Pambansang Isyu

Hindi lunas ang Cha-cha


Laging bukambibig ng mga nagdaang rehimen ang pag-amyenda sa Konstitusyon. Ngunit sa likod ng pagnanais na alisin ang mga probisyong pumuprotekta sa pambansang ekonomiya at patrimonya, nariyan ang mga puwersang nagnanais gamitin ang Cha-cha para matagal na makapaghari sa bayan.

Bongbong Marcos dancing

Saksi ang mamamayang Pilipino sa ilang ulit na pagtatangka na baguhin ang saligang batas ng bansa o charter change (Cha-cha). Nagpapahayag ang bawat administrasyong nagdaan na baguhin ang Konstitusyon, sa bahagi o kabuuan nito, bilang nag-iisang lunas sa matinding pagkabangkarote at atrasado ng ating ekonomiya.

Bagaman nabigo ang mga naunang administrasyon—mula kay Ramos, Estrada, Arroyo, Aquino at Duterte—na maisakatuparan ang tuluyang pagbabago sa konstitusyon, naghanap ng mapanlikhang paraan, tulad ng mga batas, ang mga rehimen upang unti-unting maibukas ang bansa at mga sektor sa ekonomiya sa dayuhang pamumuhunan.

Subalit nanatili pa din ang mga problema ng mamamayan sa mababang sahod, mataas na presyo ng bilihin at kawalan ng hanapbuhay.

Magkaibang tindig ng ehekutibo at lehislatura

Muling nabuhay ang Cha-cha sa administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. Sa ngayon, mayroong deklarasyon na hindi interesado dito ang presidente. Ngunit iba ang pagtingin ng kaniyang pinsan na si Speaker Martin Romualdez

Noong Pebrero 20, may 17 kasapi ng Kamara ang bumoto pabor sa naturang hakbang. Sa Senado, gumugulong na ang pagdinig sa pangunguna ni Sen. Robin Padilla.

Mayroong ultimong layunin ang lahat ng ito na higit pang ibukas ang bansa sa dayuhang pamumuhunan at alisin ang restriksyon sa dayuhang pag-aari sa lupa na nakasaad sa Saligang Batas ng 1987.

“We will see how we can make our constitution more open and less restrictive because we feel that that is the final piece of the puzzle to bring about a better economic environment, a more open one, to be more competitive,” ani Romualdez noong nasa pagbisita sa Japan.

Pagpapalawig ng termino

Upang lituhin ang publiko ginagamit ng pamahalaan, noon at ngayon, ang naratibo na ang Cha-cha ay para sa pag-unlad ng ekonomiya.

Lingid sa ating kaalaman na kakambal ng panukala na ito ang pagpapalit ng porma ng gobyerno—parlamentaryo o pederal—na tutungo sa term extension ng nakaupong pangulo at iba pang opisyal ng pamahalaan. 

Sa ilalim ng Saligang Batas ng 1987, isang terminong may anim na taon lamang maaaring maupo sa posisyon ang pangulo. Bunga ang probisyong ito ng karanasan ng bansa sa pamilya Marcos at upang maiwasan ang pag-usbong ng panibagong diktadura.

Nakasaad sa Konstitusyon na pantay ang kapangyarihan ng tatlong sangay ng pamahalaan—ang ehekutibo, lehislatura at hudikatura—upang matiyak na hindi kailanman magkakaroon ng konsentrasyon ng kapangyarihan sa iisang sangay ng pamahalaan at gamitin sa makasariling interes at makapaghari nang mahabang panahon.

Sang-ayon dito si Dante Gatmaytan ng University of the Philippines (UP) College of Law na nagmumula ang pagdududa ng mamamayan sa Cha-cha dahil sa naging karanasan ng bansa sa ilalim ng diktadurang Marcos.

“Our skepticism is rooted in the Marcos era where the dictator used constitutional change to duck term limits. Since that trust was betrayed, politicians have not earned our respect,” wika ni Gatmaytan.

Hindi nag-iisang lunas sa sakit ng bansa

Kumplikado ang problema ng bansa at hindi ito malulutas ng isang pagpapalit ng konstitusyon. Ito ang pagsusuri ng UP Department of Political Science

Sa kanilang pahayag na inilabas noong Enero 19, maaaring makamit ang reporma hindi lamang sa pamamagitan ng institutional amendments o overhaul. Maaari ito sa paggawa ng mga batas at policy intervention at sa pagbabalik-aral at pag-amyenda sa mga naunang mga batas.

“[Constitutional change] is not a panacea to remedy our socio-economic ills or the only means to accomplish our national desires and aspirations,” paliwang ng departamento.