Talasalitaan

Talasalitaan 0315 | Importasyon


Importasyon – produktong mula sa iba’t ibang bansa na ipinapasok sa Pilipinas. Ngunit nagdudulot lamang ng mabagal ng takbo ng ekonomiya ng bansa ang sobra-sobrang pagpasok ng mga produkto mula sa ibang bansa.

Importasyon – produktong mula sa iba’t ibang bansa na ipinapasok sa Pilipinas. Ngunit nagdudulot lamang ng mabagal ng takbo ng ekonomiya ng bansa ang sobra-sobrang pagpasok ng mga produkto mula sa ibang bansa.

Nakasandig ang ekonomiya ng Pilipinas sa pag-import ng mga yaring produkto at mga sangkap para sa baha-bahaging pagpoproseso ng kalakal. Tali sa leeg ng imperyalistang Amerika at iba pang dayuhang kumpanya ang gobyerno ng Pilipinas sa mga ‘di pantay na tratado sa ekonomya.

Nakapipinsala ang pag-aangkat ng mga produkto mula sa ibang bansa sa kabuhayan ng mga magsasakang Pilipino na napipilitang ibenta ang kanilang ani sa mga lokal na pribadong mangangalakal sa mababang presyo upang makipagkumpitensya sa mga inangkat. 

Ang sektor ng agrikultura na kinabibilangan ng mga negosyong may kinalaman sa pagkuha, pagproseso at pagsasapamilihan sa mga likas na yaman ng bansa ay lumubha ang pagbangkarote dahil sa pamiminsala ng patakarang neoliberal. 

Tambak ang mga imported na produktong agrikultura na pumapatay sa produkto ng mga magsasaka. Napakataas ng presyo ng mga kagamitang pang-agrikultura tulad ng binhi at pestedisyo habang binabarat naman ang mga produktong magsasaka.

Kamakailan, ipinagtanggol ni Ferdinand Marcos Jr  ang desisyon na mag-angkat ng sibuyas. Aniya, walang ibang magagawa ang pamahalaan dahil sa kakulangan umano ng suplay ng sibuyas na nagpapataas sa presyo nito.

Kasama rin sa inirikomenda ng Department of Agriculture (DA) at Sugar Regulatory Administration na mag-angkat ng hanggang 450,000 metriko tonelda ng asukal, kasunod ng tagubilin ni Marcos Jr.

Ayon kay Rafael Mariano, dating kalihim ng Department of Agrarian Reform na dapat
“protektahan ng gobyerno ang mga magsasaka mula sa mga walang prinsipyong mangangalakal at importer, na sa pamamagitan ng kanilang iligal na pag-angkat ng mga produktong agrikultural, lalo na ng bigas, ay malaki ang epekto sa produksyon, pagkakaroon ng suplay, at katatagan ng mga presyo, at seguridad sa pagkain ng bansa.”

Sa pahayag naman ni Cathy Estavillo, secretary general ng Amihan at tagapagsalita ng Bantay Bigas na “nakalulungkot na ang kalagayan ng mga magsasaka, at ngayon, ang walang tigil na pagpupuslit ng mga gulay tulad ng carrots, repolyo, at luya ay nagiging mas mahirap para sa ating mga magsasaka.”

Ipinahiwatig naman ni Zen Soriano, pambansang tagapagsalita ng watchdog na Bantay Bigas, na ang pag-aangkat ng bigas ay naglilimita sa produksyon ng bigas sa bansa at nagbabanta sa food security.

Gayunpaman, maaaring maiugnay ang lahat sa pagiging atrasado ng agrikultura ng Pilipinas at kawalan ng suporta mula sa gobyerno para sa isang tunay na programa sa repormang agraryo sa bansa.

93% naman ng asin ang inaangkat mula sa Australia at China. Nasaan ang tulong ng gobyerno? Bakit pa tayo umaangkat samantalang may sariling produksyon ang bansa ng asin?

Pinapaawat naman ng mga magsasaka mula sa Occidental Mindoro ang pag-angkat ng sibuyas. Nanawagan sila sa pamahalaan na itigil na ang pag-angkat ng sibuyas mula sa ibang bansa dahil magsisimula na ang pag-ani sa kanilang mga produkto

Walang saysay ang pagkakaroon ng malaking ani ng mga magsasaka kung magreresulta ito sa mababang presyo ng kanilang ani.

Bakit nga ba may kakulangan sa suplay ng bigas, asukal at agriculture product? Para sa isang naturingang agrikultural na bansa, ‘di ba nakapagtataka na hindi natin kayang lumikha ng sapat na pangangailangan ng bansa para sa mga mamamayang Pilipino?

Bakit hindi kayang punan ang pangangailangan para ng buong bansa? Dahil sa mahinang paggampan ng DA at walang malinaw na programa sa mga magsasaka si Marcos Jr. na siya rin ang kalihim ng DA.

Tumataas ang presyo ng pagkain na nagtutulak ng kagutuman at kahirapan ng bansa ngunit ang nagpupumilit na mag-angkat ng mag-angkat ang DA.

Kung susundin lang ng administrasyon Marcos Jr. na ang susi sa pagresolba sa talamak na krisis ng bansa at sa patuloy na pag-angkat sa mga pangangailangan ng bansa at pagkamit ng seguridad sa pagkain ay ang pagpapatupad ng isang tunay na repormang agraryo na kinabibilangan ng pagbibigay ng mga serbisyong pangsuporta.

Ang pagbibigay ng tamang atensyon sa sektor ng agrikultura, mahigpit na regulasyon ng gobyerno sa presyo sa merkado at pag-iwas sa liberalisasyon ng agrikultura ay magbibigay daan para sa mas malawak na lokal na produksyon at pagsasakatuparan ng sapat, ligtas at abot-kayang pangangailangan ng bansa.