Talasalitaan

Tala-Salitaan 0731 | Minimum wage


Minimum wage – pinakamababang sahod na binabayad o pinahihintulutang bayaran sa sinumang taong may trabaho sa pangkalahatan o sa isang partikular na kategorya ng mga taong may trabaho na itinakda ng ligal na awtoridad sa pamamagitan ng kontrata.

Minimum wage – pinakamababang sahod na binabayad o pinahihintulutang bayaran sa sinumang taong may trabaho sa pangkalahatan o sa isang partikular na kategorya ng mga taong may trabaho na itinakda ng ligal na awtoridad sa pamamagitan ng kontrata.

Umento sa sahod na P40, sapat ba para mabuhay ang iyong pamilya?

Sinabi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na tinipid at binarat ang mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) sa ibinigay na P40 na dagdag sahod para sa mga minimum wage earner.

“Kulang pa ang P40 para makabili ng karagdagang isang kilong bigas para sa pamilya,” ayon sa KMU.

Inilahad naman ni KMU secretary general Jerome Adonis na ibinibida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mabilis na paglago ng ekonomiya ng bansa subalit mainam aniya na tingnan din ng pangulo ang mabilis na paglawak ng agwat ng mayayaman at mahihirap.

Sa kabila nito, ipinabatid ng KMU ang kanilang pagpupugay sa mga manggagawa at unyon na naggigiit ng dagdag-sahod.

Anila, ngayong nagkamit ng kakarampot na dagdag, “Hindi ito nanggaling sa kabutihang loob ng administrasyon Marcos Jr. kundi sa ating pagsisikap na isulong ang ating laban.”

Panawagan pa ng KMU na magbigay ng dagdag-sahod na kayang bumuhay ng mga manggagawa at hindi barya-barya lamang.

Ganito rin ang sentimyento ng grupong Unity for Wage Increase (Uwin), isa sa mga samahang nagsampa ng dagdag-sahod sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa NCR.

“Lubhang kulang po ‘yung P40. Kami sa Uwin, nag-file ng petition para dagdagan ng P530, ibig sabihin itaas sa P1,100 ang arawang sahod,” wika ng unyonistang si Allan Labahata na kabilang mga nagpetisyon.

Sa NCR, inilagay ng Ibon Foundation sa halagang P1,160 ang nakabubuhay na sahod para sa isang limang kataong pamilya noong Abril. Ito ang ginamit na batayan ng Uwin para sa kanilang isinumiteng panukalang dagdag-sahod.

Patutsada pa ng Uwin, ni hindi umabot ang dagdag-sahod kahit sa kalahati man lamang ng isinumiteng panukala ng ibang mga unyon sa RTWPB. Giit pa nila, walang ginhawa na maihahatid ang barya-baryang dagdag-sahod.

“‘Di pa naibibigay, kinain na ng taas-presyo ang halaga? Patuloy ang aming panawagan: ibigay ang nakabubuhay na sahod,” ayon sa grupo.

Binigyang-diin naman ni KMU chairperson Elmer Labog na bagamat pare-pareho ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, nananatili namang mababa at maliit ang sahod ng mga manggagawang Pilipino, lalo pa sa mga probinsya na mas mababa pa sa P500 kada araw ang kinikita kumpara sa mga nasa lungsod.

Iginiit pa ni Labog na mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga panukala na ipinapasa sa Kongreso.

Aniya, mayroon nang mga inihahain na mga panukalang batas sa Kamara hinggil sa kagyat na pagtataas ng sahod ng mga manggagawa na dapat ay umaabot sa tinatawag na “family living wage” o katumbas ng P1,161 kada araw ang kinikita ng isang manggagawa upang mapakain at mabuhay ang kanyang pamilya na karaniwang may limang miyembro.

Kaya naman panawagan ng kanilang hanay na magkaroon ng pambansang minimun na sahod para sa lahat ng manggagawa na katapat ng sinasahod ng mga nasa Metro Manila.

Giit ni Labog na kailangan ng isang halaga na mag-aahon sa family living wage na nakatakda sa P1,161 kada araw at kung anuman ang kakulangan existing wage levels ay iyon dapat ang kinakailangang idagdag na halaga upang makamtan ito.

Marapat lang na makatanggap ng makatwirang dagdag-sahod maging ang mga manggagawa sa mga lalawigan.

Parehong ipinabatid ng KMU at Uwin ang pagpapatuloy ng kanilang kampanya para magkamit ng makabuluhang dagdag-sahod na tutugma sa halaga ng nakabubuhay na sahod sa bansa.