Husgahan Natin

Pagmamay-ari ng mga dayuhan sa serbisyong pampubliko

January 10, 2022

Sinasabi sa ating Saligang Batas na dapat bumuo ang Estado ng isang pambansang ekonomiya na nakakatayo sa sarili at malaya sa ilalim ng epektibong kontrol ng mga mamanayang Pilipino.

Malapit nang maaprubahan ang panukalang batas na magbibigay sa mga dayuhan ng karapatang lubos na maging may-ari at mamahala ng mga susing industriya dito sa ating bansa.

Noong Disyembre 15, 2021 inaprubahan ng Senado sa third and final reading ang Senate Bill No. 2094. Ito ay naglalayong amyendahan ang Commonwealth Act No. 146 o Public Service Act na nagbibigay ng limitasyon sa pagmamay-ari ng mga dayuhan sa negosyo at industriya dito sa ating bansa.

Ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ay may sariling bersyon ng panukalang batas na inaprubahan nito noon pang Marso 2020.

Kailangan lang magpatawag ng bicameral conference committee ang dalawang kapulungan ng Kongreso upang mapag-isa ang mga magkaiba nilang bersyon sa panukalang batas na ito bago ito maipasa sa Malacanang para sa lagda ni Pang. Rodrigo Duterte.
Ano nga pala ang nilalaman ng panukalang batas na ito?

Ang Senate Bill No. 2094 ay magbibigay ng kaluwagan sa pagnenegosyo ng mga dayuhang negosyante dito sa Pilipinas.

Ayon sa panukalang batas na ito, ang mga banyaga o dayuhan ay bibigyan ng karapatan maging ganap na may-ari (100 porsiyento) at patakbuhin ang mga kompanyang pang-serbisyo publiko tulad ng eroplano, barko, riles, subways at telcos dito sa ating bansa.

Pero teka muna. Hindi ba lumalabag sa Saligang Batas ng Pilipinas ang panukalang batas na ito?

Sinasabi kasi sa Seksyon 12, Artikulo 11 ng ating Saligang Batas na dapat bumuo ang Estado ng isang pambansang ekonomiya na nakakatayo sa sarili at malaya sa ilalim ng epektibong kontrol ng mga mamamayang Pilipino.

Batay sa Artikulo 12 ng Saligang Batas, ang mga korporasyon lang na 60% o higit pa ay pag-aari ng mga mamamayang Pilipino ang maaring mabigyan ng prankisa o pahintulot para sa sa pagpalakad ng public utilities.

Kaya lumalabas na lumalabag sa 1987 Konstitusyon ang panukalang batas na ito. Pero nagawan daw nila ng paraan para hindi bumangga sa probisyon ng ating Saligang Batas ang Senate Bill No. 2094, paliwanag ng mga senador.

Ang binabanggit kasi ng ating Saligang Batas na limitasyon sa pagkuha ng prangkisa ay para lang sa public utilities o kagamitang pambayan. Ngunit ayon sa mga gumawa ng panukalang batas na ito, hindi mga public utilities ang sinasaklaw ng Senate Bill No. 2094.

Ang sakop ng panukalang batas na ito ay ang mga public services lang at hindi ang mga negosyong maituturing na public utilities.

Sinasabi ng Senate Bill No. 2904 na ang isang negosyo ay maituturing na public utility kung ito halimbawa ay tungkol sa pamamahagi ng elektrisidad at mga produktong petrolyo, water pipelines distribution system, o sa mga negosyo tungkol sa eroplano, barko, riles, subways at telecommunications.

Dahil ang sinasaklaw na mga negosyo ng panukalang batas na ito ay yung mga negosyong hindi maituturing na public utilities, malinaw na hindi lumalabag sa Saligang Batas ang Senate Bill No. 2904 at hindi ito sakop ng limitasyon tungkol sa foreign ownership.

Ito marahil ang dahilan kung bakit halos lahat ng mga senador ang bumuto ng pabor sa nasabing Senate Bill at tatlong senador lang ang hindi.

Ayon kay Sen. Grace Poe na siyang nag-sponsor sa panukalang bill na ito, malaki ang maitutulong ng Senate Bill No. 2904 sa mga konsyumer na Pilipino sapagkat ang pagliliberalisa ng public service ay makapagbibigay sa kanila ng mas malawak na pagpipilian.

Ginagawa raw ng panukalang batas na ito na maging mas competitive ang mga Pilipino sa mundo nang sa ganun ay hindi na tayo mapag-iwanan pa. Isipin natin na halos lahat ng katabi nating bansa sa Southeast Asia ay nakapagtanggal na ng mga paghihigpit pagdating sa mga banyagang puhunan upang makapagdala ng mas maraming trabaho at kita sa kanilang pamahalaan, sabi pa ng Sen. Poe.

Sa bahagi naman ni Pangulong Duterte, naglabas ang MalacaƱang ng certification na kailangang aprubahan na ang nasabing bill ng Kongreso. Kailangan daw ito upang makabawi ng bansa sa pandemyang dulot ng Covid-19. Mabilis namang tumalima ang Senado sa kahilingang ito ng MalacaƱang.

Ngunit tulad ng nasabi kanina, hindi lahat ng senador ay umayon sa SB 2904.Isa sa mga hindi umayon sa panukalang batas ay si Sen. Risa Hontiveros.

Ayon kay Sen. Hontiveros, masama ang epekto ng panukalang batas na ito sa seguridad ng bansa. Bubuksan ng batas na ito ang ating mga industriya katulad ng telcos, telepono, at anumang internet-connected device sa mga dayuhan at wala tayong sapat na depensa upang labanan ang posibleng pang-eespiya (espionage) nila sa ating bansa, paliwanag niya.

Tutol din sa panukalang batas na ito ang University of the Philippines Diliman Student Council. Ayon sa kanila, sa ilalim ng Senate Bill No. 2904 ay bubuksan ang ating industriya sa telecommunication at transportation sa mga banyagang bansa.

Anila, sa pamamagitan nito ay pinapayagan natin ang mga bansang ito na kontrolin ang mga serbisyong mahalaga para sa pagpapatakbo ng ating ekonomiya at lipunan, lalo na sa panahon ng pambansang kagipitan.

Oo nga naman. Sa kabila ng malawakang pagsang-ayon sa Senate Bill na ito, mukhang may matibay na batayan din ang mga tumututol dito.

Mukhang lalo tayong itatali ng panukalang batas na ito sa mga neoliberal na patakaran na siyang naging sanhi ng malawakang kahirapan ng ating bansa.

Ano tingin ninyo, mga mahal kong mambabasa?


Featured image: Senate file photo.
Avatar

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.