Abusong dulot ng militarisasyon
Sa isang press conference noong Enero 21, binalita ng pamilya ng menor de edad mula Quezon Province na nagsampa sila ng kaso ng pang-aabuso sa miyembro ng CAFGU at mga militar.
“Sapat na ang pananahimik natin. Panahon na para tumindig tayo at singilin ang hustisya. Di lang tayo ang nakaranas ng ganito. Panahon na para singilin sila sa mga pambababoy na ginagawa nila sa atin.”
Ito ang mensahe ng isang menor de edad mula sa probinsya ng Quezon na biktima ng kidnapping, tortyur, interogasyon at panggagahasa.
Ayon kay Belle, hindi niya tunay na pangalan, isinakay siya sa isang puting van noong Hulyo 20, 2020 ng mga sundalo mula sa 59th Infantry Battalion. Katatapos lang sana niya bumili sa tindahan, pero bunga ng pagkakadakip, ikinulong siya mula Hulyo 27 hanggang Agosto 13, 2020.
Sa isang press conference nitong Enero 21, dumulog si Belle at ang kanyang ina na si Ofel sa iba’t ibang organisasyong pangkababaihan at grupong nagsusulong ng karapatang pantao. Nagsalita siya laban sa mga abusong naranasan niya at ng kanyang pamilya sa kamay ng militar sa mga nagdaang taon. Pilit umanong pinapaamin bilang rebelde ang pamilya nilang mga magsasaka.
Nagsampa sina Belle ng kasong kidnapping, serious illegal detention with rape, violence against women and children, at child abuse laban kay Leoven Julita, miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit na paulit-ulit na gumahasa sa menor de edad.
Kinasuhan naman ng tortyur ang dating Southern Luzon Command (SOLCOM) Chief Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., 2nd Infantry Division Maj. Gen. Arnulfo Marcelo Burgos, Jr., 59th Infantry Battalion of Philippine Army (IBPA) commander Lt. Col. Edward Canlas, at iba pang miyembro ng militar.
Ang IBPA ay nasa ilalim ng pamumuno ng dating SOLCOM Chief at naging tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) na si Gen. Parlade Jr.
Miyembro si Ofel ng Coco Levy Fund Ibalik Sa Amin – Quezon, isang organisasyon ng mga manggagawang bukid na nasa bukohan. Matagal nang nakakaranas ang organisasyon ng matinding red-tagging at sapilitang pagpapasuko bilang rebelde, na bahagi ng e-CLIP Amnesty Program ng NTF-Elcac.
Kultura ng karahasan
Sa Pilipinas, isang babae o bata ang ginagahasa kada 53 minuto. Pito sa sampung biktima ng karahasang sekswal ay mga bata.
Ang mga kaso ng Violence Against Women ay tumaas sa 60.45 porsiyento mula sa 382 kaso noong 2015 hanggang sa 713 naman nitong 2016. Ayon sa grupong Gabriela, 9,943 kaso ng panggagahasa ang naiulat sa unang taon ng pamumuno ni Duterte.
Ayon naman sa datos ng Center for Women’s Resources, simula nang umupo si Duterte noong Hulyo 2016 hanggang sa kasalukuyang taon, hindi bababa sa 81 na pulis at sundalo ang sangkot sa 55 na mga kaso ng abuso laban sa kababaihan at kabataan, kasama na rito ang 33 kaso ng panggagahasa ng mga pulis at militar.
“Matindi ang violence against women and children. May lifelong effect ang mga ganitong tipo ng paglabag sa karapatan ng kababaihan at bata, lalo na kapag ang mga may sala ay “men in uniform” na dapat pumoprotekta sa mga sibilyan,” sabi ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.