Talasalitaan

Umento sa sahod


Nahaharap pa sa matinding pagkaantala ang dagdag-sahod matapos maglabas ng preliminary injunction ang Pasig Regional Trial Court pabor sa mga petisyon ng ilang kompanya.

Umento sa sahod o wage hike – Pagtaas sa halaga na ibinabayad sa isang empleyado para sa kanilang trabaho. Kilala rin ito bilang pagtaas ng suweldo o pagtaas ng sahod.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), ang inaprubahang P85 wage hike sa National Capital Region (NCR) ay hindi sapat at tila “barya” lang kumpara sa tinatayang P1,200 hanggang P1,305 na araw-araw na gastusin o living wage para sa isang pamilyang may limang miyembro. Insulto raw ito sa mga manggagawa. 

Nahaharap pa sa matinding pagkaantala ang dagdag-sahod matapos maglabas ng preliminary injunction ang Pasig Regional Trial Court pabor sa mga petisyon ng ilang kompanya.

Itinaas na nga lang sa P85 (sa dalawang tranches: P60 simula Hulyo 25 at P25 sa Enero 2027) ang sahod sa NCR mula P695 tungong P780, na malayo pa rin sa disenteng pamumuhay. 

Ayon kay Mary Ann Castillo, pangkalahatang kalihim ng KMU, “Maliit na halaga lang ito na ibinibigay sa mga manggagawa. Mas maliit ang saklaw kung para lamang sa NCR, habang milyon-milyong manggagawa sa bansa ang apektado ng krisis na hindi tinutugunan ng gobyerno.”

Ipinaliwanag pa ni Castillo na hindi dapat ipagmalaki ni Labor Secretary Francis Tolentino ang pagtaas ng sahod bilang “makasaysayan” dahil hindi ito kusang ipinagkaloob ng ahensiya. “Ito ay nakamit sa pamamagitan ng malakas na sama-samang pagkilos ng mga manggagawa at ng sambayanang Pilipino,” aniya.

Giit nila, kailangan ang P1,200 national family living wage pati na ang pagbuwag sa mga regional wage board.

Samantala, tinangkang arestuhin ng Philippine National Police si KMU chairperson Jerome Adonis. Ngunit pinangunahan pa rin niya ang protesta sa Department of Labor Employment kamakailan upang kundenahin ang kawalang-aksyon ng ahensya at ng gobyerno ni Ferdinand Marcos Jr. sa pagharang ng mga ganid na kapitalista sa P85 wage increase sa NCR. 

Ayon kay Adonis, walang makapipigil sa ating pakikibaka para sa mas maalwang buhay sa gitna ng krisis. Tuloy ang laban ng manggagawa para sa nakabubuhay na sahod, trabaho at karapatan.