Korupsiyon sa DepEd, nalantad


Kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA) ang paggamit ng Department of Education (DepEd) sa nakalaang P2.4 bilyong pondo sa pagbili ng mga mahal ngunit luma at mababang-kalidad na laptop noong 2021.

Korupsiyon sa DepEd, nalantad
Korupsiyon sa DepEd, nalantad
Larawan mula sa Twitter account ng Kagawaran sa Edukasyon, @DepEd_PH

Kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA) ang paggamit ng Department of Education (DepEd) sa nakalaang P2.4 bilyong pondo sa pagbili ng mga mahal ngunit luma at mababang-kalidad na laptop noong 2021.

Bigat sa pakiramdam at pagkadismaya naman ang naramdaman ng mga guro sa pagbili ng gobyerno ng mga mababang kalidad na laptop sa malaking halaga na ipinamahagi pero hindi naman maayos na magamit sa pagtuturo.

“Masakit sa dibdib namin ito kasi we’ve been calling the provision for laptop computers for teachers since the onset of pandemic kasi ito yung gamit para sa pagtuturo,” sabi ni Raymond Basilio, pangkalahatang-kalihim ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa panayam ng programang Agenda ng One News.

Aniya, maraming mga guro ang hindi na nabigyan ng yunit dahil sa taas ng halaga sa pagbili nito. Kung nakatanggap man, hindi naman ito magamit sa dami ng kanilang gawain tulad ng paggawa ng mga video, pagpapadaloy ng online classes, at paglikha ng mga materyal sa pagtuturo.

“Hindi nila ito nagamit kasi nga daw as they open applications nagha-hang lang ito,” sabi ni Basilio.

Dagdag niya, may mga guro pa ngang nangutang pa para lamang magkaroon ng laptop na de-kalidad at kayang tugunan ang napakarami nilang gawain. Pero, walang natanggap na reimbursement ang mga ito.

“Tapos maririnig natin yung isang napakalow-end na laptop computer ay nabili at the price ng isang Macbook computer. Talagang disappointing,” ani Basilio.

Sa ulat ng COA, nasa halos 29,000 ang mga gurong hindi na nabigyan ng laptop. Mula sa dapat 69,000, nabawasan ang bilang ng mga gurong nabigyan ng laptop dahil sa pinal na presyong napagkasunduan mula sa orihinal na request ng DepEd na P35,000 kada yunit patungong P58,300 na inirekomendang presyo ng Procurement Service of Department of Budget and Management. Katuwang ng DepEd ang PS-DBM sa proyektong ito.

P58,300 ang presyong ibinigay ng supplier na VSTECS Philippines, Inc. Hindi matiyak ng COA ang basehan sa pagkuha ng PS-DBM sa halagang binanggit ng supplier na ito.

Tugon ng DepEd, PS-DBM daw ang makasasagot sa labis na paggastos para sa mga mababang kalidad na yunit. Ngunit, ayon sa COA, ito ay napagkasunduan ng parehong ahensya.

Ipinunto rin ng COA na may transaksiyon naman ang PS-DBM sa  mid-range level laptop na mas mura at may mas mataas na kalidad na halagang nasa P45,000, noong Mayo 2021. Ayon sa kanilang pagsusuri, may parehong modelo ng laptop ang mabibili na nagkakahalaga lamang ng P22,000 hanggang P25,000 kada yunit.

Ayon sa GizGuide Ph, website na nagsasagawa ng rebyu sa mga gadget at teknolohiya, ang P58,000 halaga ay maaari nang makabili ng mga laptop na may mas mahabang battery-life, mas malaking memorya o kapasidad, at mas mataas na ispesipikasyon na kayang magamit sa iba’t ibang gawain – pang-administratibo man o kahit panglaro.

Tinawag naman ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na “Pharmally” ng DepEd ang transaksiyon. Matatandaan kasing maanomalya rin ang mga multi-bilyong kontratang iginawad ng PS-DBM at  Department of Health sa kabubuo pa lamang at walang sapat na kapital para humawak ng malaking proyektong Pharmally Phramaceuticals, Inc noong 2021. 

Anila, nararapat lang na imbestigahan din ng Senate Blue Ribbon Committee ang transaksiyong ito ng PS-DBM at DepEd katulad ng sa Pharmally na umabot sa limang buwang imbestigasyon. Naghain na rin ng House Bill Resolution 189 ang ACT Teachers Partylist para imbestigahan ang maanomalyang transaksiyon.
“Habang binabarat ang lugmok sa trabahong mga guro ay ganito pa ang ginagawa sa pondong dapat na sana ay sila ang nakikinabang. Marapat talaga na maimbestigahan ang anomalyang ito,” sabi ni ACT  Representative France Castro.