FEATURED

2023 Budget: Barat sa Mahihirap, Sagana sa Negosyo at Korap


Sa panukalang badyet ng bagong administrasyon para sa 2023, hindi bayan ang babangon muli kundi ang mga Marcos, kanilang mga kurakot, at malalaking negosyante.

2023 Budget: Barat sa Mahihirap, Sagana sa Negosyo at Korap

Taliwas sa islogang “Bayan Babangon Muli,” sinasalamin ng unang panukalang badyet ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang patakaran ng pagbarat at panunupil sa mga mahihirap, kahit sa panahong hikahos ang mas maraming pamilyang Pilipino. Samantala, pinalobo ang alokasyon para sa pambayad-utang at sa pakinabang ng iilan. 

Sa kabuuang P5.268 trilyong 2023 National Budget, halos ?, o P1.6 trilyon            ay nakalaan para sa bayad-utang at P1.196 trilyon para sa “Build Better More” na bagong pakete sa palpak na programang pang-imprastraktura ni Duterte. Sa kabilang banda, mumo ang inilaan sa cash assistance programs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE)

Ginipit na ayuda 

Walang alokasyon sa Social Amelioration Program (SAP) o ayuda sa susunod na taon. Kinaltasan pa ang iilang programang pantulong sa mahihirap at walang trabaho, gayong nadagdagan ng 2.3 milyon ang bilang ng mahihirap at nasa halos 3 milyon naman ang dagdag sa mga Pilipinong walang kabuhayan. 

Kinalahati ang pondo sa Protective Services Program for Families in Difficult Circumstance (o dating AICS) ng DSWD patungong P19.89 bilyon, kaya mababawasan ng 1.5 milyong mahihirap ang makakabenepisyo mula rito. Nakapaloob sa programa ang medical, burial at educational assistance ng DSWD. Binawasan din ang cash grant ng DOLE para sa mga nawalan ng trabaho, mula P490 milyon patungong P320 milyon sa susunod na taon. 

Wala ring maasahang libreng sakay sa 2023 dahil bokya ang pondo para sa service contracting ng Department of Transportation (DOTr) para rito. May P3.5 bilyong pondo para sa fuel subsidy sa ilalim ng DOTr at Department of Agriculture, subalit napakalimitado ng masasaklaw nito. 

Bagama’t may bagong tayong Department of Migrant Workers (DMW), kapos na kapos pa rin ang alokasyon para sa tulong at serbisyo sa migranteng Pilipino. Kinaltasan pa nga ang pondo para sa Emergency Repatriation Program, mula P11.46 bilyon patungong P10.04 bilyon. 

Pati Philippine General Hospital (PGH),na takbuhan ng ating mga kababayan, babawasan ng P893 milyong pondo sa susunod na taon. Mas mababa rin ng P881.1 milyon ang subsidyo ng gobyerno sa mga tinatawag na Government Owned and Controlled Corporation (GOCC) hospital gaya ng Philippine Heart Center

Pinalaking pondo sa panunupil

Tikom man ang bibig ni Marcos hinggil sa pagpondo sa kapulisan at militar. Klaro sa 2023 badyet ang pagbuhos ng pondo sa mga programa at aktibidad ng security cluster ng gobyerno na magdudulot ng mas matinding panunupil sa mamamayan. 

May karagdagang P801 milyon ang badyet ng Philippine National Police sa 2023 (kabuuang P191.5 bilyon). Bahagi ng pondo ang pagpuno sa mahigit 13,200 na unfilled positions sa hanay ng kapulisan (P4.98 bilyon). May programang “End Local Communist Armed Conflict” din ang PNP na P1.084 bilyon – 161% na mas malaki sa alokasyon nito ngayong taon. 

Pinalaki ng 77.8% ang alokasyon sa Barangay Development Program (BDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa susunod na taon patungong P10 bilyon. Tinatawag itong “General’s Pork” na ginagamit sa red-tagging at panuhol ng militar sa mga barangay. 

May karagdagang P19.39 bilyon ang kabuuang badyet ng mga ahensya sa ilalim ng Department of National Defense (P240 bilyon). Tampok rito ang paglobo ng pondo para sa Revised Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization program sa ilalim ng AFP General headquarters – mula P29 bilyon patungong P40 bilyon. Tiyak na lulustayin ang pondong ito pambili ng pinaglumaang mga kagamitang pandigma na maaring pagmulan ng kickback. 

Ganansya ng iilan

Mahigit 1/3 ng kabuuang 2023 badyet ay nakabuslo sa programang pang-imprastraktura, na napaka-bulnerable sa korupsiyon at pinakikinabangan ng mga malalaking kontraktor. Sa kabuuang P1.19 trillion para sa “Build Better More”, P429 bilyon ay para sa pagpapatayo ng samu’t saring kalsada, at P105 bilyon naman para sa big trilyonicket railway systems. 

Pinakatampok ang paglobo ng mahigit 1,000% ng pondo para sa Support for Infrastructure Projects and Social Programs (SIPSIP) patungong P136.5 bilyon – na nasa anyo ng lump sum unprogrammed appropriations. Mayroon ding P380.6 bilyon para sa Support to Foreign-Assisted Projects o counterpart ng gobyerno sa mga programang pautang ng World Bank at iba pang dayuhang pampinansiyang institusyon. 

Lumobo rin ang pondo para sa Growth Equity Fund mula P1.25 bilyon patungong P13.88 bilyon na lump sum fund. Pinauso ito ni dating pangulong Duterte gamit ang desentralisasyon at pagsuporta sa mga mahihirap na munisipalidad bilang katwiran. 

Sa pangkabuuan, hindi tinitiyak ng panukalang 2023 Budget ang pagbangon ng mamamayang Pilipino at ang paglutas sa napakasahol na problema sa disempleyo sa gitna ng walang ampat na taas-presyo. Tanging ang mga malalaking negosyante, dayuhang institusyong pampinansiya at mga kaalyadong pulitiko ni Marcos ang matutuwa sa panukalang badyet na ito.