FEATURED

Lingguhang taas-presyo ng langis, tinuligsa


Parusa na sa mga Pilipino ang madalas na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Maaari namang maibsan ang paghihirap na ito sa pagusupinde ng ilang buwis.

Butas na ang bulsa ng nakararaming Pilipino. Umasa sana silang makabangon matapos muling buksan ang ekonomiya at paluwagin ang mga restriksiyong ipinatutupad ng gobyerno. Pero, linggu-linggo namang nagtaas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Inaasahan pang magdulot din ito ng taas-presyo sa iba pang pangunahing bilihin.

 

“Ito ang legasiya ng administrasyong Duterte: nagmamahal ang presyo ng serbisyo at produkto, pero ang sahod ng manggagawa ay hindi na makaagapay. Talaga namang walang puso para sa mamamayang Pilipino,” sabi ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

 

Ayon sa Ibon Foundation, independiyenteng institusyon sa pananaliksik, lubhang mataas ang inflation rate (o pagtaas ng presyo ng mga bilihin) ngayong 2021 kaysa noong nakaraang taon. Tumaas ang inflation rate sa pagkain mula 1.8% noong 2020 hanggang 5.4% ngayong ikatlong kwarto ng kasalukuyang taon. Tumaas naman mula 2% hanggang 3.4% sa kuryente, tubig, at mga produktong petrolyo.

 

Isinisi ng KMU ang lingguhang taas-presyo na ito sa Republic Act 8479 o Oil Deregulation Law, kung saan mga malalaking korporasyon ang nagtatakda ng halaga sa langis at produktong petrolyo. 

 

Ngayong linggo ang inaasahang ika-9 na pagtaas ng presyo ng langis. Mula noong Enero 2021, pumataw na sa P20 kada litro sa gasolina, P18 sa diesel, at P15 sa kerosene ang kabuuang itinaas ng mga produktong petrolyo batay sa datos ng Department of Energy.

 

Butas ang bulsa

 

Lagpas na sa usapin ng pagbibigay ng ayuda ang lumalalang pang-ekonomiyang kahirapan na ito sa bansa. Habang hinahayaan ng estado na sumirit ang halaga ng produktong petrolyo, patuloy na dumadausdos ang arawang paggastos ng isang ordinaryong Pilipino.

 

Batay sa kompyutasyon ng Ibon, ang tsuper ay magbabayad ng karagdagang P95.70 para sa 11 litro ng diesel sa isang araw.  Isinasabay pa ang walang humpay na dagdag-singil sa langis sa unti-unting pag-alis ng mga tradisyunal na dyip.

 

“Kita n’yo po ang mga pumasok na (drivers at operators) sa modern jeep ay wala na, tumitirik na. Marami na ang nagrereklamo dahil po hindi ho nila kayang bayaran ‘yong sinasabing service nong sasakyan nila kasi po nagkakahalaga ng dati ay 1.6 milyon ngayon ay 2.4 milyon na,” giit ni Noland Grulla, tagapagsalita ng UP Transport Group.

 

Pasakit din aniya ang protocols ng gobyerno na naglilimita sa 50 porsiyento  na kapasidad sa bawat biyahe. “‘Pag hindi ka susunod (sa) sinasabi nilang 50 percent, huhulihin ka. Paano na ang iuuwi mo sa pamilya mo? Ang isang way namin P84 tapos ang krudo mo singkwenta mahigit,” dagdag niya.

 

Tuwing umaga dumadagsa ang mga pasahero ngunit hindi ito natatanaw bilang isang oportunidad sa paglaki ng kanilang kita sapagkat pila-pila sila sa pagpapasakay at limitado lamang sa kalahating kapasidad ang dapat na ilarga.

 

Dagdag pa ni Grulla, mataas na ang P200 na kinikita sa pagbiyahe. Bagay na wala pa sa kalahati ng arawang kita ng mga manggagawa sa Metro Manila. Kulang na kulang bilang pantustos sa pang-araw-araw na pangangailangan.

 

Pagsubok din sa mga tsuper ang magbalik-pasada. Daing ni Elmer Cordero, tsuper at miyembro ng Ayuda Network, kalakhan ng mga drayber at operator ang hindi pa nakababalik at nananatiling nanlilimos sa lansangan. 

 

“Karamihan sa aming mga driver at operator nagkakasakit na dahil namamalimos sa kalsada (gawa na rin na) inaabot ng ulan at init upang maitaguyod ang kanilang pamilya.”

 

Isa si Tatay Elmer sa mga miyembro ng PISTON na ikinulong ng awtoridad habang nagpoprotesta at nananawagan ng ayuda noong June 2 nakaraang taon sa Caloocan City.

 

Ngayong may pandemya, dumami ang bilang ng mga delivery riders kaalinsabay ng transisyon ng karamihan sa online na iskema ng transaksyon. Para kay Elmer Labog, pangulo ng Kilusang Mayo Uno at kandidato ng Makabayan Bloc para pagka-senador, walang magiging saysay ang kayod ng mga delivery riders kung mapupunta lamang ito sa langis na linggo-linggong tumataas.

 

Para naman sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), isang progresibong organisasyon ng maliliit na mangingisda, ang pagtaas ng presyo ng langis ay direktang tumatama nang husto sa produksyon ng pangingisda. 

 

Ayon kay Bobby Roldan, PAMALAKAYA Vice Chair ng Luzon sa isang pahayag, ang mga araw na ginugugol ng mga mangingisda sa dagat ay mababawasan mula sa karaniwang apat hanggang limang araw tungong tatlong araw na lamang ng isang fishing trip sa isang linggo. Nangangahulugan ito ng karagdagang pagbabawas sa kanilang maliit na kita at karagdagang mga araw ng kagutuman. 

 

Mga panawagan

 

Ikinukulong ng gobyerno ang pagtaas ng presyo ng langis sa kadalasang rason na dulot ito ng taas-presyo sa pandaigdigang merkado. Matagal nang naglalatag ng pangmatagalan at kagyat na solusyon ang iba’t ibang mga sektor ngunit kinukunsinti ng gobyerno ang mga korporasyong labis maningil sa mga konsyumer. Patunay lamang ang pakikipagsabwatan na ito para sa kani-kanilang mga interes. 

 

Ipinanawagan ni Labog ang pagpataw ng “price freeze” sa presyo ng langis at produktong petrolyo lalo ngayong may pandemiya pa, gayundin, ang tuluyang pagbabasura sa Oil Deregulation Law.

 

“Dapat mag-isyu ng executive order. Kayang gawin yan ng Malacañang na itigil muna o magkaroon ng moratorium dito sa pagtataas ng presyo ng langis at produktong petrolyo dahil talaga namang wala na halos pambili sa pagkain,” wika ni Labog.

 

Bagaman may mga panawagan ang ibang grupo ng tsuper na taasan ang minimum na pamasahe, magiging pasanin naman ito para sa mga komyuter, na sa kabilang banda, kaya naman talagang kontrolin ng pamahalaan.

 

“Ito ay isang paglihis doon sa central issue na ang dahilan ng kagutuman at kakulangan (sa panggastos) ay tuloy-tuloy na pagtaas ng langis. And therefore, ‘yon dapat ang central issue, ang pagbaba sa presyo ng langis at produktong petrolyo,” wika ni Labog.

 

Dagdag ng Ibon, makatutulong din sa mga konsyumer ang pagsuspinde sa ipinapataw na oil excise taxes sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law. /Ulat nila Eriell Estrada at Gia Boragay