FEATURED

Ang Kasaysayan ay Hindi Tsismis


Tsismis lang nga ba ang kasaysayan? Hiningi namin ang pananaw ng mga akademiko at historyador para sagutin ito.

Ang Kasaysayan ay Hindi Tsismis

Naging mainit sa social media ang binitiwang pahayag ng artistang si Ella Cruz tungkol sa paghahalintulad ng kasaysayan sa tsismis. Ani ni Ella, “History is like Tsismis. It is filtered and dagdag na rin, so, hindi natin alam what is the real story…”  Pagpapatuloy pa niya, “Andoon na iyong idea, pero may mga bias talaga. As long as we’re here, alive at may kanya-kanyang opinion, I respect everyone’s opinion.”

Umani ng mga batikos ang pahayag niya mula sa mga netizens, maging sa mga tanyag na historian at akademiko gaya nina Ambeth Ocampo, Prof. Alvin Campomanes, at iba pa.

“History may have bias but it is based on fact, not opinion. Real History is about Truth, not lies, not fiction (Maaring may kinikilingan ang kasysayan, pero ito ay nakabatay sa katunayan, hindi opinyon. Ang tunay na kasaysayan ay hinggil sa katotoohanan, hindi kasinungalingan, hindi likhang-isip…),” reaksyon ni Ocampo.

Ayon naman kay Prof. Alvin Campomanes, “Hindi maihahalintulad sa tsismis ang history.” Sa kanyang Facebook post, nagsimula sya sa pagpapaliwanag sa depinisyon ng “History” o kasaysayan. Sa diksyunaryo, aniya, ito ay nangunguhulugang “a chronological study of past events” at matutunton ito pabalik sa Griyegong salita na “historie” na nangangahulugang “inquiry” (pagtatanong o pagsisiyasat). Aniya, ginagamit natin ang salitang “history” bilang pantukoy at tala sa mga pangyayari.

Dagdag pa nya, isa pang karaniwang depinisyon ng “history” ay “the human past reconstructed from written records”. “Mula sa mga nabanggit, masasabi natin na bilang larangan, ang history ay 1) nagsisiyasat tungkol sa nakaraan; 2) may pagpapahalaga sa panahon at pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari (kronolohikal); at 3) nakabatay sa mga ebidensyang nakasulat.”

“Samakatuwid, pinag-aaralan natin ang history/kasaysayan batay sa mga sanggunian o batis (sources). Maaari nating ikategorya ang mga batis na ito bilang nasusulat at di-nasusulat, primarya at sekundarya. Mula sa bagong kaalamang ibinunga ng masusing pananaliksik, naghahain ang historyador ng interpretasyon o argumento tungkol sa isang partikular na paksa. Sa madaling salita, maaaring tukuyin ang kasaysayan o history bilang bahagi ng nakaaraan na naiintindihan natin sa pamamagitan ng historikal na pananaliksik,” paliwanag ni Prof. Campomanes.

Marrin rin ang kanyang pagtutol sa pinahayag ni Cruz sapagkat may mga metodo o kaparaanang pangkasaysayan (historical method) na dinadaanan ang mga impormasyon. “Ang history o kasaysayan ay nakapaloob sa mga agham panlipunan (social sciences). Bagama’t may aspetong subhetibo, siyentipikong maituturing ang historikal na pananaliksik. Kabilang sa mga hakbang nito ang pagpili ng paksa, pangangalap ng mga batis, kritisismo ng mga batis, at sintesis… Krusyal rito ang maingat na koroborasyon ng datos. Panghuli, iniuulat ng historyador ang mga natuklasan niya sa mga libro, akademikong journal, website, at iba pa. Sumasailalim ang mga akdang ito sa masinsing pagpuna at pagtatasa ng mga kapwa nila iskolar.”

Sa kabilang banda, kinapanayam din namin ang isang batang historyador na si John Castro, o mas kilala sa TikTok bilang “The History Consultant.”  Aniya,  “Ayon sa transcribed interview ng librong ‘Talking History by Ambeth Ocampo,’ ang sinabi ni Teodoro Agoncillo (Filipino historian) ay ‘what history is not biased. Show me a historian who is not biased. History is never objective.’

Pero dagdag niya, “Ang pagiging bias na iyon ay dapat dumaan pa rin sa historical methodology. It is always subjective dahil qualitative research ito. Pero sa kasaysayan, bias ka dapat sa katotohanan, bias ka dapat sa bayan, bias ka dapat sa totoong nangyari sa nakaraan batay sa written and non-written evidences.”

Giit pa ni Castro, “History is NOT tsismis… Dumadaan ito sa mabusising research sa iba’t ibang libraries at hindi lang internet. Matindi ang disiplina ng kasaysayan, hindi ito madali… May tinatawag kami sa historical methodology na internal at external criticisms.”

Dagdag niyang paglilinaw, sa external criticism diumano ay pinag-aaralan ang dokumento kung ito at totoo o peke. Sa internal criticism naman ay sinusuri ng mananaliksik ang nilalaman at konteksto ng dokumento kung ito ay may katotohanan. Ibinahagi nya rin na upang mapatunayang totoo ang mga impormasyong nakalap, una, ay sinasaliksik ito sa mga aklatan, mga sumusuportang dokumento at testimonya na galing sa mga mapagkakatiwalaang mga institusyon at arkibo (archives). Inaalam din diumano kung ito ba ay galing sa primary o secondary sources at kung naaayon din ito o may “corroboration” sa iba pang sanggunian.

Nang tanungin ang ating mga nakapanayam kung ano sa tingin nila ang maaring naging pagkukulang kung bakit laganap ang disimpormasyon at mababang pagpapahalaga sa kasaysayan lalo na sa hanay ng mga kabataan;  ang sagot ni Castro,  “Unang pagkukulang ay ang pag-implement ng K-12 program.”

Ayon kay Castro, ang K-12 program ay lumilikha lamang ng mga empleyado at manggagawa at hindi nagbibigay ng sapat na pagpapahalaga sa sining at agham panlipunan. Dagdag nya, “Pangalawa ay ang pagpataw ng DepEd Order Nos. 20 approved by Former DepEd secretary Armin Luistro noong 2014 o ang pagtanggal ng Philippine History sa Junior High School at pagtanggal ng Heograpiya at Kasaysayan ng Pilipinas sa kolehiyo. Matindi ang kasalanan ng DepEd at CHED dito dahil sistema mismo ang dahilan kung bakit kulang ang kaalaman ng kabataan sa kasaysayan at natututo sa disimpormasyong kumakalat sa internet.”

Batay naman kay Prof. Campomanes, “Una, dapat paigtingin pa ang mga ugnayan at palitan ng kaalaman ng mga historyador at ng mga guro ng kasaysayan at araling panlipunan. Hindi lahat ng nagtuturo ng araling panlipunan ay talagang historyador o may sapat na pagsasanay sa larangan. Napakaraming mahahalagang pag-aaral ng mga iskolar na kung tutuusin, hindi naibababa sa nilalaman ng kurikulum ng ating sistema ng edukasyon. Pangalawa, mismong nilalaman ng kurikulum sa Kasaysayan at Araling Panlipunan. Kaisa ako ng mga historyador at gurong nagsusulong na maibalik ang Kasaysayan sa mataas na paaralan.”

“Pangatlo, kailangang palakasin ang literasiyang pang-impormasyon, lalo pa’t nahaharap tayo sa problema ng disimpormasyon at distorsyon ng kasaysayan. At ito’y hindi lang para sa mga mag-aaral, sapagkat maraming gurong ni hindi marunong mag-iba ng pekeng impormasyon sa hindi. Kung mismong guro, walang alam sa kasaysayan, o ni hindi marunong magsuri ng balita, papaano niya ito maituturo sa mga mag-aaral niya?” ibayong paglilinaw ni Prof. Campomanes.

Bakit nga ba mahalagang suriin at pag-aralan ang kasaysayan?

Paliwanag ni Prof. Campomanes, “May implikasyon sa totoong buhay ang pag-aaral ng kasaysayan. Halimbawa, sa pagpili natin ng mga mamumuno sa atin, na may kinalaman rin sa kalidad ng ating demokrasya. Bagama’t hindi literal na umuulit ang kasaysayan, makakakita tayo rito ng mga padron (pattern) na puwedeng gumabay sa atin sa pagdedesisyon sa mga usaping nakakaapekto sa buhay natin.”

Dagdag pa nya, “Kapag kritikal nating pinag-aaralan ang nakaraan, nakikita natin ang mga pagtatapos (breaks) at pagpapatuloy (continuities) sa mga kalakaran ng lipunan. Nakikita natin ang mga nagpapatuloy at natatanging realidad at suliranin ng mga lipunan.”

“Binibigyang saysay mo ang nakaraan kung pinag-aaralan mo ang kasaysayan. Malaking bagay ito para matuto na tayo sa pagkakamali ng mga tao sa nakaraan. Kapag maalam ka sa kasaysayan, hindi ka madaling mauto ng disimpormasyon at hindi ka pa nagiging promotor ng maling impormasyon. Ang pagsuri at pag-aral nito ay pag-imbestiga, validation of truth, critical thinking skills at reading comprehension. Natututo ka na, naprepreserve mo pa ang detalye ng nakaraan. May ambag ka rin sa pagpapanatili ng kasaysayan at kultura,”  pagtatapos ni Castro.