Value-added tax at excise tax sa langis
Sa tumitinding pagtaas ng presyo ng langis, maraming grupo ang nagnanais na alisin ang value-added tax at excise tax sa langis kasabay ng pag basura sa Oil Deregulation Law.
Value-added tax at excise tax sa langis – Dalawang uri ng buwis na direktang nakaaapekto sa pinal na presyo ng mga produktong petrolyo gaya ng gasolina, diesel, kerosene at LPG.
Ang excise tax sa langis ay buwis na ipinapataw sa bawat litro o kilo ng produktong petrolyo sa ilalim ng Train Law. Nakadikit ang halaga sa dami ng produkto, halimbawa, nakatakda kada litro. Nagsisilbi ring green tax para sa mga gawaing may kinalaman sa paggamit o importasyon ng langis.
Ang value-added tax (VAT) sa langis naman ay 12% buwis na batay sa kabuuang halaga o presyo ng produktong petrolyo kasama na ang excise tax. Kumikilos ito tulad ng isang sales tax na ipinapataw habang umaabot ang produkto sa konsyumer. Tumataas ang nakokolektang VAT kapag tumaas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Sa tumitinding pagtaas ng presyo ng langis, maraming grupo ang nagnanais na alisin ang VAT at excise tax sa langis kasabay ng pag basura sa Oil Deregulation Law.
Sa isang banda ang grupong transportasyon na Piston ay itinuloy pa rin ang welga at mga protesta sa buong bansa. Nangyari ito sa kabila ng mga babala ng gobyerno tungkol sa mga parusa laban sa mga drayber at opereytor na sasali sa welga.
Sinabi ng Piston na ang pagtaas ng pamasahe at sahod sa Metro Manila ay hindi sapat upang matugunan ang mga alalahanin ng mga drayber at manggagawa.
Ang suspensiyon ng excise tax at VAT ay mas makatutulong sa mga drayber, lalo na’t pagkatapos ng 12 hanggang 16 na oras na pagtatrabaho, karaniwang P500 na lang ang naiuuwi ng mga drayber para sa kanilang pamilya ayon sa Piston.
Sa tantya ni Piston National president Mody Floranda mula noong mga pagtaas ng presyo noong 2023, tumaas na ng halos P36 ang presyo ng langis na nagresulta sa halos P1,100 na direktang bawas sa kinikita ng mga drayber.
“Kung titingnan po natin, sa loob ng 25 days na pamamasada, umaabot po ng P24,000 kada buwan ‘yong direktang nawawalang kita ng mga driver,” paliwanag ni Floranda.
Binigyang-diin niya na dapat nang alisin ang excise tax at VAT “para kahit papaano’y makaagapay ‘yong maliit na kita [ng mga drayber] sa pangangailangan ng kanilang pamilya.”
Panawagan pa ng mga grupo para sa mas mababang presyo ng gasolina, pag-alis ng excise taxe at VAT sa mga produktong petrolyo, i-rollback ang presyo ng diesel sa P55 kada litro, at pagpapawalang-bisa sa Oil Deregulation Law.
Nagpahayag naman ng suporta ang Bayan Muna sa transport strike ng Piston na nananawagan para sa pagbasura ng excise tax at VAT sa gasolina at diesel pati na rin ang regulasyon sa industriya ng langis.
Ayon pa sa Bayan Muna, hindi sapat ang pansamantalang ayuda o panandaling solusyon. Kailangan ng kongkretong hakbang para mapababa ang presyo ng langis, mapagaan ang pasanin ng mga komyuter at matiyak ang disenteng kabuhayan ng mga manggagawa at tsuper.
Nakiisa naman ang grupo ng Move It rider. Anila inutil ang gobyerno, paliit nang paliit ang nauuwing kita kada araw dahil sa tumataas na presyo ng langis. Wala rin umanong ginawa ang rehimeng Marcos Jr. para pagbutihin ang kalagayan ng mga manggagawa. Hinayaan pa nga ang mga platform company na samantalahin ang murang serbisyo kaya’t hindi apektado ang kanilang kita mula sa tubo kahit pa man sumisirit ang presyo ng langis.
Nanawagan naman ang mga kabataan at estudyante noong Set. 29 hanggang 30 upang sumama sa pambansang tigil-pasada laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis
Sa protesta, habang umaaray ang sambayanang Pilipino sa pagtaas ng pamasahe, langis at presyo ng mga bilihin, kumokolekta ang pamahalaan ng kalahating bilyong piso kada araw mula sa mga buwis sa langis. At sa gitna ng krisis, patuloy din umano ang pagdoble ng yaman ng mga burgesya komprador ng Shell, Petron at Caltex.
Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, lalo pang bumibigat ang gastos at lumalala ang krisis na kinakaharap ng mga manggagawa, tsuper, kabataan at pamilyang Pilipino. Sa halip na tugunan ang pangangailangan ng mamamayan, patuloy ang pagpapabaya ng rehimeng Marcos Jr. habang isinusulong ang mga proyektong hindi naman para sa interes ng bayan.
Hindi dapat tayo ang patuloy na nagpapasan ng bigat ng krisis habang kumikita ang malalaking kumpanya at inuuna ng gobyerno ang interes ng dayuhan.