Ingles na pangunahing wika ng pagtuturo: Kailangan ba?


Nangungulelat ang Pilipinas sa Agham, Matematika at Reading Comprehension (Pag-unawa sa Pagbasa) batay sa resulta ng Program for International Student Assessment (PISA) ng Organization for Economic Co-operation and Development (OECD) noong 2018. Pero sa halip na tugunan ang mga kakulangan sa sistema ng edukasyon, ipinagpapatuloy pa rin ng pamahalaan ang oryentasyong kolonyal na hindi tumutugon […]

Nangungulelat ang Pilipinas sa Agham, Matematika at Reading Comprehension (Pag-unawa sa Pagbasa) batay sa resulta ng Program for International Student Assessment (PISA) ng Organization for Economic Co-operation and Development (OECD) noong 2018. Pero sa halip na tugunan ang mga kakulangan sa sistema ng edukasyon, ipinagpapatuloy pa rin ng pamahalaan ang oryentasyong kolonyal na hindi tumutugon sa mga aktwal na pangangailangan ng mga mag-aaral. 

Bago pa man ianunsyo ni Marcos Jr. sa kanyang SONA ang kanyang kagustuhan na pag-ibayuhin ang wikang Ingles bilang midyum sa mga paaralan at gawing “English-speaking people” diumano ang mga Pilipino; ay mahigit isang siglo na nating ginagamit ang Ingles na midyum ng pagtuturo. Subalit nananatili pa rin tayo sa klasipikasyong Third World at napag-uunahan pa tayo ng mga karatig na bansa sa Timog Silangang Asya. 

Ayon pa kay Marcos, “Foreign employers have always favored Filipino employees because of our command of the English language. This is an advantage that we must continue…” (“Mas gusto ng mga banyagang employer ang mga empleyadong Pilipino dahil sa ating husay sa paggamit ng wikang Ingles. Ito ay isang bentahe na dapat nating ipagpatuloy…”)   Sa pahayag pa lang na ito, makikita na nais lamang ipagpatuloy ni Marcos ang oryentasyong kolonyal ng edukasyon na pangunahing nagsisilbi sa interes ng mga dayuhan, sa halip na sa pangangailangan ng bansa para umunlad. 

Maraming bansa gaya ng Japan, China, South Korea, Russia, atbp.; ang hindi naman nagpakadalubhasa sa wikang Ingles pero nakapagtayo ng mga sariling industriya at may higit na mauunlad na mga ekonomiya. Sa ating bansa na atrasado at kalakhan ay agrikultural, napakalaking salik sa pag-unlad ang pagkakaroon ng tunay na repormang agraryo na, una, magtitiyak sa ating food stability o seguridad sa pagkain at, pangalawa, magiging tuntungan ng pambansang industriyalisasyon na lilikha ng maraming trabaho at mga produkto na tutugon sa mga pangangailangan ng bansa.  

Hiningian natin ng reaksyon ang ilang akademiko hinggil dito. Ayon kay Jonathan Geronimo, guro ng Filipino sa University of Sto. Tomas (UST) at isa sa mga convenor at founding member ng grupong Tanggol Wika, “Panibagong kataksilan at regresibong hakbang ang ganyang panukala…, imbes na sumulong sa tinatanaw na diwa ng ating Konstitusyon sa Artikulo 14, Seksyon 6-7 na opsyon lamang ang Ingles sa mga wikang opisyal at panturo, at puspusang itaguyod ang mga hakbang para ganap na gamitin ang Filipino sa lahat ng larangan.”  

“Gayundin, may umiiral na Mother Tongue-Based Multilingual Education sa kasalukuyan na kailangang palakasin, lalo’t dominanteng Ingles pa rin ang pinipili lalo sa mga pribadong paaralan… Sa pagrebyu ng Kto12, isa sa dapat tiyakin ay ang pagpapalakas sa nilalaman at adyenda ng  kurikulum na dapat magsilbi sa pangangailangan ng bayan. Mahalagang bahagi sa adhikaing ito ang wikang Filipino na integral sa pagtuturo sa kasaysayan sa JHS (Junior High School), pagdaragdag ng asignaturang Filipino at panitikan sa kolehiyo, at mga kursong magbibigay-diin sa ating pagkamamamayan na kaiba sa militaristikong balangkas ng bulag na pagsunod gaya ng  ROTC (Reserved Officer Training Course),” dagdag ni Geronimo. 

Ayon naman kay Prop. Ramon Guillermo, Direktor ng Center for International Studies sa UP Diliman, noong nag-eksperimento ang bansang Malaysia na gamitin ang Ingles bilang wikang panturo sa loob ng anim na taon (2003-2008) para sa siyensya at matematika mula sa dating paggamit ng Bahasa Malaysia, naging signipikante ang pagbaba ng grado ng mga mag-aaral sa mga sabjek na ito. Paliwanag nya, “Ito’y sapagkat hindi madaling maunawaan ng mga mag-aaral ang Ingles at hindi rin sapat ang katatasan ng mga guro sa pagi-Ingles. Ito ang tapat at obhetibo nilang pagsusuri sa sitwasyon. Kaya ibinalik nila agad ang Bahasa Malaysia bilang wikang panturo hanggang sa ngayon sa siyensya at matematika.” 

Dagdag pa ni Prop. Guillermo, “Sa kabila ng lahat ng ebidensya kontra rito, patuloy naman na nagmamatigas ang Pilipinas sa paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo. Ano ang mga resulta sa internasyonal na pagsusulit ng PISA (2019)? Matematika: Malaysia (pang-47), Pilipinas (77 [kulelat, nadadaig lang ang Dominican Republic]). Siyensya: Malaysia (pang-48), Pilipinas (77 [kulelat muli, nadadaig lang ang Dominican Republic]). Nasa marangal na panggitnang ranggo ang Malaysia na may malaking pag-asang makaakyat pa, samantalang laging kulelat ang Pilipinas.” 

Ani Guillermo, “Ito ang pagkakaiba ng siyentipiko at pragmatikong polisiyang pang-edukasyon kumpara sa baliw at kolonyal na polisiyang pang-edukasyon ng Pilipinas na tila lalo pang papalalain ni BBM.”

Tinanong natin si Geronimo na isang guro hinggil sa kanyang obserbasyon sa pagkatuto ng kanyang mga estudyante gamit ang wikang Ingles. Batay sa kanya, “Sa personal na obserbasyon, walang masyadong motibasyon, may alinlangan at mababaw ang talakayan kapag sa wikang Ingles nagpapahayag ang mga estudyante. Nalilimitahan din silang magkonsepto at bumuo ng kanilang mga ideyang likas at malapit sa kanilang karanasan. Maging sa mga kaibigan nating guro sa mga siyentipikong larangan gaya ng Math at Science, madali raw natututo ang mga mag-aaral kung napapasimple ang mga komplikadong konsepto sa wikang sarili.”

Ayon pa kay Geronimo, may tendensiya pa na maging tiwalag o elitista ang mag-aaral sa kanilang pang-araw-araw na reyalidad at may epekto ito sa pakikitungo nila sa labas ng paaralan.

“Maraming pananaliksik na ang makapagpapatunay sa bisa ng Filipino at mga wika sa Pilipinas para mabilis at kritikal na matuto ang mga estudyante ng mga konsepto, ideya, at kaalaman sa iba’t ibang disiplina. Mapapataas din ang cultural literacyat pagiging malay sa mga pambansang isyu at karanasan kung sa wikang sarili nagtatalakayan. Nga lamang, nanatiling Ingles ang default language ng maraming asignatura at estandardisadong pagsusulit sa bansa na salik kung bakit bumabagsak tayo kumpara sa mga karatig-bansang Asyano at maging sa Europa na ang kalakhan ng mga pagsusulit ay nasa sarili nilang wika,”  pagtatapos ni Geronimo.

Subalit hindi naman natin pinagbabangga ang wikang Filipino at wikang Ingles.  Kung maaari nga ay matuto tayo ng mas maraming wika na makakatulong sa pakikipag-ugnayan natin sa iba’t ibang bansa habang pinapahalagahan natin ang sariling wika. Ang pangunahing isyu ay ang oryentasyon ng sistema ng ating edukasyon na, bukod sa mahal, ay layon lamang magluwal ng mura at sunud-sunurang lakas-paggawa na nagsisilbi sa pangangailangan ng mga dayuhan at mga dambuhalang korporasyon.

Dapat munang kagyat na matugunan ng pamahalaan ang malulubhang problemang kinakaharap ng ating mga kabataang estudyante. Dahil sa pandemya, lumubha ang kawalan ng trabaho, lalo na sa hanay ng class C, D at E, na nagresulta ng krisis pinansyal at pagtaas ng bilang ng mga drop-out na estudyante. Ayon sa tala ng DepED noong 2021, halos apat na milyong (4M) mag-aaral ang hindi nakapag-enrol noong nakaraang taon. Nasa datos din ng Philippine Statistics Authority (PSA) na siyam na porsyento (9%) o 3.53 milyong kabataan na nasa edad 6-24 taong gulang ang kabilang sa Out of School Youth (OSY). Pangunahing dahilan dito ay ang kahirapan at ang komersyalisadong oryentasyon ng ating edukasyon. Higit na lalala ito ngayong panahon ng matinding inflationkung saan nagsisitaasan ang lahat ng presyo ng mga bilihin habang nakapako sa mababa ang sahod ng mga magulang ng mga estudyante. 

Sa mga nagpapatuloy ngayon sa pag-aaral, isang suliranin ang pagkakaroon ng mga gadyet at mabilis na internet connection para sa online education. Hindi lahat ay may kakayanang pinansyal para rito. Para sa mga susuong sa napipintong face-to-face class, marami ang nangangamba sa kanilang kaligtasan dahil nandiyan pa rin ang pandemyang Covid-19 at nadagdagan pa ngayon ng banta ng Monkeypox virus. Marami rin sa mga mag-aaral ang dumadanas ng suliranin sa kalusugan at malnutrisyon dulot ng kahirapan. Lubhang mahirap matuto habang ang sikmura ay kumakalam. 

Higit pa itong pinalalala ng pagtapyas sa badyet ng pampubikong edukasyon. Ayon sa PISA, tinatantyang mga sampung porsyento (10%) lamang ng OECD average ang nilalaan ng pamahalan kada mag-aaral. Noong 2020, ang badyet sa edukasyon ay 13.5% lamang ng kabuuang badyet ng gobyerno. Malaki ang ibinaba nito kumpara sa 17% nong 2017. Habang sa mga bansang Thailand, Malaysia at Vietnam, mahigit sa 20% ang inilalaan nilang badyet para sa edukasyon. 

Kung kaya sa halip na magpanukala ng mga walang kwentang patakaran gaya ng pagpapatibay sa wikang Ingles bilang pangunahing moda ng instruksyon, marapat ay unahin muna ng pamahalaan ang paglalaan ng naaangkop na badyet para sa edukasyon at kaalinsabay nito ay ang pagtugon sa mga isyu ng kahirapan at kalusugan ng bansa. 

Imbes na bigyang-halaga ni Marcos Jr. ang kung anong paborable sa mga banyagang employer, dapat niyang siguraduhin muna ang pangangailangan ng bansa at ang katatagan ng ating ekonomiya. Sa halip na itulak niya ang ating mga bagong gradweyt na mangibang-bansa at magtrabaho sa mga dayuhang korporasyon, mas mainam sana na tiyakin niya muna na may trabaho dito para sa kanila. 

Kinakailangan ring bigyang-diin sa mga kurikulum ang mga asignatura na maghuhubog sa diwang makabayan at kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral. Gayundin, dapat ding pagtuunan ng pagpapahalaga ang mga asignaturang siyensya at matematika na mahalaga sa paghubog ng siyentipikong pag-iisip para sa pagpapaunlad ng ating agrikultura at sariling mga industriya.

Ang mas kailangan natin sa kasalukuyan ay ang pagbabago sa oryentasyon ng edukasyon mula sa pagiging komersyalisado, mapanupil at kolonyal patungo sa isang sistema ng edukasyon na makamasa, siyentipiko at makabayan.