FEATURED Pambansang Isyu

Ekonomiya umunlad?


Umunlad daw ang ekonomiya ng Pilipinas noong 2021, pero dumagdag ang Pilipinong nawalan ng trabaho noong Disyembre 2021 at ang 50 pinakamayaman sa bansa, lalo pang yumaman.

Nakapagtala ang Pilipinas ng kabuuang 5.6 porsiyentong pag-unlad ng ekonomiya para sa 2021. Mas mataas kaysa 5.5 porsiyento na target ng gobyerno. Nakikita rin ng mga ekonomista na mas tataas pa ito ngayong taon.  

Dahil dito, pumangalawa ang Pilipinas sa may pinakamabilis na pag-unlad sa buong Timog Silangang Asya, kasunod ng Singapore na may naitalang 7.2 porsiyento na pag-unlad noong 2021. 

“Bukas na bukas na ang pinto para sa pagbangon ng ating ekonomiya,” ani Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua.

Noong 2020, nang ipatupad ang lockdown dahil sa pandemya, naitala ang 9.6 porsiyento na pagbagsak ng ekonomiya. Ito ang pinakamatinding pagbulusok nito mula pa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ngayon, mistulang malaki ang iniunlad ng ekonomiya dahil nahila ito ng 7.7 porsiyento pagtaas ng Gross Domestic Product (GDP), o ang kabuuang halaga ng nalikhang serbisyo at produkto, ng bansa sa huling kwarto ng 2021. Muling sumigla ang pang-ekonomiyang aktibidad noong Oktubre-Disyembre 2021 dahil sa pagkonti ng nagpopositibo sa Covid-19 at pagluwag sa pagkilos ng mga mamamayan.

 “Malapit na malapit na tayo sa antas [ng ekonomiya] bago ang pandemya,” dagdag ni Chua.

Walang trabaho

Pero para sa Ibon Foundation, walang saysay ang pag-unlad na ito ng ekonomiya dahil hindi naman ito nakalikha ng sapat na trabaho at kita para sa mga ordinaryong Pilipino. 

Nangunguna ang Pilipinas sa buong Timog Silangang Asya sa antas ng kawalan ng trabaho. Pinakamalala ang 6.5 porsiyento na kawalang trabaho sa bansa Nobyembre 2021 kumpara sa 6.49 porsiyento ng Indonesia, 4.3 porsiyento ng Malaysia, 4 porsiyento ng Vietnam, 3.2 porsiyento ng Singapore, at 2.3 porsiyento ng Thailand.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority nitong Pebrero, lumalabas na naging 6.6 na porsiyento pa ang unemployment rate noong Disyembre, o 3.27 milyong Pilipino na walang trabaho. Mas mataas naman ang tunay na bilang nito sa tala ng Ibon na nasa mahigit 5.7 milyon.

Para sa Ibon, ang malawakang kawalan ng trabaho ay dulot ng sobrang pagsandig ng administrasyong Duterte sa mga lockdown bilang tugon sa pandemya.

Mahalaga ring banggitin, ayon sa Ibon, na sa 2021, mahigit 30.5 porsiyento ang inilaki ng yaman ng 50 pinakamayamang Pilipino.

Lumobo sa P330 bilyon mula P85.5-B ang kabuuang yaman ni Manny Villar, P285.7-B mula P166.2-B ang kay Enrique Razon, habang P35-B mula P10.7-B naman ang kay Dennis Uy.

Baon sa utang

Lumobo rin ang utang ng Pilipinas sa P11.72 trilyon noong 2021 ayon sa tala ng Bureau of the Treasury (BTr). Mas mataas ito ng halos P2-T kumpara sa naitalang utang noong katapusan ng 2020. Ito na ang pinakamataas sa utang ng bansa sa nakalipas na 15 taon.

Umabot naman sa 60.5 porsiyento ang debt-to-GDP ratio, o antas ng utang kumpara sa kinita ng bansa. Ibig sabihin, 60 porsiyento ng naitalang tumaas na GDP ay katumbas ng kabuuang utang. Lampas na ito sa pandaigdigang pamantayan na 60 porsiyento.

Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, kailangang umunlad ng mahigit 6 porsiyento kada taon ng ekonomiya ng bansa para maibaba ang antas ng utang sa 40 porsiyento.

Sa pagtaya ng BTr, maari pang umabot sa P13.4 trilyon ang utang ng bansa ngayong 2022.

Para kay Ibon Executive Director Sonny Africa, hindi magiging mahirap harapin ang problema sa utang kung gagamitin ng mahusay ang mga hiniram.

“Ang kakulangan at utang ay mga panggitna at pangmatagalang problema (medium- and long-term problems). Kayang pagaanin ang mga ito sa pamamagitan ng maikliang paggastos (short-term spending) ng gobyerno na makapagpapasigla sa pag-unlad at paglikha ng kita (revenue),” aniya.

Dagdag niya, maari ring magresulta ang muling pagbubukas ng ekonomiya sa tuluy-tuloy na pagbangon kung makakalikha ng maraming disenteng trabaho, maitataas ang kita ng mamamayan, at mapapasigla ang pamilihan.

Gayunpaman, iginiit ni Africa na ang paglikha ng kita ay hindi dapat gaya ng ginagawa ng administrasyong Duterte na pagpapasa ng mga batas na nagpapataw ng mas malalaking buwis sa mamamayan gaya ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) at Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE).

Dapat umanong baguhin ang oryentasyon ng sistema ng pagbubuwis mula sa pagpataw nito bilang dagdag pabigat sa mahihirap at middle-class na mga Pilipino, na maliit na nga ang kinikita lalo na dahil sa pandemya.

Mungkahi ng Ibon, dapat kunin ang dagdag na buwis mula sa yaman ng pinakamayayamang bilyonaryong Pilipino at sa kita ng pinakamalalaking korporasyon.

“Hindi makatuwiran ang hindi pagkuha mula sa yaman, at pagbibigay pa ng tax break, sa mga malalaking korporasyon sa panahong kailangang kailangan ng bansa ng pampublikong paggastos at pamumuhunan,” ani Africa.


Featured image – File photo (2020) ni Neil Ambion