Ang tunay na kalayaan
Matagal nang tanong kung kailan talaga dapat ang Araw ng Kalayaan. Ngunit ang mas mahalagang tanong, malaya ba talaga tayo?
Ipinagdiriwang natin ang ika-125 na Araw ng Kalayaan. Kinikilala ang Hunyo 12, 1898 bilang ang una. Nito nilagdaan ni Emilio Aguinaldo ang “Acta de la proclamacion de independencia del pueblo Filipino.” Ngunit alam nating lahat na ibinenta lamang tayo noon ng Espanya sa Amerika.
Matagal nang tanong kung kailan talaga dapat ang Araw ng Kalayaan. Ngunit ang mas mahalagang tanong, malaya ba talaga tayo?
Tunog usapang-pilosopiya man, politikal na tanong din ito. Mahigit isang siglo na ang nakalipas ngunit hinaharap pa rin natin ang mga parehas (o mas matindi pa) na mga isyung panlipunan. Hindi pa tayo malaya. Mas malalim sa pagpili ng petsa ng Araw ng Kalayaan ang tunay na paglaya.
Maraming dahilan kung bakit hindi pa tayo malaya; ilan dito ang estado sa bansa ng karapatang pantao, ng edukasyon at ng kalikasan.
Tila walang problema ang estado na labagin ang mga karapatang pantao, lalo na ng mga lumalaban para sa kalayaan. Hindi bago sa atin ang extrajudicial killings (EJKs). Aktibista ang karamihan sa biktima nito.
Noong Pebrero 2022 lang, lima ang pinatay sa Davao de Oro. Sila’y mga guro ng Lumad, community volunteers, at human rights defenders. Kinikilala sila ngayon bilang New Bataan 5. Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), napatay ang lima sa engkuwentro ngunit tinanggihan naman ng New People’s Army (NPA) ang pahayag na ito.
Ayon sa datos noong Mayo 2022, 6,525 na biktima na rin ang nadagdag sa bilang ng EJKs dahil sa war on drugs ni Rodrigo Duterte. Patuloy pa rin ang digmaang ito sa ilalim ni Marcos Jr.
Pinapaslang ang iba, dinudukot naman ang ilan. May mga lumalaban na iwinawala at nagiging desaparecidos. Mahaba ang kasaysayan ng pagdukot bilang porma ng pagpapatahimik. Nitong Abril lang, dinukot si Bazoo de Jesus at Dexter Capuyan.
Ang mas malala pa, nire-red-tag ang mga dinadahas, upang bigyang-rason ang pagpapahamak sa kanila. Tinatawag na komunista, rebelde o terorista ang mga ipinaglalaban ang kalayaan ng ating bansa.
Hindi rin maganda ang estado ng edukasyon. Ayon sa Basic Education Report (BER) ni Sara Duterte noong Enero, maraming hamon sa Department of Education pagdating sa paghahatid ng mabuting edukasyon sa mga mag-aaral. Maraming kulang sa imprastraktura ng mga paaralan at learning resources.
Marami ring ipinasara na paaralang Lumad. Noong 2019, 55 ang nagsara. Para bigyang-hustisya ang pagpapasara, ni-red-tag ni Sara Duterte ang mga volunteer na guro. Sabi niya, may kaugnayan sila sa mga terorista.
Ngunit mahalagang tandaan ang dahilan kung bakit may mga paaralang Lumad. Itinayo ito upang bigyan ng maayos na edukasyon ang mga Lumad. Kasabay ng basic education, itinuturo rin sa kanila ang sustainable agriculture at indigenous arts and culture. Sa paaralan, natututunan nila na unang hakbang ang edukasyon sa pagpapalaya sa kanilang mga sarili.
Patuloy tayong inaapi ng mga institusyong dapat ay sinusuportahan tayo. Kahit sa nibel ng kalikasan, nakukulong tayo. Hindi lamang ipinapasara ang mga paaralang Lumad, dinadahas din ang mga katutubo na una sa pagtatanggol sa kalikasan.
Ayon sa Global Witness noong 2022, pinakadelikadong bansa sa Asya ang Pilipinas para sa land at environmental defenders. Noong 2022, 19 ang pinaslang. Mga katutubo ang karamihan sa kanila.
Patuloy din ang pagdanas natin sa mga epekto ng climate change. Halos hindi makatao ang nagdaang tag-init. Nagbabadya pa ang El Niño ngayong Hunyo hanggang Agosto. Pinapasan din natin ang matinding pag-ulan at mga bagyo. Sa mga nakaraang taon, palaging may tumatamang supertyphoon.
Sa pagtaas ng nibel ng dagat, mas madalas na rin ang storm surge. Kasabay din nito ang paglubog ng maliliit nating isla. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi prayoridad ng pamahalaan ang climate justice.Habang ipinagdiriwang natin ang ika-125 na Araw ng Kalayaan, patuloy pa rin tayong nakatali sa mga sistemang mapang-api. Sa ngayon, gaya ng kasabihan, hindi tayo malaya, mahaba lang ang tanikala.