Nasaan ang Kasagutan? “IT is Out There”
Hindi makasasapat ang internet activism kung walang kaakibat na aktibismong offline.
“IT is Out There.” Sa titulo ng aklat, pinaglaruan ng awtor ang salitang “IT.” Dalawa ang naging kahulugan nito. Ang “I.T.” bilang “information technology” at ang panghalip na “it.” Ano ang bagay na iyon na nariyan lang?
Nakilala ang awtor na si Raymond “Mong” Palatino bilang aktibista at dating kinatawan ng Kabataan Partylist. Nagsusulat din siya para sa iba’t ibang publikasyon sa loob at labas ng bansa.
Ilan sa nalathala niyang aklat ang “Mga Piling Tala ng Isang Blogger Mula Kalye Hanggang Kongreso” at ang “Blogging in the City and Spaces of Dissent in the Philippines.” Isinulat ang mga aklat ni Mong sa konteksto ng kanyang karanasan sa parliyamento at kilusang demokratiko, at bilang isang citizen media advocate.
Nais niyang ipakita sa IT is Out There ang malaking potensiyal ng larangang digital. Bilang bahagi ng international blogging community, namalas niya ang mga karanasan sa ibang bansa gaya ng “Egyptian Facebook Revolution,” mga protesta sa Brazil, Hong Kong, at iba pa. Sa Pilipinas, nailuwal din ang mga matagumpay na halimbawa ng birtuwal at aktuwal na aktibismo.
Umangkop ang mga Pilipino sa paggamit ng digital sa pampulitika at panlipunang pagbabago. Kabilang ang mga kabataang tech-savvy sa masusugid, epektibo at mapanlikhang mga kritiko sa bansa.
Makasaysayan ang naging papel ng Generation Txt sa pagpapatalsik kay dating pangulong Joseph “Erap” Estrada. Namayagpag naman ang TXT Power, isang digital rights watchdog, para sa pampulitika at pang-ekonomiyang mga kampanya. Naging mas madali ang paglaganap ng impormasyon at pagpapakilos dahil sa texting. Ginamit ang humor sa protesta — naging popular na ringtone ang “Hello Garci” noong panahon ni Gloria Arroyo.
Mas pinabilis ng internet ang paglaganap ng impormasyon. Epektibong nagamit sa adbokasiya ang blogging at nadagdagan pa ng ibang plataporma sa social media.
Makalipas ang ilang taon, nagbago ang pagtingin sa new media. Hindi na lang ito isang empowering platform. Banta na rin ito sa ating mga karapatan at kalayaan. Nariyan ang malaganap na disimpormasyon, paglabag sa privacy at ang batas laban sa cybercrime na nagagamit para supilin ang pagpapahayag. Kung paano nagagamit sa pagsusulong ng adbokasiya ang larangang digital, nagpapakadalubhasa din ang estado at mga naghaharing-uri sa pagkontrol dito.
Ipinakita sa aklat ang taktikang propaganda ng mga rehimen. Noong panahon ni Marcos Sr., ipinagkait ang impormasyon sa pamamagitan ng news block-outs. Ngayon, ang taktika ay lituhin tayo sa napakaraming impormasyon.
Binabaha tayo ng impormasyon sa internet — mga produkto, kontrobersiya, showbiz, away ng mga vloggers, memes, at mga balita. Nang magtrending ang Dolomite Beach noong 2020, hinala ng ilan na sinadya ito para mabaling ang atensyon natin palayo sa korupsiyon sa PhilHealth at kainutilan ng gobyerno sa pandemya.
Nakakalunod at nakakamanhid ang pagbaha ng impormasyon. Isang salik ito sa kawalan ng pagkilos sa mahahalagang pulitikal na laban. Bumibilis ang pag-scroll-up ng netizen at nawawalan din siya ng oras para suriin ang datos. Resulta nito, nagiging bulnerable siya sa disimpormasyon.
Kahit ang fact-checking ng ilang eksperto at may pribilehiyo sa impormasyon ay hindi na nakasasapat. Ayon sa awtor, hindi tama na ipaubaya lang sa iilan ang fact-checking. Hindi ito isang elitistang espesyalisasyon. Ang pagsusuri sa impormasyon ay may aspetong demokratiko, napapatunayan ng aktuwal na kalagayan ng masa, at may pagkilala sa konteksto.
Mahalaga ang konteksto para suriin ang mga motibo at kung sino ang nakikinabang sa paglaganap ng disimpormasyon. Kung sino ang mga makapangyarihan sa pulitika, sila rin ang kumokontrol sa impormasyon at mga rekurso para manipulahin ang katotohanan. Ang isang mananaliksik ay hindi lang dapat humihinto sa mga detalyeng ano, sino, saan, at kailan. Nagpapalalim din siya sa mga dahilan at interes ng mga sangkot.
Tingin ng awtor, bahagi dapat ng malawak na kilusan ang fact-checking kung saan ang pakikipaglaban para sa katotohanan ay naka-angkla sa pagsusulong ng tunay na kalayaan at demokrasya. Ang aktibismo ang magsisilbing gabay sa ating pagsusuri.
Hindi rin makasasapat ang internet activism kung walang aktibismong offline. Naging matagumpay ang mga kampanyang online dahil sa malalaking protesta sa kalsada. Halimbawa ang Million People’s March laban sa pork barrel noong 2013. Mula sa ingay sa Facebook, bumuhos ang mga tao sa Luneta at napilitan ang Malacañang na i-anunsyo ang pagbuwag sa sistemang pork barrel.
Halimbawa rin ang “Pink rallies” laban sa pagbalik ng mga Marcos sa Malacañang. Muling ipinakita ng mga dambuhalang bulto ang tagumpay ng birtuwal at tradisyunal na pampulitikang pagpapakilos sa kabila ng pandemya.
Nabanggit din ang underground revolutionary movement. Sa isang kabanata ng aklat, tinalakay ang presensya ng mga rebolusyonaryong artikulo online. Sa kabila ng pagsupil ng estado at atakeng militar, nagpapatuloy ang mga pahayagan ng Communist Party of the Philippines, gaya ng Rebolusyon at Ang Bayan.
Tinalakay ang kalagayan ng internet sa Pilipinas. Sa deskripsiyon ng awtor, “partly-free” ito. Bagamat ginagarantiya ng Konstitusyon ang kalayaan sa pamamahayag, nariyan ang batas sa Cybercrime, website blocking, at atake sa mga mamamahayag. Kamakailan lang ay isinabatas ang SIM Card Registration Act na banta sa seguridad at data privacy ng mamamayan.
Maituturing din na censorship ang kawalan ng akses sa internet ng malaking bahagi ng populasyon. Mabagal at di na nga maaasahan ang koneksiyon sa bansa, ipinagkakait pa sa nakararami na lumahok sa diskusro sa internet. Kung ang Pilipinas daw ang mala-pyudal at malakolonyal, ang tawag ng awtor sa ating bansa ay “semi-digital islands” dahil sa pagiging atrasado nito.
Ipinakita din ang itsura ng new normal bilang epekto ng pandemya. Apektado rin ang sistema ng edukasyon sa balangkas ng remote learning. Ayon sa awtor, kung mayroong “Pedagogy of the Oppressed” si Paulo Freire, mayroon naman ngayon na “Pedagogy of the Digitally Oppressed,”. Bukod sa malayong agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap, apektado ang pagkatuto sa pagitan ng konektado at hindi konektado.
Tinalakay din sa aklat ang koneksyon ng IT sa lakas-paggawa. Hindi napapansin ang kahalagahan ng mga manggagawa sa teknolohiya. Mas tinitingala ang mga bilyonaryong IT executive bilang mga icon ng digital revolution. Kailangang paunlarin ng imprastrakturang digital. Ngunit naisasawalang-bahala ang pag-unlad at kapakanan ng mga manggagawa sa likod nito.
Simple lang ang pangunahing thesis ng aklat: aktibismo ang sagot sa disimpormasyon. Ito rin ang gabay sa paggamit ng social media para sa kapakanan ng mamamayan.
Sa huli, hinahamon nito ang bagong henerasyon – panatilihing buhay ang paglaban at patuloy na saliksikin ang katotohanan. Hindi lamang ito makukuha sa internet, kundi sa aktuwal na pakikisalamuha sa mga komunidad at karanasan sa pakikibaka.
Ang katotohanan, sa gayon, ay nariyan lamang sa totoong mundo… IT is out there…
IT is Out There: Politics and Digital Resistance in the Philippines ay maaring mabili sa Popular Bookstore, 305 FLP Building, Tomas Morato Avenue, Quezon City.