Ipinagdiriwang taon-taon ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa mananakop. Pinalitan pa nga ang petsa nito mula Hulyo 4 sa Hunyo 12 upang ipakita diumano na matagumpay na nakalaya ang Pilipinas mula sa lampas 300 taong kolonyalismo ng Espanya.
Ngunit sa katotohanan, pinalitan lamang ng United States (US) ang Espanya sa paghahari sa ating bayan. At mula noong Digmaang Pilipino-Amerikano, hindi na umalis ang US sa ating bansa.
Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at nominal na pagbibigay ng kalayaan ng US sa Pilipinas, nilagdaan ang 1947 Military Bases Agreement na nagbigay ng pahintulot sa mga tropang Amerikano na mamalagi sa mga base sa Clark at Subic.
Sa gitna naman ng girian ng US at Soviet Union noong Cold War, nilagdaan ang 1951 Mutual Defense Treaty. Sa kasunduang ito, itinatadhana na dapat sumaklolo ang US at Pilipinas sa isa’t isa sakaling sumalakay ang isang external third party, partikular ang banta ng pag-atake ng Soviet Union.
Nang mapaso at tinanggihan ng Senado ang pagpapalawig ng Military Bases Agreement noong 1991, muling nakipag-usap ang US sa Pilipinas para sa isang bagong kasunduang militar.
Noong 1998, inaprubahan ang Visiting Forces Agreement (VFA) na nagpapahintulot ng pagpasok ng mga puwersang Amerikano sa teritoryo ng Pilipinas at taunang magkasamang pagsasanay ng mga sundalong Amerikano at Pilipino.
Sinundan naman ito ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (Edca) noong 2014 na pinapayagan ang pamamalagi ng mga sundalong Amerikano sa mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa tabing ng humanitarian assistance at disaster relief.
Sa madaling sabi, permanenteng mamamalagi ang mga puwersang Amerikano sa ating teritoryo na tila pagbabalik ng mga base militar ng US. Ang siste lang ay nasa loob na ito ng mga kampo ng AFP.
Napagkasunduan noong 2015 ang limang Edca site sa Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Benito Ebuen Air Base sa Cebu, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija at Lumbia Airport sa Cagayan de Oro City.
At nitong Pebrero lamang, napagkasunduan na magkakaroon ng karagdagang apat na Edca site sa Balabac Island sa Palawan, Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela, Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan at Naval Base Camilo Osias sa Santa Ana, Cagayan.
Kung imamapa ang siyam na Edca site, makikitang pinalilibutan ng puwersa ng US ang mga bahagi ng bansa na may estrahetikong lokasyon upang paglunsaran ng pag-atake sa Tsina. At hindi malabo na madadamay ang Pilipinas kung sumiklab ang sigalot sa pagitan ng US at Tsina.
Sa loob ng mahigit 100 taon, hindi binitawan ng US ang Pilipinas at patunay dito ang patuloy na panghihimasok ng US sa usapin at gawaing militar ng Pilipinas.
Paulit-ulit na sinasabi ng mga nagdaan at kasalukuyang rehimen ng US at Pilipinas na kaibigan ang turing ng mga bansa sa isa’t isa.
Ngunit alam ng mamamayan at nakatala sa kasaysayan na hindi kailanman naging paborable sa Pilipinas ang mga ‘di pantay na kasunduang militar na nabanggit na batbat ng pagyurak sa ating soberanya at paglabag sa mga karapatan ng mamamayang Pilipino.
Sa ganitong kalagayan ng relasyong militar ng US at Pilipinas, tunay nga ba tayong malaya?