FEATURED

Isang taong kapalpakan sa agrikultura

Tadtad ng problema ang sektor ng agrikultura. Kulang ang suplay, bagsak ang produksiyon ng pagkain at talamak ang panggigipit sa magbubukid. Pero ang solusyon ni Marcos Jr.: Buhayin ang mga dati nang palpak na programa ng amang diktador na lalong papatay sa sektor.

Pineste ang mga magbubukid ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Agriculture (DA) sa nagdaang isang taon.

Noong Hunyo 20, 2022, inanusyo ni Marcos Jr. na uupo siya sa pagkapuno ng DA at Hunyo 30 naman nang pormal na manungkulan.

Tadtad ng problema ang sektor ng agrikultura. Kulang ang suplay, bagsak ang produksiyon ng pagkain at talamak ang panggigipit sa magbubukid. Pero ang solusyon ni Marcos Jr.: Buhayin ang mga dati nang palpak na programa ng amang diktador na lalong papatay sa sektor.

“Puwede nating sabihin na, itlog—bagsak,” hatol ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairperson Danilo Ramos sa pamamalakad ni Marcos Jr. sa DA.

Taliwas ito sa sinabi ni Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address (Sona) na gagawing prayoridad ang pagsasaka at produksyon sa bansa.

Matinding pasakit sa mga magbubukid ang patuloy na pagsirit ng inflation rate na nagreresulta sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, habang binabarat ang presyo ng palay at iba pang produktong agrikultural.

Nitong Hunyo 8, inilunsad ang Lakbayan ng mga Magbubukid para salubungin ang ika-35 taong anibersaryo ng huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program. Larawan ni Deo Montesclaros.

Halimbawa dito ang nangyari sa sibuyas nitong unang hati ng taon. Ang P250,000 kapital ng mga magsasaka ng Occidental Mindoro kada ektarya, binibili sa luging presyong P8 o P15 kada kilo, kung hindi, itatapon dahil sa kakulangan o mahal ang bayad sa pasilidad na pag-iimbakan ng ani.

Nitong Hunyo 8, inilunsad ang Lakbayan ng mga Magbubukid para salubungin ang ika-35 taong anibersaryo ng huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program.

Nagmartsa ang mahigit 300 magsasaka mula Gitnang Luzon at Timog Katagalugan patungong Department of Agrarian Reform sa Quezon City para ipanawagan ang agarang tunay na reporma sa lupa, ayuda at subsidiya, pagtigil sa militarisasyon sa mga komunidad at hustisya sa mga paglabag sa karapatang pantao.

Anila, nakababahala ang kinabukasan ng agrikultura sa bansa. Isang taon ang lumipas, napahamak lang sila ng pag-upo ni Marcos Jr. sa DA. Lalong nagutom ang taumbayan at bumagsak ang produksiyon.

Binubuhay ang bigo

Katumbas ng pagtulong sa magbubukid ni Marcos Jr. ang pagbuhay sa imahen ng pinatalsik na amang diktador.

Inanunsyo niya nitong Hunyo 2 na ibabalik ang Masagana 99 ni Marcos Sr. bilang Masagana 150 at 200. Kung dati, 99 kaban ng palay kada ektarya, ngayon ay 150 at 200 na.

Napatunayan nang palpak ang Masagana, ani dating Agriculture Secretary Carlos Dominguez III.

Nabaon sa utang ang libo-libong magsasaka at nagsara ang mahigit 800 rural bank dahil sa laki ng interes sa pautang ng programa.

Tanong ng mga magbubukid: Bakit bubuhayin ang kilalang palpak na programa?

“Winasak, sinira [ng Masagana 99] ang agrikultura, at sustainability ng lupa at sistema ng pagsasaka,” wika ni Ramos.

Imposible umano ang sinasabi ni Marcos Jr. na 97.5% rice sufficient na ang bansa sa loob ng limang taon.

Hindi ito magagawa kung nananatiling “siyam sa bawat 10 magsasaka ay walang sariling lupa, walang subsidiya at patuloy ang pag-angkat ng bigas na pumapatay sa lokal na industriya,” ayon kay Ramos.

Gayundin naman ang pagkokondisyon ni Marcos Jr. sa pagiging epektibo ng Kadiwa rolling stores na maghahatid ng mga produktong agrikultural sa mas murang halaga.

Ipangalandakan man, bigo ang “Kadiwa ng Pangulo” ni Marcos Jr. maserbisyuhan ang buong bansa.

Ani Arnold Cunanan, miyembro ng Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala), hindi pa sila nakakikita ni minsan ang kahit isang Kadiwa.

Sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), 783 bayan at siyudad ang may 20% insidente ng kahirapan noong 2018.

Gayundin, kung hindi magsasaka, mangingisda ang laging nangunguna sa mga pinakanaghihirap na sektor sa mga taong 2015, 2018 at 2021.

Habang ang nasa 500 Kadiwa outlet, na karaniwang nasa sentro ng malalaking bayan at siyudad, hindi naaabot ang populasyong lubhang nangangailangan ng murang pagkain.

Perhuwisyong Duterte, tinuloy ni Marcos Jr.

Inaprubahan noong 2019 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Rice Tariffication Law para umano pababain ang presyo ng bigas sa pagbaha ng suplay nito.

Kasabay nito, tinanggalan ang National Food Authority (NFA) ng kapangyarihang mag-angkat at nilimitahan ang buffer stock para sa kalamidad, kaya wala nang mabiling NFA rice, na ‘di hamak na mas abot-kaya sa presyong P27 kumpara sa commercial rice.

Apat na taon matapos maipasa ang batas, humigit-kumulang P15,000 ang nawawalang kita ng mga magsasaka kada ektarya, ayon sa datos ng Ibon Foundation.

“‘Pag umaani kami, napakababa [ng presyo] ng palay, nagiging dose, onse [pesos]. Mahal pa ang darak, mahal pa ang balat ng palay sa palay sa amin. Wala naman kaming magawa at gawa noong ‘pag umulan, mabubulok na ‘yon,” ani Felipe Nazar ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (AMB).

Imported din ang ibang pangangailangan sa pagsasaka gaya ng abono at diesel, na ayon kay Nazar, malaking bahagi sa gastusin nila.

Isang batayan ang bigas sa antas ng inflation sa bansa. Mahal ang mga input at materyales sa produksiyon, dagdag pa ang patong ng traders kaya lumolobo ang presyo ng local rice.

Samantala, dahil mas pinaburan ang mga pribadong importer, artificial shortage ang resulta sa paghina ng suplay ng bigas, dahilan sa pagsipa ng inflation rate.

Nahihirapang makasabay ang mga magsasaka sa imported rice, na mas tinatangkilik dahil sa dami ng suplay.

Atake sa mga magsasaka

Katunayan, sa ulat ng Karapatan sa unang hati ng 2023, nasa 1,430 manggagawang bukid ang napilitang lumikas, nasa 1,025 naman ang nakaranas ng strafing ng mga elemento ng estado. Larawan ni Jessica Luna.

Kakambal ng rehimeng Duterte ang panunungkulan ni Marcos Jr. sa pagpapatuloy ng represyong dinaranas ng mga magbubukid at manggagawang bukid.

“Ang karanasan ko, matinding [atake]. Kasi syempre [pinupuntahan] ako ng militar sa bahay. Araw-gabi ‘yan. Kaya dito muna ako sa national sumilong, ilang taon bago ako makabalik sa amin,” pagbabahagi ni Alicia, hindi niya tunay na pangalan.

Lider-magsasaka sa San Jose del Monte, Bulacan si Alicia na napilitang itago ang tunay na pangalan ‘pagkat patuloy tinitiktikan ng mga elemento ng estado.

May mga sundalong nakapakat ngayon sa lugar nina Alicia na bumubulabog sa kanilang komunidad.

Nang minsang tinulungan nila ang mga biktima ng demolisyon dahil sa pagko-commercialize ng mga lupang sakahan, pinagbabaril sila ng private goons ni Gregorio “Greggy” Araneta III—bayaw ni Marcos Jr.

“Pero ang katuwiran ko, hindi masama ang ginagawa ko. Hindi ako NPA (New People’s Army). Hindi ako terorista. Kundi, bilang isang magsasaka na naglilikha ng pagkain ng mamamayang Pilipino,” saad ni Alicia.

Katunayan, sa ulat ng Karapatan sa unang hati ng 2023, nasa 1,430 manggagawang bukid ang napilitang lumikas, nasa 1,025 naman ang nakaranas ng strafing ng mga elemento ng estado.

Isa naman ang naitalang biktima ng extrajudicial killing nang ratratin ng 3rd Scout Forces Battalion ng Philippine Army (PA) ang mga umaani ng pananim na gulay sa Surigao del Sur noong Enero 24.

Dalawa ang biktima ng iligal na pag-aresto mula sa mga kamay ng 79th Infantry Battalion ng PA. Papunta sana sa taniman at titingnan ang mga alagang hayop nang bigla na lang dukutin sina Rex Lumayno at Eric Opinggo.

Pinanghimasukan naman ng mga sundalo ang sigalot sa 200 ektaryang lupain ng Malayang Kilusang Samahan ng mga Magsasaka ng Tinang (Makisama-Tinang) sa Concepcion, Tarlac dahil alkalde ng bayan ang umaagaw.

Ayuda at pamamahagi ng lupa

May konkretong hinahaing polisiya ang mga magbubukid, gaya ng Genuine Agrarian Reform Bill, taliwas sa mga mababangong salita ni Marcos Jr. Larawan ni Jessica Luna.

Agarang pagbibitiw ni Marcos Jr. sa DA ang panawagan ng KMP dahil patuloy ang kapalpakan at kawalang katiyakan sa agrikultura.

Ginigiit din ng mga magsasaka ang P15,000-30,000 na production subsidy “na magagamit para sa linang, pananim, at bunot,” ani Ramos.

Nais din ng grupong ihinto ang implementasyon ng Rice Tariffication Law.

“Habang hindi pa iyon nare-repeal ng Kongreso, mahalaga na dapat magkaroon ng executive order si Marcos Jr., bilang presidente at concurrently ay Secretary [of Agriculture], ng executive order, temporary suspension,” dagdag ni Ramos.

May konkretong hinahaing polisiya ang mga magbubukid, gaya ng Genuine Agrarian Reform Bill, taliwas sa mga mababangong salita ni Marcos Jr.

Layon nitong libreng ipamahagi ang mga lupang sakahang hawak ng pamahalaan at pribado sa mga sakada sa loob ng limang taon.

Hiling din nila, ipasa ang Rice Industry Development Bill na maglalaan ng P495 bilyong pondo sa produksyon, irigasyon, post-harvest facilities at pananaliksik sa bigas, gayundin sa pagbili ng palay ng NFA sa mga magsasaka sa loob ng tatlong taon.

“Dapat tugunan ang kahilingan ng mga magsasaka. Palakihin ang budget, subsidyo at hindi po yung mga sinasabi na magaganda pero sa realidad ay wala,” saad ni Ramos.