraq.

At maaaring lapat ang tila walang-ugnay na paglalagay ng mga imahe sa music video, laluna kung iisiping sentral na usapin ang kawalan ng ugnay ng Iraq War — isang matagalang gera na inilunsad ng US sa Iraq mula 2003 hanggang 2011 — upang matugis ang umano’y diktador na si Saddam Hussein. Pero walang kinalaman ang giyerang ito sa 9/11, kung hindi lang sa alegasyon ng ilang opisyal ng US na kinakanlong ng Iraq si Osama Bin Laden, pinuno ng Al Qaeda at sinasabing direktang may kinalaman sa serye ng pagbomba noong 9/11.

Bukod sa alegasyon, ginamit ng US na dahilan para sa kanyang agresyon sa Iraq ang pagkakaroon umano ng huli ng weapons of mass destruction. Maraming pananaliksik at imbestigasyon sa Iraq ang nagsabing wala. Sa kabila nito, itinuloy pa rin ang gera at ang pagbitay sa dating pangulo ng Iraq.

Hindi pa rin inaamin ng US ang pagkakamaling ito dahil isang malaking krimen sa sangkatauhan o “crime against humanity” ang agresyon. Nagpatuloy ang Iraq War mula 2013 hanggang 2017, naging tila domino effect ng naunang pananakop, at kumitil sa buhay ng aabot sa 155,000 at nagdulot ng dislokasyon sa may limang milyong katao sa Iraq.

Hindi maikakaila ang paglapat ng temang 9/11 sa mga awitin. Sa aklat na September 11 in Popular Culture: A Guide, sinuri ng mga manunulat ang mga awiting may pagturol sa mga pangyayaring sinindihan ng pagbomba sa Twin Towers. Kasabay ng Green Day, halimbawa, tinangkang turulin ng “Hail to the Thief” ng Radiohead ang mga abuso ng administrasyong Bush, partikular ang pandaraya sa eleksiyong 2000.

Sa ganitong musika, may pagsisikap na ilahad sa publiko ang nakamaskarang mukha ng agresyon ng US sa Gitnang Silangan sa mga taong iyon – ang paghawak at pagkapit sa kapangyarihan ng mag-amang Bush, ang kanilang negosyong langis sa gitnang Silangan, at ang interes ng mga monopolyo-kapitalista ng US. Kasama sa mga polisiyang panlabas ng bansa, nakontrol ng mag-ama ang gobyernong US at ang sandatahang lakas nito, upang mapagtibay ang kanilang kapangyarihan at negosyo.

Kaakibat din ang pagpopondo sa mga grupong paglaon ay kumalaban sa mga polisiya ng US, mga hadlang sa mga negosyo ng malalaking kapitalista tulad nila Bush. Mga grupong tulad ng Taliban, na lumaban sa Unyong Sobyet sa Afghanistan, pero kalauna’y “kinagat ang amo” nang ilunsad ang pag-atake sa US — at pagguho ng Twin Towers, na simbolo ng lakas ng US.

Ngayon, makalipas ang dalawang dekada, nabawi na ng Taliban ang kapangyarihang pampulitika sa Afghanistan. Ipinapakita lang nito, sa malaking bahagi, ang pagkainutil ng giyerang agresyon ng US sa Gitnang Silangan.

At sa ngayon, nananatili pa rin sa alaala ng sangkatauhan ang mga imahe ng video ng “Wake Me Up When September Ends” kasama ang mga imahe ng 9/11 at ng mga kamatayan at dislokasyon ng sangkatauhan na idinulot ng agresyon ng US.